Sunday, April 20, 2014

Adding an Extra 'H' to Your Lousy Name Doesn't Make it a Cooler Nick Name


llan sa mga kaibigan ninyo ang me dagdag na ‘h’ sa spelling ng pangalan nila? Ang ibig kong sabihing dagdag na ‘h’ e ‘yung mga pangalang ‘di naman dapat merong ‘h’ pero dinagdagan ng letrang ‘h’, gaya ng ‘Bhong’, ‘Mhel’ at ‘Jhun’. Ngayon, i-divide mo ang dami ng kaibigan mo sa total number of friends mo sa  Facebook at malalaman mo ang percentage ng mga tao sa buhay mo na dapat e hindi mo na kinakausap. Pag lumampas sa 20%, dapat mong pag-isipan ang nangyayari sa buhay mo ngayon at bakit ka nasadlak sa ganyang grupo ng mga tao.

Gaanong kalungkot ng buhay ng isang tao para dagdagan nila ng ‘h’ ang pangalan nila? At isiping magiging mas interesting ang pangalan nila ‘pag meron nito? At para magalit at iwasto ka pa tuwing ‘nagkakamali ka ng spelling’ ng pangalan nila tuwing maglilista ka ng pangalan ng gustong magpadeliver ng pizza?
Ilang bese ko bang sasabihin sa 'yong 'Mhel' 'yun at hindi 'Mel'?!
Alam kong hindi tayo ang pumili ng mga pangalan natin at ang mga magulang natin ang nagbigay nito sa ‘tin nung tayo e mga wala pang malay pumili ng malulupit na pangalan gaya ng Kraven, Magnus, Ace, Django, Darth Vader, Sinister, atbp. kaya’t naiintindihan ko ang pangangailangan nating umisip ng mga magagandang palayaw. Kung ako ang pipili ng pangalan ko, Hagibis Parsons ang gusto ko. Sa mga naiisip nating palayaw, pakiramdam natin e tayo ang me-ari ng ating pagkatao o identity. Hindi gaya ng isinalpak laang na basta-bastang pangalan sa ‘tin ng mga magulang natin, gaya ng ‘Rupert’, ‘Harold’ at ‘Teresita’.  At sa palayaw na naiisip natin sa sarili natin, pakiramdam natin kaya nating pagharian ang mundo. Kahit na ito e kasing-simple laang ng ‘Boy’ o ‘Obet’.

Pero kung wala kang creativity na mag-isip ng tunay na palayaw at sa tingin mo e ang pagdaragdag mo ng ‘h’ sa pangalan mo e instant cool ang epekto, e isa kang hunghang with a capital H. Oo, tinatawag kitang hunghang. Wala akong pakelam kung me PhD ka pa. Ilang taon man ang ginugol mo sa eskwelahan para magkatitulo ng ‘Dr’ e ibinasura mo sa loob ng isang segundong ginugol mo para itayp itong extra ‘h’ sa pangalan mo sa Facebook. Walang binabago ang ‘h’ sa bigkas ng pangalan mo, isang katotohanang kitang-kita tuwing tatawagin ka ng mga kaibigan mo: ‘Mhar’, ‘Jhen’ atbp. Maiintindihan ko pa, kahit na hindi ko kinatutuwaan, kung ito e me pagbabago sa bigkas ng pangalan mo dahil mababago ang tunog ‘pag ikinabit sa mga titik ‘t’ at ‘p’ halimbawa. Gaya ng ‘Thim’, ‘Thon-Thon’, ‘Pham’ atbp. -‘yun e kung bibigkasin mo o nila nang ayos.

Hindi nickname ang pagdaragdag ng ‘h’ sa pangalan. Tandaan nyo ‘to.

Ngayon, ibang usapan naman kung hindi ikaw ang pumili nyan at ‘yan talaga ang pangalan mong nakalagay sa binyag at birth certificate. Ang tinutukoy ko e ‘yung mga talagang isiniksik sa pangalan nila ‘yung ‘h’. Ewan ko kung iyon ang tunay na pangalan ni Vhong Navarro.

