Showing posts with label WWJD. Show all posts
Showing posts with label WWJD. Show all posts

Thursday, May 8, 2014

Ang 5 Nirerecycle na Posts ng Jesus Daily

Kung hindi ka pa pamilyar sa Jesus Daily, iyon e dahil malamang e Friendster pa rin ang gamit mo, sa halip na Facebook. May pinagmamalaking 25 million likes, ang FB page na ito e nagsisilbing taga-paalaala sa mga taong namumuhay sa paspasang buhay sa mundo at era ng mobile devices sa ngayon, pero ayaw makalimot ke Hesus. Kumbaga e para itong app version ng lola mong nagsasabing, "O, tama na muna ang FB at alalahanin mo naman si Hesus."


Kapag pakiramdam mo e inaatake ka ng deja vu sa tuwing nakakakita ka ng isang Jesus Daily post, ito e sa dahilang lilima laang ang nilalaman ng mga posts nitong pinapaulit-ulit laang at binibihisan nang bago sa pamamagitan ng pagpapalit ng pictures. Kumbaga sa mga pelikulang gera noon, e para silang mga ekstrang gumaganap na sundalong Hapong matapos mamatay sa isang eksena e bumabangon muli para lumabas sa iba. Ito ang limang bumabangong posts na iyon:

1. Choose: Jesus or X. 

Naaalala nyo pa ba yung tanong ni Bishop Tagle nung Palm Sunday? 



Alin raw ang pipiliin nung mga sumimbang tinanong nya, 30 million pesos o ang sumimba? Nuknukan ng ipokrito o tanga ng taong pipili ng misa. Sa halagang iyon e pwede ka nang magpatayo ng kapilya at makapagsimba at makapagpamisa para sa mga kabarangay mo nang ilang ulit. Yun e kung literal o pilosopo kang tao.

Hindi syempre literal iyong tanong at simbolo laang iyon -galing na ito sa isang taong kina-career ang pagpapaliteral sa interpretasyon ng Bibliya para meron laang mai-blog. May dahilan kung bakit 30 iyon. Sheesh... 30 pieces of silver na tinanggap ni Hudas. Does it ring a bell?

Tinatanggal ng Jesus Daily ang pilosopohang sagot sa tanong na ito sa pamamagitan ng literal na tanong kung alin ang pipiliin nyo. Meron pang kalakip na litrato ni Hesus at ng kung sino/ ano man ang kalaban niya sa araw na iyon: karangyaan, katanyagan, pera, at iba pang makamundong bagay. O minsan e kung sinumang superherong nasa sinehan at pinagseselosan nya sa mga sandaling iyon. Dati e si Superman nung lumabas ang Man of Steel. Ngayon naman e si Spidey. 

Pinili ko ang ignore para me pambili ng video cam, pero walang bumahang pera sa bahay ko. 
Ang malupet e iyung ikatlong larawan. Talagang mapupwersa kang mag-like dahil kung hindi ka maglala-like, ang katumbas niyon e ignore. At kung ignore, e talagang tinatatwa mo si Hesus. Maitim ang budhi mo 'pag ang pinili mo ang pera kesa ke Hesus.

Bakit kelangang ganito ang tanong? Kelangang mamili ke Hesus at sa mundo? Hindi pipwedeng pareho? Maraming mga sikat rin namang celeb na gaya ni Gary Valencianong dinadakila ang Panginoon sa kanyang mga gawa. Bukod sa isa sya sa mga pinakatanyag, e respetado pa syang singer na Pinoy at bilang isang indibidwal. Hindi nga siguro sya mala-Bill Gates sa yaman, pero hindi ko ma-imagine na nagpapa-load laang sya sa isang tindahan ng P50.  

Ilang kanta na rin ang inilaan ni Gary V. para purihin ang Dios, 'di ba? Ilang taon na akong naghihintay ng mga kantang gaya ng "'Di Bale na Lang", pero walang lumalabas dahil inialay nya nang lahat ke Hesus. Hindi pa ba sapat iyon? Hindi pa ba sakripisyo yung nawalan sya ng ilang fans na ang hanap sa kanyang mga kanta e "Di Bale na Lang" at hindi praise songs? Hindi ba't demanding masyado ang peg ng Hesus sa Jesus Daily?

2. Type 'Amen', like or share = prayer

Sa ngayon, pwede ka nang magdasal para sa iba sa pamamagitan ng pagki-click ng 'like' button. Pwede mong ipagdasal ang isang batang me kanser, isang biktima ng sakuna o matandang me sakit. Hindi mo na kailangang magtirik ng kandila sa simbahan, magrosaryo, magpamisa, magnobena, maglakad nang nakaluhod o magdasal sa isang sulok ng bahay mo. Ang kailangan mo laang e isang pindot ng like sa mobile device mo at meron ka nang naipagdasal na taong nangangailangan. Hwag mag-alala, kung masyadong abala ito, baka may nagtatarbaho nang gumawa ng shortcut keys sa keyboard ng computer nyo para sa amen, like at share: Ctrl + ____ (insert unused letter for shortcut key).  

