Showing posts with label not-so-obscure bible verses. Show all posts
Showing posts with label not-so-obscure bible verses. Show all posts

Monday, April 14, 2014

Not-So-Obscure Bible Verses #4. Ibinigay ni Hesus sa Isang Con Man ang Kaligtasan

Sa tingin ko e walang hindi nakakaalam ng kwento ng dalawang magnanakaw nung ipinako sa krus si Hesus. Sa tradisyong Romano Katoliko, kinikilala ang dalawang ito bilang Dismas (Dimas sa Tagalog) at Gestas (Hestas sa John En Marsya). Dito e malalaan kung alin sa dalawa ang holdaper at alin ang con man. 

Ang eksena: Nakabayubay sa krus ang tatlong naparusahan ng kamatayan. Walang nakikitang pag-asa ng pagtakas. Mamamatay silang tatlo sigurado. Sa gitna ng tatlo e si Hesus.

Ating tandaang ang nakapako sa krus at pinatutungkulan ng dalawang magnanakaw e isang taong nasentensyahan ng kamatayan at pinaniniwalaan ng ilan bilang ang Mesiyas, ang Anak ng Dios, verbong nagkatawang tao - in short, makapangyarihan at least.

Bago ako humantong ke Dimas, ating himayin kung tama ba ang ginawa ni Hestas. Ano ang nasa kukote ni Hestas nung sinabi nya iyon? Merong dalawa laang na posibilidad sa katotohanan kung si Hesus e tunay ngang ang Mesiyas. Malamang e hindi naniniwala ang magnanakaw na si Hesus ang Tagapagligtas kaya niya nilibak nang ganun. At para saan? Ano mahihita niya run? Magpaka-cool sa harap ng mga Romano? Makapagbunton ng init ng ulo? E paano kung si Hesus nga ang Mesiyas? Ganung tono ba ang dapat mong gamitin sa Anak ng Dios na merong super powers na pwedeng maglitas sa iyo o gawaran ka ng parusa, gaya ng gawin kang isang palaka? 

Sa kaparehong puntong ito ko kinukwestyon ang sinseridad ni Dismas o ang magnanakaw sa kanan ni Hesus. Ilagay mo ang sarili mo sa sitwasyon nya. Nakapako ka sa krus at bilang na ang oras o araw mo sa mundo. Wala ka namang nakikitang paraan para makaeskapo. Sa tabi mo e isang taong sinasabing 'Anak raw ng Dios'. Ibig sabihin nito e meron syang kakayahang makapagligtas sa mga pamamaraang hindi nasasaklaw ng paliwanag ng rason. At nakita mong hindi umepek ang paghahamon ng hunghang na si Hestas. Matapos nyang sabihn iyon e hindi naman nagtawag ng hukbong reresbak at magbababa sa inyo sa krus si Hesus. Ano ang tamang gawin, libakin rin ang 'Mesiyas', gaya nung kupal na si Hestas o gamitin ang sitwasyon bilang huling galaw ng desperasyon, ala-Hail Mary 'ika nga? Ipusta na laang kaya niya ang lahat sa maliit na pagkakataong baka iyon nga ang hinulaang Tagapagligtas? 

Naniniwala kaya si Dimas na si Hesus e ang Anak ng Dios? 

Naunahan ng dalawang milenya ni Dimas si Pascal sa kanyang Pascal Wager na nagsasabing (1) kung totoong merong diyos at ikaw e naniwala, maganda ang kalalagyan mo sa Langit at (2) kung wala ngang diyos at wala ring buhay sa kabila, walang mawawala sa iyo kung naniwala ka. 

