Showing posts with label hooliganismo. Show all posts
Showing posts with label hooliganismo. Show all posts

Monday, May 26, 2014

Obscure Bible Verses #17. Ang Bangkay na Bumuhay ng Bangkay

Matatandaang sa isang dati kong post e nagpamalas ng kakayahang mag-summon ng oso si Elisha pangontra sa mga batang makukulet. Gusto ko sanang ibahagi sa inyo ang prequel, Elisha: Rise of a Prophet.

Bago ang pagpatok ni Elisha bilang madyikerong propeta, nagpaka-Robin muna siya sa pagka-Batman ni Elijah. Malamang e pamilyar sa inyo ang ang kanyang kwento kung saan sya e nakipag-1 vs. 450 sa mga propeta ni Baal. Kung kaninong propeta ang makakapagpaliyab ng toro ang syang tatanghaling tunay na Dios. At dahil sa bibliya natin mababasa ito, nagwagi si Elijah. 

Bukod sa mga himala, kilala rin si Elijah sa kanyang trash talk.

Kung interesado kayong malaan kung ano ang nangyare sa 450 propetang sumunod sa kinalakhan nilang reliyon, pinapatay laang naman sila ni Elijah. Ito e dahil hindi pa sumusulpot si Hesus para ipauso ang pag-aalok ng kaliwang pisnge.

Nang panahon na para maghirang sya ng papalit sa kanyang posisyon bilang medyikerong propeta ng Dios, napag-alaman niyang ang gusto raw ipalit sa kanya ng Dios e isang lalaknig katunog ng pangalan niya. Nilisan niya ang kinaroroonan niyang yungib at tinunton ang lalaking ito. Nasumpungan niya si Elisha habang ito e nag-aararo sa bukid. 

Maganda pa tubo ng buhok ni Elisha noon.

Walang sabi-sabi e hinubad ni Elijah ang kanyang baro at inilagak ito sa mga balikat ni Elisha, na nanganghulugan ng pagpapasa ng misyon rito. Nagkaintindihan na sila sa bagay na ito. Nagpaalam si Elisha na gusto niyang magpaalam sa kanyang mag-anak at magmula noon e sinundan nya ang mga pakikipagsapalaran ni Elijah. 

Doon nagsimmula ang pag-o-OJT ni Elisha ke Elijah. Manaka-naka laang na nababanggit ang kanyang pangalan sa mga istoryang si Elijah ang bida at sya ang sidekick noong mga panahong iyon. Nagkaroon laang sya ng pagkakataong tumaginting sa sariling kislap ng kanyang bituin noong si Elijah e tinangay papuntang langit. Dun nagkaroon ng main event status ang kanyang karakter. 


Hiniling niyang doble ng pagkapropeta ni Elijah ang ipagkaloob sa kanya. Kung minsan e naisip nyong mambluff sa mga boss nyo na magreresign kayo kung hindi nila dodoblehin ang sweldo nyo, naunahan na kayo ni Elisha. Ang pinagkaiba laang e umepek itong ke Elisha.

Maganda ang resume ng pamomropeta ni Elisha at nagpamalas sya ng iba't ibang himala, bukod sa pagtawag ng mga higanten mammals. Bumuhay rin sya ng bangkay, nagmistulang water purifier na ginawang malinis hanggang sa pwede nang mainom ang tubig-ilat at nagpagaling rin sya ng mga ketongin. Hindi na masama para sa isang dating Dennis Padilla ke Randy Santiago.

At dumating ang panahong namatay si Elisha. Nalampasan nya ang career high ni Elijah sa dami ng milagro, pero kulang sya ng isang himala para mapantayan nang doble ang ke Elijah. Ibig bang sabihin ba nun e hindi nagkatotoo ang itinakda para sa isang propeta? Aba'y magpapatalo ba ang panot na si Elisha? Aba'y ang ipalapa nga ang mga makukulet na bata hindi pinalampas nito para laang makarami ng himala, konting kamtayan pa kaya?

Merong mga taong maglilibing noon sa sementeryo kung saan nakahimlay ang mga labi ni Elisha. Meron silang bitbit na bangkay at naglalakad sila noong nasabat sila ng mga tulisan. Sa kanilang takot, nagpulasan sila sa iba't ibang diireksyon, ala-Three Stooges at nabitawan ang karga nilang bangkay. Sumagi ang walang buhay na katawan ng lalaking ito sa libingan ng propeta. Oo, sa dinami-dami ng babagsakan, doon pa sa malupet-sa-himalang Elisha. Parang isang eksena sa isang pelikula ni Chiquito, bumangon ang nasabing bangkay nang dumampi ito sa mga buto ni Elisha at nakitakbo sa mga kasamahang nagsisitakbo. Imagine-in nyo ngayon ang eksenang ito sa saliw ng walang-kamatayang musika ng Benny Hill Show.


Isang malaking katanungan sa akin knug ano ang nangyari matapos ang eksenang iyon. Wala na kasing binanggit pa sa mga sumunod na berso kung ano ang sumunod na nangyari, kagaya nang walang binabanggit matapos lapain ng mga oso ang 42 na bata. Natakot ba ang mga tulisan sa nakitang pag-a-ala Jestoni ng bangkay? Kinaya ba ng puso nilang silakbot nito at idiniretso ang pagtugis sa mga lalaki? Sinubukan kaya nilang pataying muli ang bangkay? 

At bakit hindi rin bumangon si Elisha? Hindi ba magkakadikit ang mga buto nya? Aba'y ewan.

Ang pinakamalaking tanong para sa akin e ano ang ginawa ng mga tao noong panahong iyon sa impormasyong ito? Meron raw bumangong bangkay noong sumagi sa kalansay ni Elisha. Hindi gaya ng ibang himala, hindi nangangailangan ng pananampalataya para umepek ito. Aba'y mahusay! Kung isa kang sundalo, ituturing mong mas magaling ito kesa anumang uri ng baluti o armor. 