Ang maganda rito e kung meron kang kamag-anak na me sakit at kelangan mo ng dasal. Pwede kang magpost ng pics sa Jesus Daily para manghingi ng likes, na para na ring dasal, sa mga taong nakakabasa nito. Hindi ko na ilalagay ang pictures nung mga tunay na merong sakit na naroon dahil meron akong sarili kong halimbawa. 

Sinubukan kong magpost ng pic sa Jesus Daily. Ni-like naman ng Jesus Daily mismo, pero ni isa yatang follower e hindi. Ewan ko kung bakit, basta ang alam ko e pinagdarasal naman nila iyung ibang naka-wheelchair, pero hindi itong nasa ibaba: 



3. Like if you see Jesus. (Or "See the Jesus as depicted in mass media")  


Para sa akin e giraffe pa rin iyung nasa picture sa gitna.
Sa henerasyon kong hindi lumaki sa Where's Waldo, ang hinahanap natin noon sa drowing e si Larry Alcala. Hindi ko alam kung ganito rin ang punto nitong "Like if you see Jesus". Pero, parang hindi e dahil ang daling mahanap. Ulaga na laang o bulag ang hindi makakita sa loob ng isang minuto.

Hindi ko alam kung ano ang layunin nitong mga di-umano'y imahe ni Hesus sa mga kung anu-anong bagay. Dapat ba itong ituring na himala? O isang palatandaan ng kanyang kapangyarihan? At bakit sa mga random na bagay na gaya ng toast sumusulpot? O kaya sa isang ultrasound na me kasamang butiki, gaya ng halimbawa sa itaas? Teka, hindi kaya't dapat e sambahin ko 'yung butiki o giraffe na nasa mga larawan sa itaas?

Nung isang beses na nagswimming ako sa isang hot spring nang ilang oras at nangulubot ang mga daliri ko e lumitaw ang imahe ng matandang Leonardo da Vinci sa dulo ng hintuturo ko. Oo, sigurado akong si Leonardo da Vinci iyun. Hindi ko laang makita 'yung file ng pic. Ano kaya ang mensahe nito sa akin? Pinapaalalahanan ba ako ni Leonardo na magpinta? O mag-imbento ng eroplano? O alamin ang nakatagong musika sa kanyang painting na Last Supper? 

Isa pa, lahat ng imaheng ito ni Hesus kuno e mga pagsasalarawang ginawa ng mga painters laang, gaya ni da Vinci. Iniisip ng modernong taong ganun ang itsura ni Hesus, samantalang 'pag inisip mo ang rehiyong pinagmulan niya dapat e hindi dapat sya tisoy. 

4. Will you let Jesus in/ accept him?

Meron akong knock-knock joke na nabasa kelan laang. Di ko matandaan, pero parang ganito: 
Apocryphal version: Let me in, Goddammit!

Sa tingin ko obvious nang pinapasok nila sa Hesus sa buhay nila noong pinindot nila 'yung like button ng Jesus Daily page noong unang pagkakataon para makatanggap ng status updates sa kanila. Kung bakit lagi pa silang tinatanong ng Jesus Daily e ewan ko. 


Variation: FaceTime o chat, gaya ng nasa ikatlong larawan.

Malamang e para ito sa mga hindi pa nagla-like ng Jesus Daily na parang sinasabihang "Uy, kapag hindi ka nag-like ng Jesus Daily e parang hindi mo pinapapasok sa puso mo si Hesus."  

5. Jesus died for your sins you so you should remember to thank him every time you log in on Facebook.



Alam mo iyung uri ng kalaro mo noong bata, 'yung batang pinahihiram ka ng laruan o binibigyan ka ng pagkain, tapos e lagi na laang sasabihin sa iyong 'Uy, penge ng kinakain mo. Binigyan kita dati ng Chippy, 'di ba?" Parang ganito ang uri ng Hesus na lumalabas sa Jesus Daily. 

Kung alam ko laang na isusumbat sa akin ito nang ganitong kadalas, tutuklasin ko ang time travel nang mapigilan ko sya sa pagpapapako sa krus at nang mailigtas ko sa mga ganitong panunumbat ang mga tao sa Facebook. 

May kanya-kanyang paniniwala ang bawat isa pagdating sa kahalagahan (o kawalan nito) ng sakripisyo o ng pagpapapako sa krus ni Hesus. Malamang meron laang talagang gusto e alalahanin ito ng oras-oras. Samantalang ang iba e nagkakasya sa pagsusuot ng kwintas na merong krus o nagpapatato ng krus o verses para maalala ito sa tuwina, meron namang mas gusto ang nababasa ito nang oras-oras sa kanilang mobile devices. 

Ewan ko, para siguro maalala nila ang sakripisyo ni Hesus nang sila e hindi na magkasalang muli? Kunwari, isang lalaking mandadale ng kalaguyo nya at papasuot na ng condom, tapos makikita nya itong post. Baka nga naman magdalawang-isip sya sa oras na maalala nya yung sakripisyo ni Hesus at makonsensya. 


"Oops... Too late, daanin ko na laang sa kumpisal sa Myerkules."

Honorable mentions: 

Dalawa pang posts na nirerecycle, pero hindi ko na isinama dahil hindi gaanong tungkol ke Hesus. 

1. Mga hayop na before and after pics. Before: Merong sakit, injured, miserable. After: Malusog at maayos. Caption: Jesus did something o kung anuman talaga. 