At ito ang ginawa ni Dimas. Itinaya nya ang kanyang kaluluwa sa isang ideyang baka meron ngang buhay sa kabila dahil wala na syang aasahan sa buhay na kinasasadlakan nya nung mga oras na iyon. Kilala nya ba si Hesus nang sapat para maniwalang siya nga ang Anak ng Dios? Narinig nya ba ang mga aral nito, gaya nung pambatong Sermon at the Mount? Narinig nya ba ang katanyagan nito sa pagpapagaling ng mga ketongin, pagpapalakad ng mga pilay, pagbibigay-liwanag sa mga mata ng bulag, pagpapabangon ng bangkay? Iniisip nya kayang kaya siyang buhayin muli ni Hesus, gaya ng ginawa nito ke Lazaro? O tunay na naniniwala siyang ang ito nga Mesiyas na minsan niyang narinig at nasa hula ng mga propeta sa Lumang Tipan

Ito ang pinakasentro ng aking pagdududa sa motibo ni Dimas ang Penitent Thief. Kahit sa mismong disipulo ni Hesus na kanya pang nakasama at namalas ang kanyang mala-Diyos na kakayahang lumakad sa tubig at magpakalma ng bagyo e meron pang nagdudang sya e bumalik mula kamatayan. (Yup, ikaw Doubting Thomas ang tinutukoy ko.) Ang isa pang magnanakaw na nakatsamba laang na maging crucifixion buddy ni Hesus ang maniwala agad?

Not meant to be homoerotic.
At alam nyo na ang mga sumunod na eksena. Ibinigay ni Hesus sa kanya ang Kaligtasan. Ginawa pa syang santo ng Romano Katoliko at Eastern Orthodox Church. 

Ang Iglesia ni Dimas: Ang Madaling Daan

Kung meron man ritong aral para sa mga taong matigas ang puso sa mensahe ng bibliya, iyon e ang pwede nyo pang ipagpabukas ang pagbabago. Kung hindi solb sa inyo ang ideya ng Kaligtasan base sa inyong mga pari at pastor: pag-aabala sa pagdakila sa Dios ng isang beses sa isang linggo kasama ng maraming mga ipokrito't nakakatamad na balana, pagbibigay ng ikapu o donasyong sana e pinanggagasta nyo na laang sa ibang luho, pagkanta, pagsaulo ng mga dasal at kung anu-ano pang abala, ito ang relihiyong para sa iyo.

Ipinakita na ni Dimas ang pinakamadaling daan, ang loophole at short cut sa Kaligtasan. Pwede kang mamuhay nang gaya ng ginagawa mo ngayon, paporn-porn, patorrent-torrent at kung anuman ang pinagkakaabalahan ng mga taong kagaya mong nagbabasa ng blog ko. Hindi mo kelangang manamit nang pormal, makipagsapalaran sa traffic para makarating sa simbahan nang maaga, mag-like sa Jesus Daily sa Facebook, etc. Ang tangi mong lang dapat tandaan e ang dasal ni Dimas na nakasulat sa bersong ito tinatalakay ngayon. Gagawin mo laang ito sa tuwing pakiramdam mo e ikaw e mamamatay na, gaya ng pagsikip ng dibdib mo matapos mong lumamon ng isang malaking piraso ng crispy patang pulutan mo sa iyong Ginebra. Kailangan mo laang gayahin ang paraan ng pagsambang sinasabi ni Homer sa The Simpsons Movie.
   
" Why can't I worship the Lord my own way, like praying like hell on my deathbed?"   
Pwera na laang kung nagsisinungaling at pinagtitripan laang pala ni Hesus si Dimas.




Saturday, April 12, 2014

Not-So-Obscure Bible Verses #3. Sinopla ni Hesus ang mga Bubaeng Hudyo

Sa mga Katolikong nagkukubol o nagbibisita Iglesia (walang kinalaman sa grupo ni Manalo) tuwing Semana Santa e hindi na kagulat-gulat na mabasa ang bersong ito. Itong bersong ito ang pinagbasehan ng ikawalo (sa luma) o ikasyam na istasyon ng krus. 