Isipin nyo: Sinumang mag-aangkin ng kalansay ng propetang ito e mabubuhay muli sa 'pag sumagi rito. Kapag nasaksak ka sa isang labanan, mabubuhay kang muli. Aba'y para ka na ring si Wolverine kapag ginawa mong kwintas ang mga ngipin ni Elisha.

Hinukay kaya ng mga tulisan ang libingan ni Elisha at ibinenta ang mga buto por kilo para pampabuhay ng bangkay? Mas tatabo pa sila rito kesa sa baryang madudugas nila sa mga hinoholdap nila. Binili kaya ng isang heneral o hari ang mga butong iyon? Meron kayang kultong nag-iingat nito sa kasalukuyang panahon? 

Kung meron mang balak gumawa si Spielberg, handa akong igawa sya ng screenplay ng Indiana Jones and Ellisha's Bones.   


Wednesday, May 14, 2014

Sa Pinakamamahal Naming mga Kaibigang Spoiler

Dear Spoiler,

Kumusta? Sana e hindi ko naaabala ang panonood mo. Alam kong matindi ang dedikasyon mong mauna sa lahat sa panonood ng mga pelikula at palabas sa TV at sana e hindi ako nakakaistorbo. 

Balita ko napanood mo na raw ang Amazing Spider-Man 2 at pinamamalita mo na raw sa balana kung sinong karakter ang namatay. Sininulan mo raw ang post mo sa pamamagitan ng tatlong dramatic na letrang O, M at G. Nasa Facebook status mo raw at nabasa nila sa kanilang news feed. Hindi ako gaanong nakakapag-online ngayon kasi at medyo busy sa tarbaho kaya’t hindi ko nabasa. Nabasa ko na laang na parang pinariringgan ka ng mga FB friends natin at tinatawag kang spoiler. 

Sayang at hindi ko nabasa kung sino iyung namatay. Sigurado akong hindi isa sa mga basurero sa NYC ang sinasabi mo. Hulaan ko, medyo major character, ‘no? Si Aunt May kaya?   

Nung college tayo, ikaw 'yung nagsabi sa akin kung sino si Keyser Soze, ‘di ba? Kabibili ko laang ng tiket noon at nakangiti nang nakasalubong mo ako habang nakaakbay ka sa shota mo. Tandang-tanda ko ang pagkakasabi mo noon. “Ke ganda nyang The Usual Suspects! Mantakin mong ang Keyser Soze pala e walng iba kungdi si…” Aba’y ako e excited na excited! Isipin mo, papasok ako ng sinehan at manonood ng isang pelikulang merong malaking twist ending, pero alam ko na kung ano. Ganito rin daw ang ginawa mo noon sa Sixth Sense

At sabi ng tatay ko, ‘yung tatay mo rin daw ang nagsabi sa tatay kong anak pala ni Darth Vader si Luke Skywalker nung nakapila siya sa labas ng Odeon kasama ang ka-date nya. Papalabas raw ang tatay mo ng sinehan noong nakita niya ang tatay ko’t isinigaw, “Ke ganda ng palabas! Tatay pala ni Luke Skywalker si Darth Vader!” Isipin mong hindi na kinailangan ng tatay ko at ng mga limampung taong nakapila na maghintay ng build up at climax sa eksenang iyon kung kelan niya ito ibubunyag dahil nalaman na nila sa mahusay mong tatay. Yagbols laang ang climax. Ano ang panama ng climax sa delivery ng tatay mo?

Tatay mo nga pala rin ang nagsabi sa nanay kong balak syang pakasalan ng tatay ko. Pinayuhan raw ng tatay mo 'yung nanay kong magbihis nang maganda dahil magpopropose ang tatay ko. Gugulatin sana ng tatay ko yung nanay ko sa kanilang date kung saan pinalagay niya sa dessert yung singsing. Tuwang-tuwa ang nanay ko dahil pwede raw syang magpraktis sa salamin kung paano magulat sa surpresang proposal ng tatay ko.

Nakow, ang laking tuwa ko nung isang beses na ako e online at nabasa ko ang post mo tungkol sa Purple Wedding sa Game of Thrones. Mabuti nama't kita ang litrato ng namatay sa lason. Akala ko kasi e matatakpan ng mga katagang 'spoiler alert' na nakasulat sa size 6 na italicized na Times New Roman sa ibaba ng close up ng lalaking inuugatan ang muka at halatang namatay sa lason. Ke saya, hindi ba, ang malamang sa kasal na iyon pala e ganun ang mangyayari? Ganun rin ang ginawa mo dati sa isang episode nung Season 3, ‘di ba?

Sa totoo laang, mas gumaganda sa akin ang panonood ng pelikula o episodes sa TV kapag nalalaan ko sa iyo kung ano ang mangyayari at kung sino sa mga pinapanood kong tauhan ang mamamatay. Pakiramdam ko e nabasa ko na ang biography ng bawat tauhan at detailed synopsis ng isang episode sa tuwing nagpopost ka sa FB. 

Dahil sa iyo e hindi na ako nauuto ng direktor na walang hangarin kundi bigyan ng emosyon ang isang kwento. Hindi ba't nakakairita iyung pinaglalaruan ng isang direketor ang iyong emosyon? Sinong tanga ba ang nanonood na ang layunin e maiyak, matawa, malungkot, matakot o magimbal? Hindi ba’t ang tanging layunin natin kapag nanonood e ang malaman ang mga malamig na impormasyon sa kung ano ang mangyayari? 

Halimbawa: Episode 2: Namatay si X. 

Iyon laang naman ang kelangan nating malaan, 'di ba? Wala naman tayong pakelam sa kung paano sine-set up ang mga eksena: ang akting, lighting, musika, subtext, atbp. Over-rated ang mga bagay na ito. Hindi natin kelangang malaman ito, gayong pipwede namang sabihin mo na laang sa akin kung sino ang mamatay sa susunod na episode?  