2. Mga taong merong disability na nagpupursige/ masaya kahit ganun ang kalagayan. 

WWJD. What Would Jerboy Do? 

Maganda itong gagawing drinking game. Sa tuwing merong lalabas na post na ganito sa mobile nyo, kung anuman ang corresponding number sa listahan ko, iyon ang dami ng shots na iinumin nyo. "Uy, Jesus vs X = 1 shot."   


Sunday, May 4, 2014

Not-So-Obscure Bible Verses #5: Ang Pagkakataong Gumamit ng Hindi Kaaya-ayang Lenggwahe si Hesus

Sinong mag-aakalang si Hesus e nagkaroon ng pagkakataong gumamit ng lenggwaheng hindi gaanong kaaya-aya. Sa kabuuan ng mga kwentong binabanggit siya sa Bibliya, mawawari mong isa syang larawan ng pagiging maginoo, pino't banayad ang pag-uugali't pananalita. 
Blessed are the meek...
Kilala sya sa pagkakaroon ng matinding pasensya, sa puntong kahit na sya e hinahamak at ginugulpi nong araw na sya e ipapako sa krus e ni isang pagmumura e walang umalpas sa kanyang bibig. Naiimagine nyo ba kung gaanong kasakit makoronahan ng tinek? Aba'y nasundot ko laang ang gilagid ko habang nagtu-toothpick e napasigaw agad ako ng 'Kamputa!' Isipin nyo pa 'yung ipinapako ang mga kamay nya sa krus. 

Kung meron ka mang pwedeng masabi sa kanyang pagtitimpi e merong pagkakataong isinumpa niyang mabaog ang isang fig tree dahil sa gutom. At narun rin pala 'yung pagkakataong nagwala siya sa templo.  

Isang bantog na motivational speaker, nagturo sya ng aral sa moralidad at tungkol sa kaharian ng Ama sa pamamagitan ng mga parables gamit ang mga piling-piling salitang makapaglalarawan ng kanyang punto sa pamamagitan ng simbolismo. 

Hindi gaya nitong tele-evangelist na itong nasa komiks, kung ito'y paniniwalaan.
Baka naman gutom laang sya uli sa pagkakataong ito dahil mababakas na ang mga ginamit nyang simbolo e tungkol sa gera, sa imbes na ang mga pambato niyang nawawalawang tupa, barya o mga bubaeng hindi naglagay ng langis sa lampara. 

Sinimulan nya itong pangangaral sa bahagi ng kabanatang ito sa ideyang kung gusto ng isang taong maging disipulo ni Hesus dapat e mas malalim ang pagmamahal niya ke Hesus kesa sa sarili o pamilya nya. Demanding!    

Inihambing rin niya ito sa isang haring makikidigma nang hindi gumagamit ng scout at hindi nagbibilang ng kalaban. Mababakas na merong kakaiba sa kanya sa araw na ito, dahil sa imbes na metaporang merong kinalaman sa pagsasaka, e gera ang kanyang ginamit. 

Winakasan niya iyon sa pagsasabi na ang asin pag wala nang alat e dapat nang itapon sa tumpok ng tae o pile of shit. Ang ginamit na kataga e manure pile o dunghill sa mga English translations, pero alam na natin kung ano iyon sa modernong lenggwahe: pile of crap o pile of shit
Modern English translation: It ain't good enough for land nor a pile of shit!
Shet na malagket! Kungsabagay, 'shit' laang naman iyon at hindi 'fuck you', pero parang out of character laang. Kung ano ang nagbunsod sa kanyang iyon ang gamitin, sa imbes na pile of rubbish, e ewan. Malamang e ganun magsalita ang karpintero niyang amang si Jose at napulot laang niya iyon sa kanya.

Apocryphal version.



Friday, April 25, 2014

Obscure Bible Verses #16. To be or not to be... circumcised? Tanungin ang Bibliya!

Bakasyon na sa Pinas at alam ng lahat na panahon ito ng pagsuswimming, pagbabakasyon sa mga probinsya at pagpapatule o pagsuswimming sa dagat matapos magpatule sa probinsyang pinagbabakasyunan. Ito kasi ang pinakamagandang panahon para magpagaling ng sugat kesa umabsent ka sa mga buwang merong klase o kaya kung kelan Xmas break. Teka, uso pa ba ang maglanggas gamit e e pinakuluang tubig na merong dahon ng bayabas at asin?    

Sa Kristyanismo (oo, Kristyano rin ang mga Katoliko), hindi naman inoobligang magpatuleng gaya ng mga Hudyo. Pero, kung tumubo na ang damo sa paligid bago lumabas ang ulo ng ahas mo, at nahihiya ka kaya ka naghahanap ng kakamping berso sa bibliya para malaan kung dapat ka ngang magpatule, ating alamin ang mga verses tungkol rito. 

Dapat ba tayong magpatule? 

Sabi sa Genesis 7:11 e kailangang gawin itong pagpapatule bilang tandang tayo e anak ng Dios at hindi  nabibilang ke Taning. Isa itong covenant sa pagitan ng Dios at tao. Bukod sa binyag, kumpil at iba pa, dapat ring ginagawa ito ng isang Kristyano ayon sa Genesis.