At bakit ako nasosora sa dagdag na letrang ‘to? Dahili ito e basura sa mata, basura sa wika, basura sa gumaganang sistema ng mundo. Pag nagdagdag ka ng isang ‘h’, sino ang pipigil sa ‘yo para magdagdag ng 30 na ‘h’ sa pangalan mo ha? Gaya ng ‘Stevhhhehhnhh’, ‘Ghaihlhh’, ‘Sahhhmh’ o ‘Pauhhhlhhhlh’. Gusto mo pala ng ‘h’ sa palayaw mo e ‘di magpatawag ka ng ‘Hahashtari’. At least, tunay na pangalan ‘yun. Kung papayagan natin ‘to sa pangalan, e sino ang pipigil sa ‘tin para gawin ‘to sa ibang salita, gaya ng ‘Khumhainh nha akho. Tenk yu.”

Bago ka isinilang e me nakaisip ng sistema ng pagsulat, ng pagbabaybay ng mga salita, kasama na ang mga pangalan. Sino kang ipinanganak nang lampas sa taong 1950 para baguhin ‘to? Isa kang kupal para baguhin ‘to.
Ni hindi ko na sisimulan pang magreklamo tungkol sa mga me ganitong pangala’t aksaya laang ng panahon: R013131e, 6h16h1e, atbp. 

20 comments:

  1. E kung hindi ka ba naman ignoramus hayop ka!?!

    Akala ko ay mahusay kang writer bopols ka e napaka-ignorante mo pala. Gusto ko lang sabihin sa iyo na hindi komo naglagay ng h sa pangalan e pa-cool na. Saan mo ba nakuha ang idea na yan?

    Bigyan kita ng halimbawa ha at ng magising ka.

    Ang intsik na kakilala ko, pag binanggit ang pangalan niya sa salitang atin ay ganito, Kwik Go Chun. Dapatapuwa't ng tanungin ko siya kung paano niya isasalin sa letrang naiintindihan natin ang pangalan niya ay ganito niya isinulat: Kwik Gho Chun.

    Kwik Gho Chun

    ...naintindihan mo na ba? Pa-cool ba siya?

    Kung hindi pa ay hahabaan ko pa ng kaunti ang pasensya ko. Kung bobo ka, iisipin mo agad, pa-cool. Kung malawak ang pang-unawa mo, maiisip mo na hindi pala lahat ng talasalitaan ay umiikot sa pang-unawa mo.

    Kuha ba? Kung hindi pa e bobo ka na talaga.

    ReplyDelete
  2. Base sa tono ng pagsusulat mo, mukang ikaw rin iyung nagcomment sa post ko tungkol sa Foodography 101.

    Una, balikan mo muna ang pinag-aralan mo sa elementary sa pinagkaiba ng 'ng' at 'nang' kung plano mong seyosohin ko ang panghuhusga ng aking intellect. (At parang wala akong sinusulat na ako e isang matalinong writer.)

    Pangalawa, ang ginamit mong halimbawa e pangalang Chinese (o 'ika mo nga e Intsik). Alam ng lahat, kahit na 'yung mga hindi nakatungtong ng eskwalahan, na iba ang sistema ng pagsusulat nila. Alam mo iyung mga guhit na tatak na nasa kahon ng hopia at tikoy, yung mga hindi kapareho ng letra natin? O kaya e iyung mga hindi mo mabasang kung anu-anong linya sa mga manual ng calculator? Yun ang sistema ng pagsusulat nila at walang letrang 'H' doon. Hindi sila gumagamit ng alphabet at characters ang ginagamit nila. Halimbawa: 蘋果 mansanas. Pito ang letra sa Tagalog, pero bakit dadalawa laang ang nakikita mong nakasulat? Dahil iyon ang kanilang sistema. At wala kang makikitang 'H' diyan, kailangan man o hinde.

    Meron silang pin yin na tinatawag na syang paraan ng pagsusulat nila gamit ang mga titik sa alphabet at malamang iyon ang gusto mong palabasin. At ang salitang iyon kanina e 'Píngguǒ' sa pinyin. Pag binigkas ito, magkakaroon ng /k/ kahit wala kang nakikita? Baket? Pag-aralan mo muna ang wikang Mandarin kung bakit ganun. Sa simpleng paliwanag, nuances ng wika nila iyon.