Sa totoo laang, mas mahusay ang mga one-liners mo kesa mga direktor sa TV at pelikula. Sana sa susunod na Oscars e ma-nominate ka dahil mas mahusay kang magkwento ng mangyayari kesa sa mga direktor. Mas magaling ang paglalahad mo ng kwento sa pamamagitan ng paggamit mo ng memes o ‘yung joke na merong tig-isang linya ng nakakatawang pangungusap o parirala sa itaasa at ibaba ng isang nakakatawang picture.

Bakit hindi natin gawin uli iyung ginagawa natin noong high school tayo? Di ba ‘pag umaarkila kami ng Betamax at kasama ka naming nanonood e lagi kang nagkukwento kung ano ang mangyayari? Hindi pa uso ang DVD noon, pero naunahan mo na ng ilang taon ang ideya ng director’s commentary sa features ng DVD nun sa tuwing nanood tayo ng mga slasher films e sinasabi mo kung saan susulpot si Jason at Freddie at kung alin sa mga teenagers ang hindi mamamatay sa huli?

Di ba’t patuk na patok ka rin nung high school dahil sa tuwing meron tayong kaklaseng magkukwento ng joke kapag recess e tinatapos mo para sa kanila ang punchline, gaya nung may nagkukwento ng Death by Booga-booga?

Ako rin e enjoy na enjoy sa tuwing tayo e magkakasalubong sa opisina at ibinabalita mo sa akin kung sino ang nanalo sa playoffs dahil tapos mo nang basahin sa internet ang isang article. Di ba't binubusisi mo pa sa akin at kulang na laang e igawa mo ako ng diagram kung bakit nanalo ang isang team. Hindi rin pumipigil sa iyong magpakaeksperto sa paghihimay ng laro kahit na hindi mo napanood. Sapat na iyung ulitin mo laang 'yung nabasa mo sa ESPN. 

Alam na alam mo ang pangangailangan ko. Hindi mo na ako tinatanong kung napanood ko na ba ang laro. Hindi mo na ako tinatanong kung interesado ba akong malaan kung sino ang nanalo. Hindi mo na ako tinatanong kung inaabangan ko ang replay sa gabi. Ina-assume mo na laang na mas magandang manood ng replay ng basketball na alam na kung sino ang mananalo. Hindi ba’t ang saya nung Game 6 ng Blazers at Rockets nitong playoffs nung sinabi mong sa 0.9 seconds e titirada ng tres si Lillard para ipanalo ang series?

Para lang ito nung sinabi mo sa akin kung sino ang mananalo sa WrestleMania 6 sa pagitan nina Hulk Hogan at Ultimate Warrior. Hindi ba’t mas masarap mag-cheer kapag alam mo na kung sino ang mananalo? 

Aba, teka, napasalamatan na ba kita nung tinawagan mo ako sa landline at sinabing mananalo si Pacquiao ke Bradley ng decision? Nasa round 3 pa laang kami sa channel 7 nun dahil sa dami ng patalastas. Nanood ka malamang sa SM nun. Ako e tuwang-tuwa sa effort mo dahil talagang kahit na naka-off ang cellphone ko at hindi ako makakatanggap sana ng texts o makakabasa ng tweets o news feed, e nakagawa ka ng paraan. Mas masarap manood ng 12 rounds ng boxing na alam mo nang walang knock down at sa decision magkakatuos. 

Ako e naiinggit sa iyo. Malamang e sikat na sikat ka sa dumarami mong mga kaibigan. Bilib na bilib rin siguro sila sa iyo, kung paanong bilib na bilib ka sa sarili mo sa pagsisiwalat ng mga napanood mo nang palabas. Ilang rebulto na kaya ang naipatirik nila para sa iyo? May nagpangalan na rin kaya ng kanilang anak nang gaya sa iyo bilang pagbibigay-pugay? Ilang portrait mo na kaya ang mga pinatato ng mga kaibigan mo?

Sa season ender nga pala ng isang inaabangan kong series e inaanyayahan kitang magkwento sa akin sa bahay. Ipagpapa-softdrinks pa kita. Kung gusto mo, uupa na rin ako ng prosti para merong magpapalabas ng init mo sa katawan habang nagkukwento ka sa akin. Kahit ano, basta't komportable ka at hindi mahahadlangan ang paglabas ng spoilers sa bibig mo. Idol na idol ka naming lahat kasi at dapat kang ituring na parang prinsipe. 

Nga pala, merong ikakasal sa tropa natin at imbitado ka. Maganda ang venue ng reception. Merong balcony. Umarkila kami ng mga musikerong tutugtog doon habang kumakain ka sa ibaba. Magsuot ka raw ng pula dahil iyon ang theme ng wedding. Hwag kang mawawala. Hihintayin ka namin dun. Hwag ka na rin daw mag-abalang magdala ng regalo.   

Nagmamahal,

Spoilee

Sunday, May 4, 2014

Not-So-Obscure Bible Verses #5: Ang Pagkakataong Gumamit ng Hindi Kaaya-ayang Lenggwahe si Hesus

Sinong mag-aakalang si Hesus e nagkaroon ng pagkakataong gumamit ng lenggwaheng hindi gaanong kaaya-aya. Sa kabuuan ng mga kwentong binabanggit siya sa Bibliya, mawawari mong isa syang larawan ng pagiging maginoo, pino't banayad ang pag-uugali't pananalita. 
Blessed are the meek...
Kilala sya sa pagkakaroon ng matinding pasensya, sa puntong kahit na sya e hinahamak at ginugulpi nong araw na sya e ipapako sa krus e ni isang pagmumura e walang umalpas sa kanyang bibig. Naiimagine nyo ba kung gaanong kasakit makoronahan ng tinek? Aba'y nasundot ko laang ang gilagid ko habang nagtu-toothpick e napasigaw agad ako ng 'Kamputa!' Isipin nyo pa 'yung ipinapako ang mga kamay nya sa krus. 

Kung meron ka mang pwedeng masabi sa kanyang pagtitimpi e merong pagkakataong isinumpa niyang mabaog ang isang fig tree dahil sa gutom. At narun rin pala 'yung pagkakataong nagwala siya sa templo.  