Kung bakit e ewan ko. Bakit gusto ng Dios na ipatanggal ang 'sobrang' balat na ito sa ari ng mga lalake? Bakit hindi na laang niya nilikha ang mga tayong wala nun? Matapos niyang likhain mula sa lupa si Adan, bigla na laang niyang naisip na, "Teka, mukang mas maganda kung kita ang ulo ng uten." Ganun ba 'yun o gusto nya talagang magpakita tayo ng commitment sa pagpapakita ng ating pagmamahal at pananampalatay sa kanya sa pamamgitang ng mutilation? Parang shotang gusto e patunayan mo ang pagmamahal mo sa kanya at me ipapagawa sa iyong kung anu-ano. Palaisipan rin sa akin.
"11 And ye shall circumcise the flesh of your foreskin; and it shall be a token of the covenant betwixt me and you. -Genesis 7:11"
Nung panahong ito e sa Lumang Tipan e talagang tanda ito ng pagiging anak ng Dios. Sa kwento ng Dinah at ng mga Shechemites, hiniling ng naagrabyadong partido ni Dinah na magpatule ang mga Shechemites kung gusto nilang magkaroon ng kasal sa magkabilang panig. Ayaw tanggapin ng mga kapatid ni Dinah ang kabilang tribu kung mananatili silang mga supot. Mababasa ang malupet at madugong labanan at katapusan niyon dito

Kelan ba dapat magpatule?

Dapat ay walong araw pagkapanganak sa bata e pinapatasahan na. Kung saan hinugot ang walo, hindi ko rin alam. Bakit hindi ika-pito dahil magandang numero iyon at ibig sabihin e isang linggo? At paboritong numero pa ng Dios iyun. Dun sa ika-pitong araw rin sya nagpahinga, 'di ba?


Please DON'T try this at home.
Paano ang mangyayari sa mga hindi matutule?

Itatakwil sila ng konggregasyon dahil sa katigasan ng ulo (sa itaas, hindi ibaba) dahil ayaw nilang sundin ang kalooban ng Dios na makita ang bawat ari ng mga lalaki sa sanlibutan na walang talop.   
"14 And the uncircumcised man child whose flesh of his foreskin is not circumcised, that soul shall be cut off from his people; he hath broken my covenant. -Genesis 4:14"
Hindi laang mga bullies sa high school ang magiging problema ng mga supot kung gayon,  kundi pati ang pag-aaral na lumangoy sa dagat-dagatang apoy o DDA. 


Dahil laang ayaw mong patuleng duwag ka.
Teka, paano kung nalampasan na iyung walong araw, pwede pa bang i-extend ang deadline? Kunwari e nagkasakit ang manunule, hindi na pwede?


At kapag tatakpan mo ang mg mata mo, kelangang merong lalaking pipigil sa mga kamay mo.
Ang mga taga-Ehipto noon e nagpapatule kapag sila e nasa hustong edad na. Pero, hwag nating gawing huwaran ang isang liping nilunod ng Dios sa Red Sea dahil ayaw nilang palayain ang mga Hudyo, kahit pa sabihin nating kilala sila sa pagmamay-ari ng mga uteng kasing-laki ng ke Totoy Mola.

Pero, meron kayong magagamit na precedent, si Abraham. Si Abraham na tinuturing na Ama ng mga Hudyo, e tinagpasan ng 'sobrang' balat nung sya e 99 years old na. Sumabay laang sya sa anak nya noong ito e trese anyos. 



Hwag ka nang papaabot ng 99 years old at base sa updated kong statistics na nakuha ko 10 years ago e 67.5 years old ang life expectancy ng mga Pinoy na lalake. Kundi e matuto ka nang magtiis sa init ng kumukulong asupre sa DDA. At sa tingin ko e wala ka nang nakikitang mga kagaya ni Matusalem na inabot ng halos 1000 years old.

Pwede bang hindi na? 

Ikaw naman... ang mga karakter sa Bibliya nga e nagpatule gaya ng mga propeta. Pati nga itong pinakaimportanteng karakter na ang buhay e ginawang basehan ng santambak na pelikula at musical - si Hesus - e dumanas rin nito. Kung si Hesus nga nagpatule, ikaw pa? E anak na ng Dios 'yun, pero hindi pa rin exempted. 
"21 And when eight days were accomplished for the circumcising of the child, his name was called JESUS, which was so named of the angel before he was conceived in the womb. -Luke 2:21"
Sa katunayan nga e isa sa mga sagradong relic ng mga Katoliko ang balat na pinagtulian ni Hesus o kilala bilang Holy Prepuce. Ninakaw iyon sa panahon natin at kasalukuyan pa ring pinaghahanap. 

Hindi ba grabe naman ang parusa dahil lamang hindi nakapagpatapyas ng kaunting balat? DDA agad, ganun?