    At gaya ng sinabi ko, hindi mo magagamit na halimbawa si Kwik GHo Chun dahil pangalang halaw sa wikang ibang sisema ng pagsusulat iyon. Ewan ko kung naintindihan mo ang paliwanag ko, Mr/ Ms Anhonhymous. Kung hindi, magtanong ka lang. Pwede kitang turuan. Libre pa.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Tanga ka talaga. Ang punto ko ay hindi mo pwedeng gawing "standard" ng buong mundo ang pang-unawa mo.

      Hindi mo pwedeng sabihin na mali ang "Dhaniel" o "Dhan" dahil lamang sa pakiramdam mo ay pa-cool ang paggamit nito.

      At sino ang nagsabi sa 'yo na invalid ang example ko? Hoy gago! Lumabas ka nga ng Pilipinas para maintindihan mo ang punto ko.

      Eto pa ang isang halimbawa: Ang kaibigan kong Burmese ay Than Than ang pangalan. Pero sa lengguwahe ba nila ay may "H?"

      Hindi ako ang nagbigay ng "spelling" ng pangalan niya, kundi ay bagkus siya. Pwede naman niyang gawing Tan tan, or Tantan. Pero bakit pinili niyang lagyan ng "h?"

      Ibig bang sabihin ay pa-cool na siya? Burmese siya. Walang letrang "H" sa alpabeto nila. E bobo ka na lang talaga pag itinuloy mo pa yang paniniwala mo'ng yan. At pwede ba, kung gusto mong mabulok sa belief mo na 'yan e huwag mo naman idamay ang kapuwa mo Pilipino.

      Delete
  3. Bumalik ka pa matapos ang paliwanag ko nung una. Hindi ko alam kung hindi mo pa rin naintindihan talaga o sadyang meron kang interes na nagmumukang hindi alam ang pinagsasabi sa mga makakabasa nito. Tutal, mukang gusto mo uling mapaliwanagan… hay… (bunting-hininga) e heto.

    Una, sa Tagalog ko sinusulat ang blog ko. Dapat iyon pa laang e hudyat na sa iyong ang inaasahan kong mambabasa nito e mga Pinoy at sa article na ito e kontekstong Pinoy. Hindi ito isang ideyang isinusulong ko para baguhin ang sistema ng pagbabaybay, pagbigkas at pagsusulat ng lahat ng wika sa mundo. Ang pinagtutuunan ng pansin ng article na ito e mga pangalang pam-Pinoy (na bukod sa katutubo nating pangalan e hiniram sa Inggles at Espanyol) at hindi sa kung anu-anong mga lenggwaheng gustong hugutin ng magbabasa nito.

    At gaya ng sinabi ko sa Mandarin – at sa pinaggigiitan mong Burmese sa ngayon – iba ang sistema ng kanilang pagsusulat at ang mga nababasa mong titik e isang produkto ng pagsasalin mula sa kanilang sistema ng pagsusulat sa alpabetong nakagisnan natin ngayon. Ibig sabihin maraming kakaibang baybay at bigkas na susulpot.

    Halimbawa: Dito sa Indonesia, ang ‘c’ e binibigkas bilang ‘ch’ kaya’t ang ‘cuci’ (hugas) e nagiging chuchi ang bigkas, sa halip na kung anumang paraan mo bibigkasin iyon gamit ang alpabetong Filipino o Inggles. Meron rinkaming letrang ‘k’ ditto na kapag sa hulihan ng salita inilagay e hindi binibigkas bilang /k/, kundi ginagamit laang marker o tandang dapat merong impit sa dulo ang bigkas nito – kung naaalala mo pa ang aralin mo ng maragsa, malumanay, atbp. Ang ‘Pak’ e hindi katunog ng tunog ng sampal sa komiks, kundi may-impit sa dulong ‘Pa’. Isang litaw na litaw na halimbawa noong naglaro ang Azkals at ang bigkas ng mga commentators sa pangalan ni Caligdong e Chaligdong.

    Balikan mo uli't yung paliwanag ko sa 'pingguo' sa naunang comment dahil ayoko nang ulitin.