Isang bantog na motivational speaker, nagturo sya ng aral sa moralidad at tungkol sa kaharian ng Ama sa pamamagitan ng mga parables gamit ang mga piling-piling salitang makapaglalarawan ng kanyang punto sa pamamagitan ng simbolismo. 

Hindi gaya nitong tele-evangelist na itong nasa komiks, kung ito'y paniniwalaan.
Baka naman gutom laang sya uli sa pagkakataong ito dahil mababakas na ang mga ginamit nyang simbolo e tungkol sa gera, sa imbes na ang mga pambato niyang nawawalawang tupa, barya o mga bubaeng hindi naglagay ng langis sa lampara. 

Sinimulan nya itong pangangaral sa bahagi ng kabanatang ito sa ideyang kung gusto ng isang taong maging disipulo ni Hesus dapat e mas malalim ang pagmamahal niya ke Hesus kesa sa sarili o pamilya nya. Demanding!    

Inihambing rin niya ito sa isang haring makikidigma nang hindi gumagamit ng scout at hindi nagbibilang ng kalaban. Mababakas na merong kakaiba sa kanya sa araw na ito, dahil sa imbes na metaporang merong kinalaman sa pagsasaka, e gera ang kanyang ginamit. 

Winakasan niya iyon sa pagsasabi na ang asin pag wala nang alat e dapat nang itapon sa tumpok ng tae o pile of shit. Ang ginamit na kataga e manure pile o dunghill sa mga English translations, pero alam na natin kung ano iyon sa modernong lenggwahe: pile of crap o pile of shit
Modern English translation: It ain't good enough for land nor a pile of shit!
Shet na malagket! Kungsabagay, 'shit' laang naman iyon at hindi 'fuck you', pero parang out of character laang. Kung ano ang nagbunsod sa kanyang iyon ang gamitin, sa imbes na pile of rubbish, e ewan. Malamang e ganun magsalita ang karpintero niyang amang si Jose at napulot laang niya iyon sa kanya.

Apocryphal version.



Saturday, April 19, 2014

Dapat Bang Ipagbawal na ang Penitensya?

Napapansin kong umaani ng puna at batikos ang mga nagpepenitensya, naghahagupit ng likod at nagpapapako sa krus. Maraming kumokondena sa sinaunang pamamaraang ito ng pagtitika at paggunita sa pagdurusa ni Hesus, mula sa mga bible-based Christians, kapwa Katoliko hanggang sa mga ateista. 

sampol: Basahin nyo ang mga comments sa isang article na ito ng News Vice. (Note: Hindi Easter ito, kundi Good Friday at alam nyo nang mga Pinoy iyon.)

Mga Batikos

Una, hindi ito ineendorso ng Simbahang Katoliko kaya't kahit mismong mga Katoliko e kinukunutan ito ng noo. Kung mismong Simbahang Katolikong kinabibilangan ng mga debotong ito e hindi sumasang-ayon, ano na laang ang sasabihin ng mga bible-based Christians sa isang gawaing sa kanilang pananaw e ginawa't tinapos na ni Hesus? 

Pangalawa, sa makabago't sibilisadong panahong ito, nagmumukang isang gawaing barbaro ang sundin pa ito dahil ito e bayolente. Siguradong kokontra rito ang mga nanay na me kagagawan kung bakit naging Rated PG ang WWE at sasabihing hindi dapat ginagawa ito sa isang pampublikong lugar kung saan pwedeng makita ng mga bata. 

Pangatlo, ikinahihiya ng mga Pinoy na makita ng mundo, gaya ng sa YouTube ang mga kalahi nating nagbi-BDSM na me temang Kristyano. Hindi ang mga walang kwentang costumes, acting, props o production nito ang inaangalan ng mga ito, kundi ang ideyang nagmumuka tayong mga hunghang sa mga mata ng ibang bansa. Kumbaga sa isang salu-salo sa bahay, ang mga debotong ito ang mga tambay na tiyong lasenggong kinahihiya nila sa mga bisita. Nagmumuka raw kasi tayong savages, 'ika nga. 

Idagdag pa riyan ang problema ng posibilidad ng pagkahawahan ng mga sakit nahahawa sa pamamagitan ng dugo, gaya ng hepa.

Greatest Show on Earth

San ka makakakita ng isang palabas na merong aktwal na pumipilansik at tumatagas na dugo? Gaanong kadlas kang nakakakita ng mga nagrarambulan gangs hanggang sa magkaduguan nang hindi ka nalalagay sa isang witness protection program o kaya sa isang police station? Malamang ang pagkakataong nakakita ka ng dugo e sa gamit na sanitary napkin.

Ang penitensya ang sumasagot sa uhaw ko sa dugo sa paraang hindi ko na kailangang magtayo ng isang hostel para sa mga Puti. Kung hindi nga laang traffic at hassle, dadayo ako sa Pampanga para makakita ng mga nagpapapako sa krus. At para na rin bumili ng tocino. Teka, mukang hindi magandang ideya ang bumili ng tocino sa araw na nagtatalop ang mga balat ng mga deboto. Basta, balang araw baka pumunta ako run para makasaksi ng mga palad na binabaunan ng pako. 

Para sa kin, dapat ipagpatuloy ito. Tourism. Sa dami ng mga kumukutyang taga-ibang bansa, meron sa mga iyon ang naku-curious at gustong mapanood ang freak show na ito nang personal. Papasukin sila't salubungin ng mga yakap at ating pagkaperahan ang mga gustong makakita ng pamperyang palabas. Mula sa mga tutulugan nila sa gabi hanggang sa bote ng mineral water, gagasta ang mga turistang ito at makikinabang ang bayan ng Pampanga.

Pwedeng i-donate sa mga blood bank ang dami ng dugong nawala sa lalaking ito.
Bayolente ba 'kamo ang pagpepenitensya? Kung pinapayagan nating magbasagan ng muka ang mga boksingero para sa kanilang personal na tagumpay (o Pinoy Pride), bakit hindi hayaan nating ipagpatuloy ng mga barbaro ang kanilang debosyon? Sarili naman nila ang hinahagupit o ipinapako nila sa krus. Kapag ikinumpara sa mga attractions gaya ng mga hayop sa zoo, mas naaalagaan pa nga ang mga nagpapako sa krus. Merong mga medical team na nakatambay sa tabi para magbigay-lunas pag merong nangyaring mali at sinisiguro nilang hindi matetetano ang mga ito. 

