Showing posts with label pagkain. Show all posts
Showing posts with label pagkain. Show all posts

Sunday, November 23, 2014

Gallstone Diet: Ang Kagila-gilalas na Dyeta

Gusto nyo bang magdyeta? Gaya ko, sawa na ba kayong pumwesto sa likuran sa tuwing magpapakuha ng litrato sa isang handaan? Gaya ko, sa imbes na pounds o kilos ang sinasabi mong timbang e stones para hindi malaan kung gaano ka na kabigat? Gaya ko, sawa na rin ba kayong tumitig sa mga damit na binili nyo noong araw at hindi nyo na maisuot? 

Meron akong natuklasang isang bagong diet na nakapagpababa ng timbang ko ng 10 lbs sa loob ng dalwang linggo! Walang ehersisyo, walang gamot! 


Mula sa muka ng tuwang-tuwa nakakita ng donut shop sa ganitong muka.

Ang tangi mo laang gawin e magkaron ng gallstones sa iyong katawan. Ilang buwan na rin akong nagdurusa sa pananakit ng likod at tyan. Wala akong makitang pattern noon hanggang sa magpatingin na rin ako sa doktor. Natuklasan ko, halos isang buwan ang nakakalipas, na gall stones pala ang salarin. Ngayon alam ko nang nananaksak ng tyan ko at nanghahambalos ng likod ko e mga mamantika o matatabang pagkain. 


Dahil mas madaling ipaliwanag ito sa pamamagitan ng cartoon
kesa sa mismong ultrasound images.
Matapos magdusa sa pananakit na ito at magastusan nang hindi inaasahan, natuto ako. Umiiwas na ako sa mga pagkaing ito na magdudulot ng atake ng gallstones. Madali laang sa akin ito dahil talaga namang iniiwasan ko ito dati. Sa loob ng isang linggo, pinapayagan ko ang sarili kong kumain ng mga ito ng isang beses laang, gaya ng pagkakape ko. Pero, sinong niloloko ko sa sinasabi ko? Ang 'minsan-minsan laang naman' e napapadalas. 


Gallstone Diet

Ngayon, wala akong pagpipilian kundi umiwas sa mga pagkaing matataba o mamantika: ang 90% ng lahat ng masasarap na pagkain sa mundo: hamburger, nasi goreng o Indonesian friend rice (ang salarin ng huling atakeng nagdala sa akin sa ospital), iga bakar o grilled ribs, lechon kawali (natutunang lutuin kelan laang ng aking misis), adobo, martabak manis, atbp. Kung kinakailangan ko pang ipaliwanag kung bakit nakakataba ang mga pagkaing ito e tumigil ka na sa pagbabasa't malamang e naaabala kita sa pagngata mo ng tsitsarong baboy na isinasawsaw mo sa isang garapon ng Nutella chocolate.

Ngayon e meron nang halo ng takot at kaba kung susubok akong kumain ng kahit konti laang ng mga ito. Para akong makikipag-Russian roulette sa paglamon ng mga ito o nakikipaghamunan ng chickie run ke Satanas. 

Bukod sa pag-iwas kong ito, binawasan ko pa ng kalahati ang kain ko. Mula sa dating isang tasa ng kanin, e ginawa ko ng kalahati na laang. Ang epekto: Pagbaba ng timbang ko. Sampung pounds rin ang natanggal ko. 

Wala rin akong ehersisyo ni paglalakad man ng marahan dahil pinag-bawalan ako ng  doktor dahil naapektuhan ang atay ko ng gall stones na ito. Nakakaurat mang walang ginagawa, kahit papano e meron akong palusot sa misis ko sa aking pagmamarathon ng mga pelikula. 

Ang Aking Diet

Ang malimit kong kinakain e gulay na masabaw, walang asin, walang vetsin. Ito at kalahating tasa ng kanin. Ito o isang tapyas ng whole wheat bread at tuna (yung canned in water, hindi oil). At instant oatmeal at muesli. Kelangan mo ng gabanyerang lagayan ng instant oatmeal at muesli dahil kokonti laang ang kinakain mo, kelangan mong kumain nang madalas. Idagdag mo pa riyan ang mga putas para sa meryenda. 


Mas lasang ospital, mas tama ang timpla mo.

Eepek ba ito sa iyo?