    Isang mabilis na pag-uusisa sa Wikipedia e napagtanto kong merong fricative glottal consonant ang mga Burmese na – sorpresa, sorpresa – e titik H. Hindi ko alam kung saan mo hinugot ang impormasyon mo, pero kung mamimili ako kung alin sa Wikipedia at isang Anhonhymous na commenter na hindi alam ang pinagkaiba ng ‘ng’ at ‘nang’ at merong hilig sa pagtawag sa akin ng tanga at ng mga synonyms nito… alam mo na siguro ang sagot.

    Hwag kang mag-alala’t hindi kita tatawaging tanga kahit lumalabas na medyo hirap kang umintindi ng mga nakasulat na letra, gaya ng ginagawa mo sa akin, dahil hindi na kailangan. Kinukumpirma mo ang duda ko sa bawat pagtitipa mo ng keyboard mo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ahahahahahahh! Ahahahahhahah! Natatawa ako sa 'yo boy Tanga!

      Kaya pala Jerboy Must Die ang titulo ng blog mo kas dapat ka na nga sigurong magpakamatay dahil sa katangahan mo.

      Bakit mo sasabihin na sistema ng Burmese at Chino ang mga example ko? Tanga ka talaga. May sarili silang alphabet.

      Ngayon, kung gagamit sila ng alphabet para lamang maintindihan natin ang pangalan nila sa tuwing isusulat nila ay hihiram sila siyempre sa banyaga, at di sa kaso na ito ay English alphabet ang ginamit.

      Bakit? Sa tingin mo ba ay galing sa pinoy ang alpabetong ginagamit natin? E tanga ka nga. Alibata ang orihinal na titik na ginagamit ng pinoy hindi ang makabagong alpabeto na kinagisnan mo. Binago na lang 'yan dahil para makasabay sa buong mundo ang mga Pilipino. Inuutusan mo pa ako na bumalik sa pag-aaral e ikaw nga 'tong dapat bumalik sa elementary, tanga!

      Delete
    2. (Buntung-hininga...) Ang alibata, ang sinauna nating sistema ng pagsusulat, e hindi karakter ang gamit, hindi gaya ng Mandarin. Merong nakaatas na simbolo sa bawat pantig, hindi gaya ng Mandarin kung saan ang isa o dalawang karakter e kumakatawan sa buong salita. Kaya't nung isinalin ito sa alpabetong kinagisnan mo e madaling atasan ng titik. Alam iyan ng kahit sinong nakatungtong ng elementary. Kahit na yung mga Pinoy na ipinanganak at lumaki sa ibang bansa e alam iyan.

      At gaya ng sinabi ko ang mga halimbawa ko e para sa mga pangalang pang-Pinoy. Kaya't moot nang igiit mo pa sa akin ang kung anumang lenggwaheng huhugutin mo: Klingon man o Aleman.

      (Buntung-hininga)... Dalawang beses ko nang ipinaliwanag ito. Kung ganyan ka laang kahina, e ito na ang huling paliwanag ko. Pag nagpaliwanag pa ako sa iyo pakiramdam ko e dapat mo na akong bayaran ng online tutorial fee. Kungsabagay, paano ko ba ipapaliwanag sa iyo ang masalimuot na linguistics at phonology kung simpleng 'ng' at 'nang' e hindi mo natutunan noong elementray?

      Iyan o isa kang troll. Kung gayon, hahayaan lang kitang mag-comment para sa aking ikaaaliw.

      Delete
    3. masyado akong nag enjoy kakabasa neto xD. sir makikisawsaw lang po, Baybayin daw po yun hindi alibate hehe

      Delete
    4. Tama ka, mem'ries. Yun nga pala ang tawag run.

      Delete
  4. Jerboy, ang original na ipinupunto ko ay hindi naman ang katangahan mo, nadagdag na lang 'yan dahil di ko sinasadyang nalaman ko. Marami na ang tanga sa mundo kaya please, huwag ka na sanang dumagdag pa.

    Ang punto ko originally (para maalala mo) ay hindi lang sa pang-unawa mo umiikot ang pamantayan ng panitikan ng buong mundo.