Sa katotohanan laang e binuwag itong lahat sa Bagong Tipan. Hindi na ito itinuring na mahalaga ng mga disipulong taga-sunod ni Hesus. Ipinangaral nilang mas importante kesa sa pagtatapyas ng balat ang ating kabutihan. Sinasabi sa Romans 2:25-26 na kung ikaw e umaaktong masama, para mo na ring kinubong ang pagkatule mo. At ang supot, bagama't supot kung gumagawa ng kabutihan e nagiging para na ring tule.
"25 For circumcision verily profiteth, if thou keep the law: but if thou be a breaker of the law, thy circumcision is made uncircumcision. Therefore if the uncircumcision keep the righteousness of the law, shall not his uncircumcision be counted for circumcision? -Romans 2:26"
Nasa iyo na iyun kung gusto mong patule o hinde. Sa totoo laang, sa panahon ngayon, maraming Kristyano, lalo na sa ibang bansa, ang mga supot dahil ang mas mahalagang tuliin e ang ating mga puso kesa ang ating mga ari.   


At dahil sa binagong batas na ito sa tule, naengganyo nila ang mga hindi Hudyo para makianib sa bagong relihiyong ito, gaya ng mga Romano. 
Yun nga laang, sigurado akong turn off sa mga Pinay iyon.


Monday, April 14, 2014

Not-So-Obscure Bible Verses #4. Ibinigay ni Hesus sa Isang Con Man ang Kaligtasan

Sa tingin ko e walang hindi nakakaalam ng kwento ng dalawang magnanakaw nung ipinako sa krus si Hesus. Sa tradisyong Romano Katoliko, kinikilala ang dalawang ito bilang Dismas (Dimas sa Tagalog) at Gestas (Hestas sa John En Marsya). Dito e malalaan kung alin sa dalawa ang holdaper at alin ang con man. 

Ang eksena: Nakabayubay sa krus ang tatlong naparusahan ng kamatayan. Walang nakikitang pag-asa ng pagtakas. Mamamatay silang tatlo sigurado. Sa gitna ng tatlo e si Hesus.

Ating tandaang ang nakapako sa krus at pinatutungkulan ng dalawang magnanakaw e isang taong nasentensyahan ng kamatayan at pinaniniwalaan ng ilan bilang ang Mesiyas, ang Anak ng Dios, verbong nagkatawang tao - in short, makapangyarihan at least.

Bago ako humantong ke Dimas, ating himayin kung tama ba ang ginawa ni Hestas. Ano ang nasa kukote ni Hestas nung sinabi nya iyon? Merong dalawa laang na posibilidad sa katotohanan kung si Hesus e tunay ngang ang Mesiyas. Malamang e hindi naniniwala ang magnanakaw na si Hesus ang Tagapagligtas kaya niya nilibak nang ganun. At para saan? Ano mahihita niya run? Magpaka-cool sa harap ng mga Romano? Makapagbunton ng init ng ulo? E paano kung si Hesus nga ang Mesiyas? Ganung tono ba ang dapat mong gamitin sa Anak ng Dios na merong super powers na pwedeng maglitas sa iyo o gawaran ka ng parusa, gaya ng gawin kang isang palaka? 

Sa kaparehong puntong ito ko kinukwestyon ang sinseridad ni Dismas o ang magnanakaw sa kanan ni Hesus. Ilagay mo ang sarili mo sa sitwasyon nya. Nakapako ka sa krus at bilang na ang oras o araw mo sa mundo. Wala ka namang nakikitang paraan para makaeskapo. Sa tabi mo e isang taong sinasabing 'Anak raw ng Dios'. Ibig sabihin nito e meron syang kakayahang makapagligtas sa mga pamamaraang hindi nasasaklaw ng paliwanag ng rason. At nakita mong hindi umepek ang paghahamon ng hunghang na si Hestas. Matapos nyang sabihn iyon e hindi naman nagtawag ng hukbong reresbak at magbababa sa inyo sa krus si Hesus. Ano ang tamang gawin, libakin rin ang 'Mesiyas', gaya nung kupal na si Hestas o gamitin ang sitwasyon bilang huling galaw ng desperasyon, ala-Hail Mary 'ika nga? Ipusta na laang kaya niya ang lahat sa maliit na pagkakataong baka iyon nga ang hinulaang Tagapagligtas? 

Naniniwala kaya si Dimas na si Hesus e ang Anak ng Dios? 

Naunahan ng dalawang milenya ni Dimas si Pascal sa kanyang Pascal Wager na nagsasabing (1) kung totoong merong diyos at ikaw e naniwala, maganda ang kalalagyan mo sa Langit at (2) kung wala ngang diyos at wala ring buhay sa kabila, walang mawawala sa iyo kung naniwala ka. 

At ito ang ginawa ni Dimas. Itinaya nya ang kanyang kaluluwa sa isang ideyang baka meron ngang buhay sa kabila dahil wala na syang aasahan sa buhay na kinasasadlakan nya nung mga oras na iyon. Kilala nya ba si Hesus nang sapat para maniwalang siya nga ang Anak ng Dios? Narinig nya ba ang mga aral nito, gaya nung pambatong Sermon at the Mount? Narinig nya ba ang katanyagan nito sa pagpapagaling ng mga ketongin, pagpapalakad ng mga pilay, pagbibigay-liwanag sa mga mata ng bulag, pagpapabangon ng bangkay? Iniisip nya kayang kaya siyang buhayin muli ni Hesus, gaya ng ginawa nito ke Lazaro? O tunay na naniniwala siyang ang ito nga Mesiyas na minsan niyang narinig at nasa hula ng mga propeta sa Lumang Tipan

Ito ang pinakasentro ng aking pagdududa sa motibo ni Dimas ang Penitent Thief. Kahit sa mismong disipulo ni Hesus na kanya pang nakasama at namalas ang kanyang mala-Diyos na kakayahang lumakad sa tubig at magpakalma ng bagyo e meron pang nagdudang sya e bumalik mula kamatayan. (Yup, ikaw Doubting Thomas ang tinutukoy ko.) Ang isa pang magnanakaw na nakatsamba laang na maging crucifixion buddy ni Hesus ang maniwala agad?

