Thursday, April 3, 2014

Obscure Bible Verses #15: Genesis 34:14. Ang Paghihiganti ng mga kapatid ni Dinah laban sa mga Shechemites


Dinah and the Shechemites

Pagdating sa mga aksyon sa bibliya, ang pinaksikat e ang pakikipagdwelo ni David sa higanteng Goliath gamit ang isang tirador bilang sandata, ang pagpaslang ni Samson ng daan-daang kalaban gamit ang bungong panga ng leon at ang paggapi ni Gideon sa mga Midianites gamit e mga palayok at torotot. Meron ring isang Shamgar na kumitil ng buhay ng 600 (pero hindi mo nababalitaan dahil isang berso laang ang kayang ibigay ng Dios sa libro nya't naubos na ang espasyo tungkol sa yagbols). 

Pero hindi lahat ng mga tauhan ng Dios e meroong balatek, lakas ng kagaya ni Bernardo Carpio o kakayahang gumiba ng pader sa pamamagitan ng ingay. Ang iba e kinailangang gumamit ng utak para magwagi. Sa kwentong ito ng paghhiganti ng mga kapatid ni Dinah, e magmumukang children’s party ang Red Wedding ng Game of Thrones.

Ang pagkakasala

Naglalakad noon si Dinah, anak ni Jacob, para bisitahin ang kanyang mga amiga nang mamataan sya ng isang lalaking Shechem ang pangalan, anak ni Hamor. Hindi nag-aksaya ng oras at espasyo ang Genesis para isaksak sa atin ang eksena. Sa pangalawang berso pa laang gahasaan agad. At idinaan ni Shechem sa force si Dinah, Pen Medina style.

Tradisyonal na panliligaw ng mga Shcemites? 
Nain-lab naman pala itong si Shechem ke Dinah kaya’t ayaw niya itong idispatsang parang basahang matapos gamitin. Gusto niya itong pakasalan at hiniling nya sa ama niyang si Hamor na gawan ng paraan para sila e makasal.

Hambal at nanginginig ang kalamnan ng mga lalaking kapatid ni Dinah nang malaan ang naganap na paglulugso ng puri.

Ang pakikipag-ayos

Nakipag-usap si Hamor sa tribu nina Jacob na ipakasal na laang ang kanilang mga anak. Kabilang sa usapang ito ang pagsasanib ng kanilang tribu sa larangan ng kalakalan at mga ari-arian. Isang alay ng kapayapaan ang inialok ng kampo ni Hamor, kapalit ng pagpapakasal ng dalawa.

Pumayag ang mga utol ni Dinah sa isang kundisyon: Kailangang magpatuli ng lahat ng mga lalaking katribu ni Shechem, gaya nila, dahil hindi kaaya-aya sa kanilang Panginoon ang pagkakaroon ng balat na tumatakip sa ulo ng kanilang mga uten, ba syang nakasulat sa ating obscure bible verse. Ang kwento nina Dinah at Shechem e maihahambing kina Romeo at Juliet, pero sa imbes na Capulet at Montague, e mga tule at supot ang magkalaban. At hindi rin nga pala nireyp ni Romeo si Juliet sa una nilang pagkikita kaya't hindi rin pala pareho. Basta, tule vs supot.  

Aprub ke Hamor ang kundisyong ito, na walang kamalay-malay sa mala-Lanister na plano ng mga anak ni Jacob. Aba'y ano na laang ba naman iyung magpaputol ng konting balat sa uten? Malay mo nga nama't mauso rin iyon? 

Umuwi ang mag-ama sa kanilang bayan at ipinroklamang magpatuli ang lahat ng lalaki. Ibinenta nila ang ideya ng interracial marriage kung magaganap ang pagpapatuling ito, hindi laang sa kanyang anak, kundi pati na sa mga alipores nyang nasasakupan. Malamang e magaganda ang mga bubae sa tribu ni Jacob para pumayag amg tribu ng mga supot sa isang operasyong hindi nakasanayan sa kanilang lugar. At malamang e maganda ang testimonya ni Shechem dahil pumayag ang mga lalaki.