    Kung gusto ko o ninoman na maglagay ng H in between all the letters in my name, ibig bang sabihin nu'n ay mali ako? Saan nasusulat na mali at pa-cool ang gano'n?

    Inuulit ko, hindi sa pang-unawa mo umiikot ang lahat kaya huwag mong ipalagay ang sarili mo as the center of the universe.

    ReplyDelete
  5. At kung nakakaintindi ka ng pinagkaiba ng facts sa opinion, alam mong wala kang dapat ipagmutarga kung ganyan ang opinyon ko sa mga taong naglalagay ng H sa pangalan nila -sa kaparehong dahilang hindi ako napipikon sa katatawag mo sa aking 'tanga'. Alam kong hinde at hindi ko na kailangang ipaliwanag pa at idepensa ang sarili ko.

    Ikaw, sa kabilang banda, na syang nagsimula ng pagtawag ng 'tanga' e paulit-ulit na humuhukay sa kumunoy ng kakulangan ng kaalaman sa paksa e nagpupumilit pa ring maggiit ng opinyon, kahit mali. Sino kaya ang lumalabas na tanga?

    Tinatanggap ko ang sinasabi mo - hindi lahat ng tao e kapareho ko ng pang-unawa (o sa mas tamang kataga e 'opinyon'). Alam ko ring hindi sa akin umiinog ang buong sansinukob at alam ko rin kung sino ang umiinog ang kanyang mga umaga sa kababasa ng mga entries ko. Salamat.

    ReplyDelete
  6. O, e alam mo pala e. Hindi ma mas lalong tanga yaong taong alam na mali na ang ginagawa ay di pa rin tinatanggap?

    Kung alam mo na hindi sa pang-unawa mo umiikot ang panitikan, talasalitaan o ano pa mang bagay na nauukol sa paggamit ng tamang pagsasaayos ng pangalan, e bakit mo ipinagduduldulan sa buong mundo (sa pamamagitan ng blog mo) na pa-cool ang gayon? O hindi ba katangahan 'yan?

    Jerboy Lupisan, bobong blogger. Ahahahhahahha! :D

    ReplyDelete
  7. Marunong ka bang magbasa? Malinaw pa sa sikat ng araw ang sinasabi ko e iba ang konklusyon mo. Basahin mo na laang uli. Naubusan ka na ng synonyms para sa 'tanga' at 'bobo'? Limitado pala ang bokubolaryo mo, bukod sa imahinasyon.

    ReplyDelete
  8. E bakit naman ako magsasawang tawagin kang "tanga" at "bobo" kung talagang iyon ka?

    Di ako marunong magbasa? E baka ikaw ang may diperensya? Nagsusulat ka ng di mo naiintindihan ang isinusulat mo?

    Sabi mo sa title ng post mo, "Adding an Extra 'H' to Your Lousy Name Doesn't Make it a Cooler Nick Name." Ano sa palagay mo ang ibig sabihin niyan? Ibig sabihin nito, ipinapalagay mo na ang sino man na maglagay ng extra "H" sa pangalan niya ay pa-cool. Malinaw pa sa salamin na pinunasan ng maka-sandaang beses.

    Heto pa ang isa na isinulat mo na may kaparehong punto, "Pero kung wala kang creativity na mag-isip ng tunay na palayaw at sa tingin mo e ang pagdaragdag mo ng ‘h’ sa pangalan mo e instant cool ang epekto, e isa kang hunghang with a capital H. Oo, tinatawag kitang hunghang."

    O 'di ba malinaw? Iniisip mo na pa-cool ang gagawa ng ganun? Buhat ng simula ay 'yan ang punto ko na pinili mo'ng i-ignore for the rest ng sagutan. Tinawag mo pa nga sila na, ano uli 'yun, Hunghang?

    Ano ang pinagkaiba ng bunganga mo sa bunganga ko? Tanga ka talaga. Hindi lang basta tanga, bobo'ng ipokrito pa. Hehe.