Naglalakad si Hesus pasan ang kanyang krus sa burol kung saan sya e ipapako sa krus para mamatay. Tandaaang galing sya sa bugbog at hagupit ng mga Romano, pagod, gulpi-sarado, gutom at uhaw, bahagya nang makagulapay at medyo matagal na ring nagtitiis sa mga nangungutyang Hudyo sa kaniya nung masabat niya ang mga bubaeng Hudyong umiiyak at nahahambal sa nakikita nilang pagpapasakit sa lalaking nagpapasan ng krus. Maaalalang pagdating sa pasensya, meron rin syang limitasyon gaya nung isinumpa niya ang fig tree minsang sya e hindi nabigyan nito ng bunga.

Kilala ba nang personal ng mga bubae si Hesus? O narinig laang nila ang kanyang kakayahang gawing alak ang tubig, magpagaling ng ketongin at magpalakad ng lumpo? O isa syang dayuhang hindi nila kilala, pero kanilang kinahahabagan laang talaga? Basta, nung dumaan si Hesus, sila e napanangis sa habag. 
Kahit siguro kayo kung me makita kayong ganito ang itsura sa labas ng isang ECW ring e mahahambal rin.
Paano nagreact si Hesus sa mga naawang bubaeng Hudyo? Sinabihan nya ba silang okey laang ang lahat? Aba'y hinde. Ito ang kanyang sinabi:  
At mga mukang hindi man laang natititigan...
Alam kong sa puntong ito e stressed out na stressed out na si Hesus at mahirap ang kanyang pinagdaraanan, pero bakit kailangang supladuhan niya ang mga bubaeng ito? Bakit kailangang ibunton itong pagka-bad trip nya sa mga bubaeng naaawa sa kanya? Bakit hindi sa mga Romanong sundalong nambugbog sa kanya? 
O kaya e gayahin sina Cachupoy at Redford White na imbes na magpakitang nasasaktan e tumawa habang tinotortyur.
Ewan ko, kung hindi laang sya ang Mesias, malamang sasang-ayon kayong kakupalan iyon. Heto ang mga bubaeng nakikisimpatya sa kanya at sasabihan nya pa ng gayon. Parang pinapalakpakan ka ng fans mo habang nagsosolo ka sa gitara, tapos e papakyuhan mo pa. Hindi ba pwedeng kumumpas na laang sya't iparating na hindi nya kailangan ang kanilang luha, na parang madyikerong nagsasabing hindi pa tapos ang trick? 

Bagama't mala-kupal ang tiradang ito, mapapahanga ka sa wit ng linyang ito. Pipwede naman nyang sabihing ma maawa kayo sa susunod na henerasyon, pero kailangang ganun pa pagkakasabi. Para syang action star na sa gitna ng palitan ng putok e nagagawa pang magbitaw ng mga badass one-liners. Tandaang  nung sinulat ni Jose Rizal ang kanyang Mi Ultimo Adios bago sya bitayin e meron syang buong gabi para isulat ang first draft nito at i-proof read. Samantalang si Hesus e dun mismo at ora mismo e nakapaglubid ng malulupet na katagang bibitawan. 

Kaya't sya ang sinasamba ngayon ng mundo at si Jose e isang pambansang bayani laang. Aba't teka, sinasamba rin nga pala sya ng kulto ng Rizalista. Pero, kaya bang lumakad ni Pepe sa tubig? 

Nagpapatawa kaya si Hesus o nagpapakamakata nang sabihin niya ito? Bahay-batang hindi nagbunga? Susong hindi nasusuhan? Synecdoche o pagpapalit-saklaw ang tawag sa mga tayutay na ito, pero hanep sa kakwelahan. Dahil hindi sapat ang sabihing mapalad ang mga baog. Nung ako nakibisita Iglesia mga 15 taon nang nakakaran, itong estasyong ito ang napatapat sa akin para pamunuan ang pagbasa ng berso at pagninilay. Pigil na pigil ang pagbunghalit ko ng tawa nung mga sandaling iyon. Hindi laang sya magaling maghimala, magaling rin syang magpatawa.  