Not meant to be homoerotic.
At alam nyo na ang mga sumunod na eksena. Ibinigay ni Hesus sa kanya ang Kaligtasan. Ginawa pa syang santo ng Romano Katoliko at Eastern Orthodox Church. 

Ang Iglesia ni Dimas: Ang Madaling Daan

Kung meron man ritong aral para sa mga taong matigas ang puso sa mensahe ng bibliya, iyon e ang pwede nyo pang ipagpabukas ang pagbabago. Kung hindi solb sa inyo ang ideya ng Kaligtasan base sa inyong mga pari at pastor: pag-aabala sa pagdakila sa Dios ng isang beses sa isang linggo kasama ng maraming mga ipokrito't nakakatamad na balana, pagbibigay ng ikapu o donasyong sana e pinanggagasta nyo na laang sa ibang luho, pagkanta, pagsaulo ng mga dasal at kung anu-ano pang abala, ito ang relihiyong para sa iyo.

Ipinakita na ni Dimas ang pinakamadaling daan, ang loophole at short cut sa Kaligtasan. Pwede kang mamuhay nang gaya ng ginagawa mo ngayon, paporn-porn, patorrent-torrent at kung anuman ang pinagkakaabalahan ng mga taong kagaya mong nagbabasa ng blog ko. Hindi mo kelangang manamit nang pormal, makipagsapalaran sa traffic para makarating sa simbahan nang maaga, mag-like sa Jesus Daily sa Facebook, etc. Ang tangi mong lang dapat tandaan e ang dasal ni Dimas na nakasulat sa bersong ito tinatalakay ngayon. Gagawin mo laang ito sa tuwing pakiramdam mo e ikaw e mamamatay na, gaya ng pagsikip ng dibdib mo matapos mong lumamon ng isang malaking piraso ng crispy patang pulutan mo sa iyong Ginebra. Kailangan mo laang gayahin ang paraan ng pagsambang sinasabi ni Homer sa The Simpsons Movie.
   
" Why can't I worship the Lord my own way, like praying like hell on my deathbed?"   
Pwera na laang kung nagsisinungaling at pinagtitripan laang pala ni Hesus si Dimas.




Saturday, April 12, 2014

Not-So-Obscure Bible Verses #3. Sinopla ni Hesus ang mga Bubaeng Hudyo

Sa mga Katolikong nagkukubol o nagbibisita Iglesia (walang kinalaman sa grupo ni Manalo) tuwing Semana Santa e hindi na kagulat-gulat na mabasa ang bersong ito. Itong bersong ito ang pinagbasehan ng ikawalo (sa luma) o ikasyam na istasyon ng krus. 

Naglalakad si Hesus pasan ang kanyang krus sa burol kung saan sya e ipapako sa krus para mamatay. Tandaaang galing sya sa bugbog at hagupit ng mga Romano, pagod, gulpi-sarado, gutom at uhaw, bahagya nang makagulapay at medyo matagal na ring nagtitiis sa mga nangungutyang Hudyo sa kaniya nung masabat niya ang mga bubaeng Hudyong umiiyak at nahahambal sa nakikita nilang pagpapasakit sa lalaking nagpapasan ng krus. Maaalalang pagdating sa pasensya, meron rin syang limitasyon gaya nung isinumpa niya ang fig tree minsang sya e hindi nabigyan nito ng bunga.

Kilala ba nang personal ng mga bubae si Hesus? O narinig laang nila ang kanyang kakayahang gawing alak ang tubig, magpagaling ng ketongin at magpalakad ng lumpo? O isa syang dayuhang hindi nila kilala, pero kanilang kinahahabagan laang talaga? Basta, nung dumaan si Hesus, sila e napanangis sa habag. 
Kahit siguro kayo kung me makita kayong ganito ang itsura sa labas ng isang ECW ring e mahahambal rin.
Paano nagreact si Hesus sa mga naawang bubaeng Hudyo? Sinabihan nya ba silang okey laang ang lahat? Aba'y hinde. Ito ang kanyang sinabi:  
At mga mukang hindi man laang natititigan...
Alam kong sa puntong ito e stressed out na stressed out na si Hesus at mahirap ang kanyang pinagdaraanan, pero bakit kailangang supladuhan niya ang mga bubaeng ito? Bakit kailangang ibunton itong pagka-bad trip nya sa mga bubaeng naaawa sa kanya? Bakit hindi sa mga Romanong sundalong nambugbog sa kanya? 
O kaya e gayahin sina Cachupoy at Redford White na imbes na magpakitang nasasaktan e tumawa habang tinotortyur.
Ewan ko, kung hindi laang sya ang Mesias, malamang sasang-ayon kayong kakupalan iyon. Heto ang mga bubaeng nakikisimpatya sa kanya at sasabihan nya pa ng gayon. Parang pinapalakpakan ka ng fans mo habang nagsosolo ka sa gitara, tapos e papakyuhan mo pa. Hindi ba pwedeng kumumpas na laang sya't iparating na hindi nya kailangan ang kanilang luha, na parang madyikerong nagsasabing hindi pa tapos ang trick? 