At nakita nyo na ba kung gaano kaliit ang mga pako? Hindi iyon katulad ng sa pelikula ni Mel Gibson. Maliliit laang iyon. Ito ang dahilan kung bakit hindi ako pumupunta run. Malamang madidisappoint laang ako. Maliliit na sugat laang iyon na ine-exaggerate laang ng theatrics. Kumbaga sa wrestling speak e sine-sell laang nila nang todo 'yung moves ng kalaban nila, ala-Ric Flair, na akala ko noon e talagang nabalian ng buto nung nahulog sa hagdan sa kauna-unahang Money in the Bank sa WrestleMania. 
Atungal = theatrics.
Tutal, karamihan sa mga Katolikong Pinoy e 'nagsasakripisyo' kapag panahong ito. Sa anong klase ng paraan sila nagsasakripisyo? Umiiwas sila sa karne. Hindi ba't sakripisyo rin iyun? 

"How inconvenient nga naman ang kumain ng steamed tilapia, sinigang na hipon, adobong puset, ginataang alimasag at buttered tahong. I'm sure Jesus who suffered huger, thirst, beatings, 39 lashes, mockery, receiving a crown of thorns and getting nailed to a cross would be impressed to see you sacrificing your gastronomic urges for meat in favor of some dishes that are listed in Deuteronomy as something you should not eat." -malamang na linya ng isang deboto.

Ang naririnig na boses sa ulo ng mga debotong penitente.
Para sa akin, walang karapatang husgahan ng mga umiiwas sa karne ang mga debotong ito at sabihing mga tanga sila dahil hindi na nila kailangang gayahin ang pagdurusang ginawa ni Hesus. At least ang mga penitente e nagko-commit sa ideya ng sakripisyo at hindi laang nagsasakripisyong-kike para masabing sila e nagsasakripisyo't nakikiisa sa pagdurusa ni Hesus.  

Wala akong pakialam sa opinyon ng mga bible-based Christians at wala nang magagawa sa mga iyon sa mga usaping hindi nakasulat sa Bibliya. At wala ka ring mapapala sa mga ateista kahit meron kang pagbabasehang berso sa Bibliya. Ang mahalaga rito e ang opinyon ng mga Katoliko dahil mga pang-Katoliko naman talaga itong bakasyong pagdiriwang na ito.

Kanya-kanya laang ng paniniwala iyan at karamihan sa Pinoy e ang kinagisnan ang sinusunod. Merong umiiwas ng pagkain ng karne, merong nagbibisita Iglesia, nagpuprusisyon at sa kaso ko nanonood ng rock operang Jesus Christ Superstar. Muka laang karumal-dumal ang penitensya dahil sa dugong lumiligwak, pero iyon ang kanilang gustong gawin at hindi nila inoobliga ang ibang gumaya. Hangga't hindi sila namimili ng mga kriminal sa oblo at pinapako nila sa krus, ayos laang ito at atin nang pagbigyan.
Pero kung ito o paborito mong nangungurakot, baka ayos ring i-televise.


Wednesday, February 20, 2013

Gender Equality: Tatlong pangyayaring kumukumbinsi sa aking parehas laang talaga ang mga lalaki at bubae

Yup, kakapagod magbasa ng libro at makipagtsisimisan sa kapitbahay.


Malamang e nakikita ninyo dati itong nagkalat sa sirkulasyon sa FaceBook na parang pinapakitang mabigat ang trabaho ng isang bubae. Ilang taon ang nakaraan, dati, malamang e tumango ako sa opinyong katulad ng nasa picture na ito at sumang-ayon at sabihing, “Tama, andaming kupal na lalaki sa mundo at kinakawawa ninyo ang mga bubae!”

Sa maniwala kayo’t hinde, buong sinseridad kong pinaniniwalaang ganyan nga ang mundo –ang mga bubae ang bida at ang mga lalaki ang mga mapang-api at kontrabida. Not that I was doing it so that I would roll into pussy heaven (hindi rin naman umepek, kung akong tatanungin nyo), pero sincere akong naniniwalang mga under-appreciated ang mga babae at natatapakan, atbp. Pero, merong ilang pangyayari sa aking buhay nagpapatunay na hindi ito totoo at isang myth laang ang lahat. Pagdating sa kakupalan, parehas laang ang mga bubae at lalaki. 

Ngayon, bago tumaas ang feministang kilay ng mga bubaeng nagtityagang magbasa, basahin nyo muna ito nang buo para maintindihang tungkol sa gender equality ang gusto kong palabasin. Hindi ko ibinababa ang mga bubae, bagkus, iniaangat ko pa nga kayo sa kupal level ng mga lalaki. Gender equality rin 'yun, 'di ba? 

At sa puntong ito e napapaisip na kayong mukang hindi ko alam ang ibig sabihin ng terminong gender equality. Sige, malamang e mali nga ang gamit ko ng term at alam kong mali ito kapag nagkagoogle-an na. Pero, ang punto ko, pare-parehong tayong mga kupal -mapalalaki man o bubae.  

Tatlong myth-busting na pangyayari na nagpapatunay sa aking pagdating sa kakupalan, pantay laang ang mga bubae at lalaki:

1. MRT Segregation Scheme (2007)


MRT mirage ng mga lalaking pasahero

Hihirit-hirit ang mga bubae ng gender equality, tapos e hihingi sila ng espesyal na pagturing sa MRT. Lagi na laang panghirit ng mga feminista (gender equality activist o kung anuman ang tawag na gusto nila) e pantay laang raw ang mga lalaki at bubae, pero 'pag ganyang pabor sa kanila, hindi nila sasabihing, "Mali 'to. Dapat pantay-pantay tayo. Lalaki -babae, walang pinagkaiba. Dapat e patas laang. Tatayo rin kami kung dumating kami na puno na ang tren ng MRT."