Ito malamang ang tanong mo sa sarili mo. Depende na sa iyo iyan. Hindi ito eepek sa mga uri ng taong meron nang TB/ lung cancer e sige pa rin nang sige sa pagyoyosi, inubos na ng cirrhosis ang atay e gin ang pamalit na sawsawan sa pandesal, matapos lumabas ng operating room para sa isang bypass e nagdiwang nang paglamon ng crispy pata sa Max's o ubos na ang daliri sa paa dahil sa diabetes e panay pa rin ang inom ng Coke umaga, tanghali't gabi. 


Sinusulit na ng batang ito ang huling pagkakataong magagamit nya ang kanyang hintuturo
bago ang kanyang amputation sanhi ng kumplikasyon ng diabetes.

Para ito sa mga taong meron pa ring takot sa kalawit ni Kamatayan. Para ito sa mga taong tinatablan pa rin ng sakit. Para ito sa mga hindi ganoon katigas ang ulo. Isipin nyo: Sa tuwing kakain kayo ng mga nakakatabang pagkaing ito, merong mananapok sa tyan at likod nyo. 

"Ingat sa kain. Umiwas sa mamantika't matataba," payo sa akin ng aking inang natuto nang mag-Facebook. Sa kauna-unahang pagkakataon, ito ang payong hindi ko pwedeng bale-walain. Aba'y para akong inuurakan kapag sumasakit ito, paanong hindi ako tatalima sa payong ito? 

Ito ang isang bagay na siguradong magbibigay sa atin ng disiplina sa katawan. Instant parusa. Kung hindi instant ang parusa, hindi natin ito tatandaan. Tingnan nyo ang mga diabetic na kanda-inom pa rin ng isang litrong Coke sa loob ng isang araw. Hindi sila masaway dahil hindi nila nararamdaman agad ang epekto ng kalokohan nila sa katawan. Dapat sa tuwing kakain tayo ng yema, makikita nating nabubulok nang paunti-unti agad ang ating ipen, sa tuwing kakain tayo ng taba ng liempo e nararamdaman nating unti-unting nagsasara ang ugat na daluyan ng ating dugo, sa tuwing nagyoyosi e nararamdaman nating unti-unting numinipis ang hangin at parang wala tayong malanghap. 

Ano ang gagawin mo? 


Madali laang. Uuwi ako sa Disyembre sa Pilipinas. Sagutin mo ang operasyon ko, este, natin para sa gallstone transplant. Ang tatanggaling gallstones sa akin e malugod kong ipapasa ko sa iyo para makapagpayat ka rin. Tenk yu.  


Saturday, June 21, 2014

Ang Martabak Manis, Halimaw na Meryenda

Sa huling gabi ng aming bakasyon sa Jakarta, napagpasyahan namin ng misis at anak kong bumili ng martabak. Ilang buwan na, kundi man isang taon, nung huli kaming kumana nito. Ang martabak o lovely death sa wikang Inggles - ito ang pinakamalapit na translation na maiimbento ko para sa pagkaing ito - e isang mala-hotcake o bibingkang Indonesian na kalimitan e sa gabi minemeryenda. 


Ito e binubuo ng 50% batter, 10% na asukal, 20% keso, (pwede ring palagyan ng chocolate sprinkles, Nuttela, mani o saging) at 30% Blue Band margarine. At oo, alam kong 110% ang total ng ingredients na inilagay ko dahil ito ang 110% effort na ikinalalagot ng litid ng mga coaches sa motivational speech nila sa half time ng championship at tambak ang team nila sa mga sport movies. Sa huli kong post e matatandaang hinirang kong isa sa muka ng Mt Rushmore ng kasamaan ng fat ang margarine, pero putang ina, ibang usapan kasi ang martabak. Kapag kumain ka kasi nito e para kang nagtawag ng dalawang anghel sa langit at pinaglesbian sex mo sila sa dila mo. 


Sa panahon ngayon, tanging mga sawa na sa buhay ang walang pakelam sa uri ng basurang isinasaksak nila sa kanilang katawan. Pag napatunayan mo sa isang hukumang kumakain ka ng martabak nung panahong naganap ang isang krimeng ibinibintang sa iyo, pwede mong i-establish na meron kang temporary insanity para mapawalang-sala ka dahil walang taong nasa tamang katinuan ang kakain ng ganitong dami ng margarine at asukal. Ang tanging naiisip ko laang na taong kakain nito e si Christian Bale kung maghahanda sya sa isang movie role bilang Philip Seymour Hoffman sa isang biopic nito. Sa mga sibilisadong bansa, ituturing na extreme sport ang kumain nito. 