Hindi ko alam knug pang-ilan ito sa mga huling sinabi ni Hesus. Pangsampu? Panlabindalawa? Wala akong pakelam kung pangdalawampu ito, pero dapat pahabain ang Pitong Huling Salita ni Hesus para laang maisama itong binanggit nya tungkol sa mga bahay-bata at suso. Anong panama ng 'I thirst' sa hirit nyang ito? Ilang beses bang sinabi ni Hesus na sya e nauuhaw sa buong buhay nya? Napasama laang naman iyon dahil nataong nasasandwich iyon sa "My God, my God, why have you forsaken me?" at "Father, into your hands I commit my spirit." Ano ang panama ng isa pang halibawa ng pagpapalit-saklaw na ginamit nyang sikat na sikat na 'turn the other cheek' rito? 

Hindi lahat tayo e magkakaroon ng pagkakataong makapagsabi ng huling salitang aalalahanin ng ating mga mahal sa buhay, pero sana e meron akong maisip na kasing-astig nito pag dumating na ang aking sandali. 


Monday, November 26, 2012

Not-So-Obscure Bible Verses #2: Mark 2:1-12 WWJD sa Mga Taong Sumisinget?


Narinig ko ang istorya ng nagpagaling ng isang paralitiko si Hesus nung bata pa ako. Meron akong problema sa kwentong ito nung narinig ko ito sa unang pagkakataon sa aking Religion teacher.  
Humayo ka't napatawad na ang iyong pagkakasala, pati na ang pagbutas mo ng bubong ng bahay na 'to.
Hetong sitwasyon: Meron kang sakit. Sabihin na nating bulag ka. Narinig mong sa ibang ibayo e merong nagpapagaling ng mga ketongin, pipi, bingi, lumpo’t bulag. Hindi ka man ganap na makapaniwala dahil marami-rami na ring sumulpot na ‘manggagamot’ noong panahong iyon, gaya ni Yehohanan, e nagkaroon ka ng pag-asang makakitang muli. Sa wakas, ang makakita, magisnang muli ang kagandahan ng sanlibutan, ang masilayang muli ang mga muka ng mga mahal mo sa buhay, makakitang muli ng mga tsiks! (O nga pala, ‘di ko nasabi sa ‘yong nakakakita ka dati at hindi ka ipinanganak na bulag kaya’t alam mo ang ibig sabihin ng makakitang muli.)

Sa aba mong estado, naglakbay ka, at naglakad laang kasama ang isang kamag-anak (na ang tingin sa iyo e pasanin ka laang) dahil hindi pa uso ang jeep noon at mayayaman laang ang nakaka-afford ng mga asno o kabayo. Binuno mo ang alabok sa daan, ang nanlalampasong paso ng init ng araw, ang nakapanlalambot na hininga ng kasama mong kamag-anak dahil hindi pa naiiimbento ang sipilyo noon para makarating sa bayan kung saan narinig mong merong Jesus’ Healing Tour. Nakipagsiksikan ka, nakipagbanggaan sa kapwa mong me sakit, nakipagdikitan ng balat sa mga ketongin, nakipagsigawan, nakipagdumugan, nakipaghamagan para maabutan mo ang naghihimalang si Hesus. At nung malapit ka  nang gamutin at sa tingin mo’y malulunasan na ang iyong pagkabulag, narinig mong merong natutungkab na bubong, napabahin ka sa bumagsak na alikabok sa iyong muka at sinabi ng kasama mo kung ano ang nangyari. “Merong putang inang suminget at nagtungkab ng bubong!"



Tapos ang maririnig mong paliwanag mula sa naghihimala e malakas ang pananampalataya ng lumpong ulupong na iyon na merong pambayad sa apat na lalaking nambutas ng bubong ng may bubong at magbuhat sa kanya. Malamang e mapapabulalas ka ng ganito, "Aba’y kung hooliganismo laang pala ang tanda ng pananampalataya, sana e naghukay ako sa ilalim ng lupa –kung hindi laang ako putang inang bulag!" 