Sa MRT Segregation Scheme e merong isang espesyal na section na nakalaan para sa mga bubae (matatanda at may kapansanan, mapalalaki man o bubae). Hindi ba't pang-uuri ito at parang pagsasabing mas mahina ang mga bubae? Bakit hindi sila umalma? Alam ko na ang sagot: Para hindi matsansingan? Pano na yung hindi naman katsansing-tsansing? Feeling nila katsantsing-tsansing rin sila?

Ang pinakamalaking bagay na sumira sa akin ng myth na ito e ang naranasan ko ilang taon matapos ipatupad ang segregation scheme na ‘to. Magiging ama na ako noon at kasama ko ang misis kong buntis ng ilang buwan. Kung ilan eksakto e hindi ko alam. Pero ang alam ko, sa laki ng tyan nya e hindi naman siguro sya mapapagkamalang kagagaling laang sa isang pyesta o handaan kaya't ganung kabundat.

Sabi ko sa sarili ko, aba’t mahaharap ako sa sitwasyong magagamit ko ang ‘pribilehiyo’. Dahil kailangan ako ng aking misis sa kanyang tabi, pinapasok ako sa espasyong nakatakda lamang para sa mga nilalang na kinikilala ng ating batas bilang mahihinang uri. Aba’y mas maluwag nga’t mas maalwan, makakatayo ka ng hindi nalalaman ng ilong mo kung ano ang kinaing tanghalian ng kapwa mo pasahero.

Ang disillusionment na naganap

Nakatayo kami ng buntis kong asawa noon. Uulitin ko, halatang buntis na asawa ha, hindi lang four months. Ni isa sa mga bubaeng naroroon, walang nagpaupo sa asawa kong buntis. Isang buntis! At kapwa nila bubae! Ni isa sa kanila, walang nagpaupo? Naghihintay ba silang merong lalaking magpaupo sa kanya? Ng lalaki sa isang 'for female passengers only' na section? 

Note: 2007 ang pangyayaring ito. Balita ko e sa taong ito, 2014, e pinaparaffle na raw ang mga token sa MRT dahil sa sobrang siksikan at ang mga buntis na merong planong magpaabort, pero tinatanggihan ng mga ospital, e dito sumasakay. 

2. Rafael Rosel vs Rovic (Early 2000s)
Tabing-Ilog, mas maganda pa sa Dawson's Creek
Nung kasagsagan ng kasikatan ni Rafael Rosel dahil sa isang patalastas ng toothpaste, isiningit nila ang aktor na ‘to sa love team nina Eds (Kaye Abad) at Rovic (John Lloyd Cruz) sa Tabing-Ilog. Ito e matapos nang magdaan nina Rovic at Eds sa iba’t ibang pagsubok, pagtatampuhan, pagbabati, at ilang karanasan sa buhay na maituturing mong milestones sa buhay nila. Silang dalawa ang pundasyon ng buong series. 

Ang pagsingit na ‘to ni Oliver (Rafael Rosel) e parang pampaanghang laang dapat kumbaga sa isang love team na nasasadlak sa isang plateau. Kumbaga sa wrestling, ginawa laang triple threat ‘yung love team para maging mas interesting, pero, dahil sa nararamdamang pagsikat ni Rafael Rosel, talagang kumaribal ito sa orig na love team.

Tandaan ninyong ito e nung panahong wala pang alam na season-season o book-book ang mga serye noon. Hindi tapos ang pagshu-shoot ng buong serye bago ito ipalabas. Ibig sabihin nito, maaari nilang baguhin ang tinatakbo ng isang serye dahil sa pagkawala o pagdagdag ng artisita o dahil sa ratings. Kaya’t sa gitna ng isang serye, maaring magbago ng direksyon ang isang soap. At ‘yun ang kanilang ginawa. Inisip nilang kayang dalhin ng agos ng kasikatan ni Rafael Rosel ang buong palabas, isang role na ginagampanan nang matino ni John Lloyd non.

Hindi ko alam kung hindi sila desidido nang ganap o gusto nilang gimikan talaga ang palabas at sumaydlayn sa pamamagitan ng text votes. Ang ginawa nila e nagpaboto sila sa pamamagitan ng text votes kung sino dapat ang makatuluyan ni Eds. Ibinoto at kinampanya ko pa si Rovic sa mga pamilya't kaibigan kong walang alam sa Tabing Ilong dahil siya ang tunay... Teka, ipapaliwanag ko pa ba? 

Fast forward tayo. Nanalo si Rafael Rosel at sila ang ikinasal ni Eds dahil sya ang pinili na karamihan ng mga bubaeng tagapagtangkilik ng pabas. At isinantabi si Rovic. Kelangan pa yata nilang gamitan ng amnesia si Rafael Rosel para mapaltan uli ni Rovic sa huli.

Ang disillusionment na naganap
Ano na ang nangyari sa romantic feelings ng mga bubae? Nasan na ang ilang taong pagsasama nina Rovic at Eds? Hindi mahalaga sa kanila ‘yun? Lahat ng ito winaldas nila dahil sa bago nilang crush na model ng toothpaste?! Ngayon, ‘pag pinaratangan tayong mga lalaking napaka-superficial na ipagpapalit ang kanilang mga GF at asawa sa mga mas bata, mas sexy, mas maganda, tandaan ninyo ang tatlong katagang ito: Rafael Fucking Rosel!
Dahil ang gusto ng mga bubae sa isang lalaki e sensitive. 
3. Appreciation (Kelan laang)

Lagi na laang ito ang hirit ng mga bubae: “Hindi mo ako naaappreciate...” Hindi napansing binago ang hati ng buhok, hindi napansing ipinagluto ng fried chicken (sobrang sarap akala ng lalaki e delivery mula sa Jollibee), hindi napansing bagong ahit ang kilay, hindi napansin ang natural-look na makeup na  ang desired effect e parang walang makeup. 