    Wala. Sablay. Ahahahhahahha! :D

    ReplyDelete
  9. Yup, may problema ka sa pag-intindi ng binabasa mo. Naipaliwanag ko na. Basahin mo na laang ulit kung hindi pa rin malinaw. Kung wala kang bagong sasabihin at magiging spam laang ang mga comments mo, buburahin ko. Welcome ka pa rin kung meron kang bagong sasabihin at hindi ka blocked. Aba'y suki ka e. Kinukumpleto mo ang umaga ko. Pero, kung magpapaulit-ulit ka laang at astang troll laaang, buburahin ko ang comment mo.

    ReplyDelete
  10. Jerboy, kaya lang umuulit-ulit ang usapan ay dahil ayaw mong tanggapin ang punto ko.

    ReplyDelete
  11. Yun ang opinyon ko sa bagay na yun. Meron kang kontrang opinyon at sinsaabi mong mali ako sa pagsasabi ko tungkol sa unnecessary 'H' sa nickname. Noted. Pinaratangan mo akong tanga, kahit na lumalabas na kulang ang kaalaman mo sa linguistics nung naghalimbawa ka ng Chinese at Brumese. Hindi kita tinawag nang ganun. Bumabalik tayo. Ano ba ang inaasahan mo? Sabihin kong mali ang paniniwala ko? Loosen up, humor blog ito at kung ituturing mong isang 'fact' na dapat itama ang opinyon ko e malamang nagkakamali ka ng nabisitang site. Pero, salamat at sa maikling sagot mo e hindi mo ako tinawag na tanga.

    ReplyDelete
  12. Jerboy, sabi nga nila, "Everyone is entitled to his own opinions, but not to his own facts."

    Meaning, mayroon kang karapatan na i-voice out ang iyong opinyon pero up to the point lang na hindi mo sila paniniwalain na ang standard mo e dapat maging standard ng lahat.

    Wala ka namang maipakitang ebidensiya na magpapatunay na mali ang pagsingit ng H ninoman sa kanilang pangalan.

    Kung gusto ko na magpa-tattoo ng isa pang mata sa noo ko ay sino ang makakabawal sa 'kin? Walang batas na nagbabawal 'di ba?

    Kung gusto ko na sapilitan kitang lagyan ng tattoo sa noo mo kahit ayaw mo, may makakabawal ba sa akin? Aba'y oo. Dahil may batas tayo about human rights. Lalabagin ko ang karapatang pantao mo kapag pinilit kita.

    Ngayon, tungkol diyan sa iginigiit mong opinyon mo, sana ipinaliwanag mo ng husto na ito ay "ayon" lang sa pang-unawa mo at hindi ito maaaring maging pamantayan ng lahat.

    'Yan ang sinasabi ko about being a responsible blogger.

    ReplyDelete
  13. Itinuturing ko kasing obvious at hindi ko na kelangang i-spell out sa mga mambabasa ko na ang lahat ng ito e opinyon ko. Naniniwala kasi akong mapagsuri ang mga mambabasa at nakakakilala ng pinagkaiba ng fact at opinion, kahit hindi ko na sabihin. Kung ang ideya ko e isulat ito bilang 'fact', gumamit sana ako ng data o stat.

    Ang kabuuan ng mga sinusulat ko e nagpapatunay na ang mga sinusulat ko rito e puro opinyon ko o interpretasyon ko lang ng 'facts'. Wala akong natatandang sinulat ko at inaari bilang fact. Ang mga sinulat kong obscure bible verses, bagama't nakabase sa bibliya e hindi mga facts, kundi interpretasyon ko. Ang panloloob ke Sonny Parsons, bagama't nakaangkla sa tunay na pangyayari, e sa tingin ko e obvious bilang hindi 100 factual recount. Naglabas ako ng isang datos sa mortality rate sa article ko sa tule na sinabi kong 'updated 10 years ago'. Para paniwalaang mga 'facts' ang ibinebenta ko e isang maling pagkakamali sa bahagi ng mambabasa nito.

    ReplyDelete
  14. Gotta give it to ya: Nakakatuwa ang ideya ng tato ng ikatlong mata sa noo.

    ReplyDelete
  15. Jerboy, okay pare, malinaw na. Sa 'yo na rin nanggaling ang paglilinaw mo na opinyon mo lang 'to at pwedeng hindi rin basta paniwalaan dahil ito'y opinyon mo lang.

    ReplyDelete