Bagama't mala-kupal ang tiradang ito, mapapahanga ka sa wit ng linyang ito. Pipwede naman nyang sabihing ma maawa kayo sa susunod na henerasyon, pero kailangang ganun pa pagkakasabi. Para syang action star na sa gitna ng palitan ng putok e nagagawa pang magbitaw ng mga badass one-liners. Tandaang  nung sinulat ni Jose Rizal ang kanyang Mi Ultimo Adios bago sya bitayin e meron syang buong gabi para isulat ang first draft nito at i-proof read. Samantalang si Hesus e dun mismo at ora mismo e nakapaglubid ng malulupet na katagang bibitawan. 

Kaya't sya ang sinasamba ngayon ng mundo at si Jose e isang pambansang bayani laang. Aba't teka, sinasamba rin nga pala sya ng kulto ng Rizalista. Pero, kaya bang lumakad ni Pepe sa tubig? 

Nagpapatawa kaya si Hesus o nagpapakamakata nang sabihin niya ito? Bahay-batang hindi nagbunga? Susong hindi nasusuhan? Synecdoche o pagpapalit-saklaw ang tawag sa mga tayutay na ito, pero hanep sa kakwelahan. Dahil hindi sapat ang sabihing mapalad ang mga baog. Nung ako nakibisita Iglesia mga 15 taon nang nakakaran, itong estasyong ito ang napatapat sa akin para pamunuan ang pagbasa ng berso at pagninilay. Pigil na pigil ang pagbunghalit ko ng tawa nung mga sandaling iyon. Hindi laang sya magaling maghimala, magaling rin syang magpatawa.  

Hindi ko alam knug pang-ilan ito sa mga huling sinabi ni Hesus. Pangsampu? Panlabindalawa? Wala akong pakelam kung pangdalawampu ito, pero dapat pahabain ang Pitong Huling Salita ni Hesus para laang maisama itong binanggit nya tungkol sa mga bahay-bata at suso. Anong panama ng 'I thirst' sa hirit nyang ito? Ilang beses bang sinabi ni Hesus na sya e nauuhaw sa buong buhay nya? Napasama laang naman iyon dahil nataong nasasandwich iyon sa "My God, my God, why have you forsaken me?" at "Father, into your hands I commit my spirit." Ano ang panama ng isa pang halibawa ng pagpapalit-saklaw na ginamit nyang sikat na sikat na 'turn the other cheek' rito? 

Hindi lahat tayo e magkakaroon ng pagkakataong makapagsabi ng huling salitang aalalahanin ng ating mga mahal sa buhay, pero sana e meron akong maisip na kasing-astig nito pag dumating na ang aking sandali. 


Wednesday, April 9, 2014

Kristo Komiks #1. Ang Paglilitis

Katatapos laang hudasin ni Hudas si Hesus. Dinakip si Hesus at dinala sa mga Sanhendrin na pinamumunuan ni Caiaphas. Napagpasyahan nilang dalhin si Hesus ke Pilato,  ang malupet na Romano.
1
  
2
3
Ipagpatuloy ang pagbabasa sa Kristo Komiks #2.


Monday, November 26, 2012

Not-So-Obscure Bible Verses #2: Mark 2:1-12 WWJD sa Mga Taong Sumisinget?


Narinig ko ang istorya ng nagpagaling ng isang paralitiko si Hesus nung bata pa ako. Meron akong problema sa kwentong ito nung narinig ko ito sa unang pagkakataon sa aking Religion teacher.  
Humayo ka't napatawad na ang iyong pagkakasala, pati na ang pagbutas mo ng bubong ng bahay na 'to.
Hetong sitwasyon: Meron kang sakit. Sabihin na nating bulag ka. Narinig mong sa ibang ibayo e merong nagpapagaling ng mga ketongin, pipi, bingi, lumpo’t bulag. Hindi ka man ganap na makapaniwala dahil marami-rami na ring sumulpot na ‘manggagamot’ noong panahong iyon, gaya ni Yehohanan, e nagkaroon ka ng pag-asang makakitang muli. Sa wakas, ang makakita, magisnang muli ang kagandahan ng sanlibutan, ang masilayang muli ang mga muka ng mga mahal mo sa buhay, makakitang muli ng mga tsiks! (O nga pala, ‘di ko nasabi sa ‘yong nakakakita ka dati at hindi ka ipinanganak na bulag kaya’t alam mo ang ibig sabihin ng makakitang muli.)