At iyan ang problema ko sa tuwing ako e masisingitan sa pila. Kasi kung iyan ang basehan sa pila, e 'di 'yung pinakagutom na ang unahin sa pila sa handaan o food court. Sa pagkuha ng lisensya sa PRC e unahin na 'yung mga bahagyang pumasa sa mga board exams bilang pabuya sa ideyang mabuti nga't pumasa pa sila. Sa panonood ng sine e unahin ang pinakanumero unong fan ng Hary Potter. Maari ko pang punuin ito ng ilang halimbawa, pero alam nyo na ang punto ko. Ang pila e pila at ang singet e singet. 





Friday, November 16, 2012

Not-So-Obscure Bible Verses #1: Ang Pagkakataong Inabuso ni Hesus angKanyang Kapangyarihan

May pagkakataon kayang si Hesus e nang-abuso ng kanyang super powers? O ginamit niya ito hindi para sa kapakanan ng iba? Alam nating lahat na 'pag ginamit ni Hesus ang kanyang kapangyarihan ito e para tumulong sa iba, gaya nung nagpaparami ng siya isda't tinapay, nagpapagaling ng mga me sakit at bumuhay ng mga bangkay. Pero alam ba ninyong, merong pagkakataong inabuso nya ang isa nyang kapangyarihan para sa isang halamang wala namang ginagawa sa kanya? 

Ayon sa Mark 11:12-14, naglalakad si Hesus at tomguts na sya nung mga oras na yaon. Meron syang nakitang isang fig tree na walang bunga, dahil hindi pa panahon ng fig, hindi pa tagbunga. At sa halip na gamitin ang kapangyarihan niya para pagbungahin ang isang punong wala pa sa uso, isinumpa niya ito na hwag nang magbunga magpakailanpaman. Ang pangyayaring ito e nasaksihan ng mga disipulo nya.

Sabi ng mga bihasa sa bibliya ito raw e simbolismo na me patungkol sa Israel, na noong panahon pa ni Hosea. Bukod sa isang puta, inihambing rin daw kasi itong Israel sa isang fig treeng baog sa Hosea 9:10. At ito raw e simbolo ng pagsumpa ng Dios sa Israel. 

Pero, mabalik tayo sa panahong ito e nangyari. Malinaw na pang-aabuso ito ng kanyang kapangyarihan. Pupwede naman nyang pagbungahin yun. Hwag mong sabihing makakabuhay sya ng bangkay, tapos magpapabunga laang ng prutas na wala sa season e hindi kaya ng powers nya? Tapos, ipapalusot ng mga bible scholars sa na iyon raw e simbolismo sa pamamagitan ng pagturo sa isang berso sa Hosea. Ano ang simbulo run, nakita nya ang Israel na hindi pa handang tumanggap ng kanyang aral kaya't mas mabuti pang baugin na laang? Mga spin doctors nya ang nagpapaliwanag nito sa panahon natin. Sa pagitan ng anti-Semite na mensaheng ito at sa ideyang gaya ng karaniwang taong nato-Tom Jones at nabuset, mas pipiliin ko na ang huli.

Aminin na laang kasing nabad trip sya nun dahil gutom sya. Isinumpa niya ang fig tree sa sobrang pagkaaburido. Walang nakaintindi ng simbolismong iyon kuno sa panahon niya. Ano naging silbi nung inakto nya nung oras na yaon? Wala. Nagmuka laang siyang kupal sa harapan ng mga disipulo nya nung ginawa niya yun. 

Talagang high blood na sya nun sa pagkagutom at ang natagpuan nya pang puno e walang bunga kaya nya nagawa yun. Sa katunayan nga, sa sobrang bad trip nya nung araw na yun, nung nakita nyang me mga nagkakalakal sa isang templo, nagwala siya't pinagtataob ang bawat makita niya. 
Kung meron mang aral na makukuha rito sa bersong ito, yun e "Hwag nyong babadtripin si Jesus 'pag gutom." dahil walang siyang kaliwang pisnging ihahain sa iyo.