Ang disillusionment na naganap

Alam nyo kung ano ang hindi napapansin ng mismong asawa ko at hindi pinasasalamatan? Ang yagbols kong lingguhan kong inaahit! Alam nyo ba kung gaanong kabusising mag-ahit ng rambutan? (Basahin nyo na rin iyung link ng nakapending na patent nung sistemang naimbento ko kung paano mag-ahit sa banda iyun.) 

Pupwedeng makatuklas ako ng panibagong malinis na pagkukunan ng enerhiya at ang mapapansin ng misis ko e ang nalimutan kong imising medyas na naiwan sa lababo. Pagdating sa pag-aappreciate, pare-parehas laang tayong hindi naaappreciate.

Nagdedemand sila ng appreciation para sa mga chores sa bahay. E pano na ang mga face-melting presentations ng asawa/ BF nilang nagtatarbaho sa isang events? O kaya e ang crafty schemes na ginawa ng mister/ bf nila para mapanatili niya ang sarili niya sa posisyon sa kompanya?

Para sa ladies: Kelan ninyo huling pinuri ang asawa/ bf nyo para sa nagagawa niyang mahusay sa kanyang trabaho? See? Gender equality. Pare-pareho laaang tayong kupal.


On a serious note: I still feel for all females around the world. Naniniwala pa rin akong maraming hindi tamang ginagawa sa mga bubae sa ibang panig ng mundo: hindi pa rin sila pwedeng mag-aral, bumoto o magdrive ng kotse, ibinebenta sila’t ibinabarter para sa kamelyo, nirereyp, etc. Pero ang buong punto ko e tungkol sa context ng mga Pinay sa isang mundong nagkaroon na tayo ng dalawang presidenteng bubae at ang hari sa bahay e ang misis ko. 


Monday, November 26, 2012

Not-So-Obscure Bible Verses #2: Mark 2:1-12 WWJD sa Mga Taong Sumisinget?


Narinig ko ang istorya ng nagpagaling ng isang paralitiko si Hesus nung bata pa ako. Meron akong problema sa kwentong ito nung narinig ko ito sa unang pagkakataon sa aking Religion teacher.  
Humayo ka't napatawad na ang iyong pagkakasala, pati na ang pagbutas mo ng bubong ng bahay na 'to.
Hetong sitwasyon: Meron kang sakit. Sabihin na nating bulag ka. Narinig mong sa ibang ibayo e merong nagpapagaling ng mga ketongin, pipi, bingi, lumpo’t bulag. Hindi ka man ganap na makapaniwala dahil marami-rami na ring sumulpot na ‘manggagamot’ noong panahong iyon, gaya ni Yehohanan, e nagkaroon ka ng pag-asang makakitang muli. Sa wakas, ang makakita, magisnang muli ang kagandahan ng sanlibutan, ang masilayang muli ang mga muka ng mga mahal mo sa buhay, makakitang muli ng mga tsiks! (O nga pala, ‘di ko nasabi sa ‘yong nakakakita ka dati at hindi ka ipinanganak na bulag kaya’t alam mo ang ibig sabihin ng makakitang muli.)

Sa aba mong estado, naglakbay ka, at naglakad laang kasama ang isang kamag-anak (na ang tingin sa iyo e pasanin ka laang) dahil hindi pa uso ang jeep noon at mayayaman laang ang nakaka-afford ng mga asno o kabayo. Binuno mo ang alabok sa daan, ang nanlalampasong paso ng init ng araw, ang nakapanlalambot na hininga ng kasama mong kamag-anak dahil hindi pa naiiimbento ang sipilyo noon para makarating sa bayan kung saan narinig mong merong Jesus’ Healing Tour. Nakipagsiksikan ka, nakipagbanggaan sa kapwa mong me sakit, nakipagdikitan ng balat sa mga ketongin, nakipagsigawan, nakipagdumugan, nakipaghamagan para maabutan mo ang naghihimalang si Hesus. At nung malapit ka  nang gamutin at sa tingin mo’y malulunasan na ang iyong pagkabulag, narinig mong merong natutungkab na bubong, napabahin ka sa bumagsak na alikabok sa iyong muka at sinabi ng kasama mo kung ano ang nangyari. “Merong putang inang suminget at nagtungkab ng bubong!"



Tapos ang maririnig mong paliwanag mula sa naghihimala e malakas ang pananampalataya ng lumpong ulupong na iyon na merong pambayad sa apat na lalaking nambutas ng bubong ng may bubong at magbuhat sa kanya. Malamang e mapapabulalas ka ng ganito, "Aba’y kung hooliganismo laang pala ang tanda ng pananampalataya, sana e naghukay ako sa ilalim ng lupa –kung hindi laang ako putang inang bulag!" 


At iyan ang problema ko sa tuwing ako e masisingitan sa pila. Kasi kung iyan ang basehan sa pila, e 'di 'yung pinakagutom na ang unahin sa pila sa handaan o food court. Sa pagkuha ng lisensya sa PRC e unahin na 'yung mga bahagyang pumasa sa mga board exams bilang pabuya sa ideyang mabuti nga't pumasa pa sila. Sa panonood ng sine e unahin ang pinakanumero unong fan ng Hary Potter. Maari ko pang punuin ito ng ilang halimbawa, pero alam nyo na ang punto ko. Ang pila e pila at ang singet e singet. 





Friday, November 2, 2012

Pagpapasimuno ng Palakpakan


Alam ninyo kung ano ang isang masarap gawin? Magpasimuno ng palakpak. Lagi itong nangyayari. Hindi naman sabay-sabay na nagtitinginan ang mga tao at bumibilang ng ‘one.. two.. three’ bago pumalakpak. Merong nangunguna nito. Minsan lumingun-lingon ka, baka isang kalbong me balbas ang nagpasimula sa grupong kinalalagyan mo. Maliban na laang kung bahagi ka ng isang live audience ng isang noon-time show walang maghuhudyat sa inyong magsimula ng palakpakan. Merong isang taong me lakas ng loob na magsisimula nito. 

Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagpalakpak? Ayon sa wikipedia, ito ay isang expression of approval at isang non-verbal mass approval. At ito ang dahilan sa isang high na natatanggap ko sa tuwing ako ang nagpapasimuno ng palakpakan. Dahil ibig sabihin nito, ako ang nagpasimuno ng isang mass approval sa isang sinabi o ginawa ng isang tao. Kumbaga, ikaw ang unang naka-appreciate ng kanyang sinabi o ginawa. Para na ring ikaw ang unang nakatuklas ng isang cool na obscure na rock album na ngayon e pinagpipiyestahan ng mga kaibigan mo.

Una ko itong ginawa sa isang mass baptism nung fiesta ilang taon na ang nakakaraan. At ang mga tao e napapagaya talaga ‘pag me pumapalakpak. Human nature ito. 

Sa isang gathering o event e laging merong ganitong pagkakataon para magpakita ng pagsang-ayon o paghanga sa pamamagitan ng palakpak: pagkatapos ng isang opening remark sa isang event, sa isang valedictory address, sa isang talumpati ng kandidato sa eleksyon, sa isang sayaw ng mga preschool na anak ninyo o ang paghahalikan ng mga ikinakasal. Marami pang pagkakataong nagsisipalakpakan ang mga madla. Ipapaputol ko ang braso ko kung ni isang bes e hindi kayo napapalakpak dahil lahat e nagpapalakpakan.  
Sa susunod na mapapunta kayo sa isang handaan, conference, seminar o anumang pagtitipon, subukan ninyong magpasimuno ng palakpak, gaya ng ginagawa ko. Kalimutan na ninyo ang mga araw na kayo'y isang bulag na tagasunod sa isang masigabong palakpakan. Maging pasimuno ng masigabong palakpakan!  

Tips sa Pagpapasimuno ng Palakpakan:

Unahan laang iyan. Makinig at magmasid sa nangyayari. Mahuhulaan mo kung kelan ito mangyayari. Ito ang mga sitwasyong sigurado kang makukuha mo ang madla na sumang-ayon sa iyo’t makipalakpak dahil ito ang mga karaniwang hinahangaan at kinatutuwaan ng madlang pipol. Halimbawa: 
  • Sa isang valedictory address na Inggles, sa oras na mag-Tagalog ang valedictorian, karaniwan e isa iyong biro o isang napakahalagang mensahe 
  • Sa isang talumpati ng kandidato, sa oras na banggitin niya ang kalaban o ang administrasyon
  • Sa isang konggregasyon ng mga reliyoso, 'pag nagsabi na ng "Amen" ang pastor o lumalakas na ang boses nya 
  • Anumang sasabihin ng boss mo sa inyong meeting
Pag nakita mo ang mga sitwasyong ito, pumalakpak ka kagad bago maunahan ng iba. Dapat me pulso ko sa nangyayari at mahirap mang gawin, dapat nakikinig at nagmamasid ka sa nangyayari sa imbes na ikaw e nakatanghod sa iyong mobile device.


Lalo na't pag bagut na bagot ka nang tawagin ang kamag-anak mo, masarap magpasimuno ng palakpak.
Dapat merong yagbols ang palakpak mo. Ang isang half-assed na palakpak o nahihiyang palakpak e hindi makakakuha ng simpatya sa iba. Dapat malakas ang iyong palakpak. Kung kelangan mong pagpraktisan ‘to sa libre mong oras (at alam kong meron kang libreng oras dahil nag-aaksaya ka ng panahon sa blog ko), mas makabubuti. 

Pero, dapat tama ang timpla mo. Kapag napasobra naman ang lakas e baka magmukang over ecited ka’t mapalingon sila sa ‘yo’t mapaisip na parang me sira sa madla. Tamang timpla ang susi. Pag nakuha mo na ang tamang lakas ng palakpak mo, ang dapat mong pagtuunan ng pansin e ang ritmo ng palakpak mo. 

Ang pinakamagandang halibawa nito e ‘yung ke jaime Fabregas sa Kamagong nung pinalakpakan niya si JC Bonnin sa kanyang pag-eensayo ng arnis, sabay anunsyo ng, “Su-per-yor! Su-per-yor!” Pero, hwag muna kayong babangka ng “Su-per-yor! Su-per-yor!” kung beginner level pa laang kayo at mahirap pangatawanan ang ganyang klase ng pag-epal.
"Kelangang puno ng conviction ang palakpak mo. Kung hindi, hwag ka nang umepal." -Jaime Fabregas sa set ng 'Kamagong'
Kapag nagawa na ninyo ito nang ilang beses, mga lima-sampung beses, sundan ninyo ang mga yapak ko sa tinatawag kong Extreme Clapping Experience. Mas malakas ang high, mas mataas ang rush, mas malupet ka ‘pag ito ang iyong nagawa. Ang pumalakpak sa mga hindi inaasahang sandali ng isang event. Yung mga inilahad kong sitwasyon kanina e mangyayari kahit hindi ka magpasimuno. Kaya't parang hindi ka rin pasimuno nun. Para magawa ninyo ito, simulan ninyo sa basic-situation clap. Ilalagay nito sa mood ang madla para pumalakpak sa mga susunod na pagpalakpak ninyo. At kapag nasa palad na ninyo ang madla, susunod ang mga siliw sa susunod mong palakpak, kahit na wala namang kwenta ang sinabi ng speaker. 


At kapag namaster na ninyo ito, gawin ninyo ang kasalukuyang pinagdadalubhasaan ko: magpasimuno ng standing ovation. Simulan nyo ito sa tinatawag sa Hollywood na slow clap. Ito 'yung mga pinakamataas na uri ng pagpalakpak at pagpapakita ng paghanga sa isang matapang at makapanindig-balahibong sandali sa isang pelikula, na kalimitang inilalaan sa pagtatagumpay sa gitna ng matinding paghihirap, gaya nung nanalo si Rocky sa Russia sa Rocky IV. Pag nagawa nyo ito, papalakpak pati pwet ko.