Sa aba mong estado, naglakbay ka, at naglakad laang kasama ang isang kamag-anak (na ang tingin sa iyo e pasanin ka laang) dahil hindi pa uso ang jeep noon at mayayaman laang ang nakaka-afford ng mga asno o kabayo. Binuno mo ang alabok sa daan, ang nanlalampasong paso ng init ng araw, ang nakapanlalambot na hininga ng kasama mong kamag-anak dahil hindi pa naiiimbento ang sipilyo noon para makarating sa bayan kung saan narinig mong merong Jesus’ Healing Tour. Nakipagsiksikan ka, nakipagbanggaan sa kapwa mong me sakit, nakipagdikitan ng balat sa mga ketongin, nakipagsigawan, nakipagdumugan, nakipaghamagan para maabutan mo ang naghihimalang si Hesus. At nung malapit ka  nang gamutin at sa tingin mo’y malulunasan na ang iyong pagkabulag, narinig mong merong natutungkab na bubong, napabahin ka sa bumagsak na alikabok sa iyong muka at sinabi ng kasama mo kung ano ang nangyari. “Merong putang inang suminget at nagtungkab ng bubong!"



Tapos ang maririnig mong paliwanag mula sa naghihimala e malakas ang pananampalataya ng lumpong ulupong na iyon na merong pambayad sa apat na lalaking nambutas ng bubong ng may bubong at magbuhat sa kanya. Malamang e mapapabulalas ka ng ganito, "Aba’y kung hooliganismo laang pala ang tanda ng pananampalataya, sana e naghukay ako sa ilalim ng lupa –kung hindi laang ako putang inang bulag!" 


At iyan ang problema ko sa tuwing ako e masisingitan sa pila. Kasi kung iyan ang basehan sa pila, e 'di 'yung pinakagutom na ang unahin sa pila sa handaan o food court. Sa pagkuha ng lisensya sa PRC e unahin na 'yung mga bahagyang pumasa sa mga board exams bilang pabuya sa ideyang mabuti nga't pumasa pa sila. Sa panonood ng sine e unahin ang pinakanumero unong fan ng Hary Potter. Maari ko pang punuin ito ng ilang halimbawa, pero alam nyo na ang punto ko. Ang pila e pila at ang singet e singet. 





Friday, November 16, 2012

Not-So-Obscure Bible Verses #1: Ang Pagkakataong Inabuso ni Hesus angKanyang Kapangyarihan

May pagkakataon kayang si Hesus e nang-abuso ng kanyang super powers? O ginamit niya ito hindi para sa kapakanan ng iba? Alam nating lahat na 'pag ginamit ni Hesus ang kanyang kapangyarihan ito e para tumulong sa iba, gaya nung nagpaparami ng siya isda't tinapay, nagpapagaling ng mga me sakit at bumuhay ng mga bangkay. Pero alam ba ninyong, merong pagkakataong inabuso nya ang isa nyang kapangyarihan para sa isang halamang wala namang ginagawa sa kanya? 

Ayon sa Mark 11:12-14, naglalakad si Hesus at tomguts na sya nung mga oras na yaon. Meron syang nakitang isang fig tree na walang bunga, dahil hindi pa panahon ng fig, hindi pa tagbunga. At sa halip na gamitin ang kapangyarihan niya para pagbungahin ang isang punong wala pa sa uso, isinumpa niya ito na hwag nang magbunga magpakailanpaman. Ang pangyayaring ito e nasaksihan ng mga disipulo nya.

Sabi ng mga bihasa sa bibliya ito raw e simbolismo na me patungkol sa Israel, na noong panahon pa ni Hosea. Bukod sa isang puta, inihambing rin daw kasi itong Israel sa isang fig treeng baog sa Hosea 9:10. At ito raw e simbolo ng pagsumpa ng Dios sa Israel. 

Pero, mabalik tayo sa panahong ito e nangyari. Malinaw na pang-aabuso ito ng kanyang kapangyarihan. Pupwede naman nyang pagbungahin yun. Hwag mong sabihing makakabuhay sya ng bangkay, tapos magpapabunga laang ng prutas na wala sa season e hindi kaya ng powers nya? Tapos, ipapalusot ng mga bible scholars sa na iyon raw e simbolismo sa pamamagitan ng pagturo sa isang berso sa Hosea. Ano ang simbulo run, nakita nya ang Israel na hindi pa handang tumanggap ng kanyang aral kaya't mas mabuti pang baugin na laang? Mga spin doctors nya ang nagpapaliwanag nito sa panahon natin. Sa pagitan ng anti-Semite na mensaheng ito at sa ideyang gaya ng karaniwang taong nato-Tom Jones at nabuset, mas pipiliin ko na ang huli.

Aminin na laang kasing nabad trip sya nun dahil gutom sya. Isinumpa niya ang fig tree sa sobrang pagkaaburido. Walang nakaintindi ng simbolismong iyon kuno sa panahon niya. Ano naging silbi nung inakto nya nung oras na yaon? Wala. Nagmuka laang siyang kupal sa harapan ng mga disipulo nya nung ginawa niya yun. 

Talagang high blood na sya nun sa pagkagutom at ang natagpuan nya pang puno e walang bunga kaya nya nagawa yun. Sa katunayan nga, sa sobrang bad trip nya nung araw na yun, nung nakita nyang me mga nagkakalakal sa isang templo, nagwala siya't pinagtataob ang bawat makita niya. 
Kung meron mang aral na makukuha rito sa bersong ito, yun e "Hwag nyong babadtripin si Jesus 'pag gutom." dahil walang siyang kaliwang pisnging ihahain sa iyo.