Ang Paghihiganti

“Ako na nga’t nakapanood na ako kung paano gawin iyan."

At nagpatuli nga ang lahat. Kung saan sila kumuha ng manunuli e hindi ko alam. Tandaang hindi sila nagtutuli kaya’t wala silang taong ganun ang tarbaho. Nag-imbita kaya sila ng taga-bayan ni Jacob para magpaturo kung paano magpatuli? Nagpa-seminar kaya sila? Nagpatalastas ba sila para opening sa tarbahong iyon o pina-outsource nila? O naisip nilang simpleng operasyon laang naman iyon at hindi naman gaanong kahirap maggayat ng balat ng uten kaya’t sila-sila na laang ang gumawa gamit ang sistema ng trial-and-error? Kumuha kaya sila ng matador sa palengke para magputol ng balat ng uten nila? O isinabay na laang nila ang pagpapatule sa mga asawa at nanay nilang nagluluto ng tanghalian habang naggagayat ng gulay at patatas? Hindi malinaw sa bibliya kung paano nila ito ginawa. Basta, ginawa nila at sila e natule. 

At sa ikatlong araw kung kelan masakit ang lahat – tandaang wala pang pampangimay o anesthesia noon – saka umatake ang mga kapatid ni Dinah at pinagpapaslang ang lahat. 

 
Matapos bumagsak sa kamay ng mga kapatid ni Dinah ang mga bagong tule, e isinunod naman nila ang pagkamkam ng mga baka, asno, yaman, mga asawa at mga anak nila. At kailangang idamay ang lahat? Pati mga bubae, hayup at mga batang walang kinalaman sa mismong panrereyp? Dahil lintek lang ang walang ganti. 


O kaya e makipagkilala at manligaw?
Ang Aftermath

Tutol si Jacob sa ginawang ito ng mga anak nya dahil pinabaho raw nito ang kanyang pangalan. Hindi laang ang reputasyon ang pinag-aalala ni Jacob, kundi pati ang kanilang kaligtasan. Maaaring maging mitsa iyon para resbakan sila ng mga kaaway. At dahil maliit laang ang kanilang pwersa e malamang na mapapahamak nga sila pag nag-anib ang kanilang mga kaaway para labanan sila. 

Ang sagot ng magkapatid? "Dapat ba niyang tratuhin syang parang puta?" 

Astig sanang one-liner ito, ala-action movies na Pinoy, kung hindi laang tanga ang dating nito. Tandaang outnumbered sila at dehado. Hindi sa kinokondena ko ang panggagahasa, pero nakikipagkasundo naman si Shechem sa kanila at ipapatule nya pa ang mga tauhan nya para maging katanggap-tanggap sila sa dios ng angkan ni Dinah. Sa katunayan nga, gusto nyang ibangon ang puri ni Dinah (na sya rin naman ang sumira) sa pamamagitan ng pagpapakasal sa kanya. At mahal niya pa nga si Dinah. Malamang nga e hindi ganun ang tamang panliligaw sa crush mong bubae at hindi mo dapat dinaraan sa dahas, pero naroon na iyo't nangyari na. Hindi na ba maitatama ng isang kasal ang kasamaang iyon? Isang kasal na me kasamang pagtutule sa mga Shechemites? Malamang nga e hinde. Pero anung kalaking pagresbak? Damay ang mga inosente? 

At tinanong rin ba nila si Dinah kung ayos laang sa kanya iyon? Malay mo sang-ayon naman siya sa ideya ng kasal. Hindi ba talaga nila mapalampas ang isang reyp o gusto laang nilang ilabas ang murder rage na namumuo sa kanilang yagbols? Makikita ang sagot sa mga mata ng magkapatid.

Meron pa ba tayong kapatid na babaeng pwedeng mareyp ng ibang tribu?





No comments:

Post a Comment