Dapat sa kahon nito e merong address ng pinakamalapit na ospital dahil sa kalagitnaan ng martabak mo e makakaramdam ka ng pagsasara ng ugat sa puso mo. Sa tuwing kakain akong mag-isa nito noon e sinisimulan ko ang lahat sa pagsulat ng "Dear Annie at Kane" dahil para na rin akong namamaalam pag nagpapasya akong kumaing mag-isa nito. Tanging suicide laang ang motibong makikita ng mga imbestigador kapag natagpuan ang walang-buhay kong katawang nakahandusay sa sahig, katabi ng kahon ng martabak. 

Sa pila sa loob at labas ng tindahan at sa dami ng tupi sa tagiliran ng mga pumipila rito, mahahalata mo kung gaanong kabalasubas sa sarap ang binebenta nilang martabak. Mababakas rin sa mga muka ng mga kostumer nito ang isang antas ng pagkahiyang pamilyar sa mga muka ng mga lalaking pumipila sa mga bubaeng paupahan sa mga spakol. 

Walang kostumer na umiiskor ng martabak ang ipinagmamalaki ang kanilang pagkahumaling sa martabak dahil isang mensahe ang pinapakita mo sa mundo sa tuwing kakain ka nito: Oo, alam kong walang nutritional benefits ito, alam ko rin ang health hazards nito at kung saan sasaksak sa katawan ko ang lahat ng trans fat nito, pero punyeta, magkaharangan man ng sibat e lalamon ako nitong putang nang 'to. 

Noong una e kinodakan ko ang mga kostumer na nakapila para ipakita ang mala-amusement park na haba nito, pero dahil sa dami ng mukang ibe-blur ko, e hindi na laang. Protektado ng batas ang mga Indonesian na i-blur ang kanilang mga muka sa camera kapag bumibili ng martabak, sa kaparehong dahilang bine-blur ng media ang muka ng mga menor-de-edad na suspek at naglulugay ng buhok ang mga nareraid na hostess para magtakip ng muka sa TV. 

Dito sa pilang ito laang ako hindi nagrereklamo kapag merong nagyoyosi. Kung sa angkot o jeep, siguradong aalma ako ipapapatay ko ang sindi ng yosi ng sinumang sasakay. Pero sa isang pila ng martabak, siguradong isang kaipokrituhan ang magreklamo tungkol sa kalusugan ng baga mo. Sigurado akong pagtataasan laang ako ng kilay ng mga mamang nagyoyosi at sasabihan ng: P're, sasaksakan mo ang katawan mo ng ganitong lebel ng trans fat na maaari mong ikamatay sa gabing ito at magrereklamo ka sa anim na minutong mababawas sa buhay mo dahil sa usok na bumubuga sa sigarilyo ko?

At sigurado rin akong wala akong maibabatong pangontra. 

Hindi ako makapanghusga ng mga durugista sa tuwing kakain ako ng martabak. Naiintindihan ko ang antas ng kanilang desperasyon at ligaya. Alam kong sa isang kamay e isang lason ang tumira nito, pero sa kabila naman e isang ikapitong langit na walang katumbas. Gagamitin ko sa martabak ang linyang ginamit ni Mark Renton sa paglalarawan ng droga sa Trainspotting: Take your best orgasm, multiply it by a thousand and you're still nowhere near it.

Pag bumibili kami nito ng misis ko, para na rin kaming pumipirma ng isang kontratang nagsasaad na ayos laang at walang samaan ng loob kung hindi kami magtatalik ng gabing iyon dahil sa sandaling kumain ka ng martabak, ididiretso mo ito sa tulog kung lalaki ka at yayakapin mo ang kahon kung isa kang bubae. Walang kaligayahang maitutumbas ang karnal na pagnanasa sa kasalanang iniimbita mo sa bilbil at puso mo sa tuwing kakain nito. 

Dalawa laang ang uri ng maisusulat mo tungkol sa martabak, awit ng papuri o isang suicide note. At dahil nagawa ko na ang suicide note kanina, hayaan nyo akong paulaanan ng papuri ang martabak sa pamamagitan ng pinagpipitaganang uri ng tula sa bansang Hapon, ang haiku:


Kapag merong nag-abalang magcomment sa blog na ito at hindi ako nakasagot iyon e dahil na-comatose o sumakabilang ibayo na ako. At kung nagkagayon nga, mas pipiliin ko ang martabak kesa ang 72 na birheng ipinapangako nila sa langit kung magsu-suicide bomber ako.