Napahilamos nang walang tubig ang muka mo noong napanood mo ang video kung saan sinabi ni Manny Pacquiao na
mas masahol pa sa hayop ang mga taong pumapatol sa kapwa nilang kasarian. Ito ang reaksyon mo dahil para sa isang laging absent na congressman at papalaos nang
boksingerong nangangailangan ng boto ng madla, hindi mo inaasahang masasabi nya
ito dahil mahirap bumangga sa isang grupong me kakayahang makapagbigay ng boto. Lalo na kung ito e LGBT dahil nagkalat ang galamay nito sa media,
mula balita, showbiz at mga nagpipilit na magpaganda ng kanyang inang merong shotang bata.
Bagama’t hindi ka naman lalakwe,
garutay, badaf o tibo, meron ka namang kakayahang umintindi at makisimpatya sa
mga kapwa mo taong ang pinagkaiba laang naman sa iyo e mahilig silang
magpompyang o makipag-espadahan. Isa rin sa ikinakagulo ng iyong bulbol e ang
ideyang ang isang tumatakbo sa senado e hindi man laang nakakaalam na meron ring homosexual activities pati sa
mga hayop dahil akala mo e alam iyon ng bawat karaniwang Jhon Jhon at Jhenz
dela Cruz na nakatungtong ng haiskul.
At nagpahayag ka ng iyong saloobin
sa comments section kung saan mo napanood itong video. Ibinahagi mo rin ang
video sa iyong FB o Twitter at ibinahagi ang butil ng itinuturing mong
karunungan para ipagtanggol ang itinuturing mong naagrabyadong LGBT. Nabaitan ka sa sarili mo dahil nagpakita ka ng malasakit sa isang
grupong sarili laang naman nila ang iniisip at nagsasalita laang kapag merong
naagrabyadong kauri nila, tungkol man sa diskriminasyon ang isyu o hinde.
Pero,
nahulog ka sa kinauupuan mo at nabura sa muka mo ang iyong ngiti dahil lumalabas na maraming Jhon Jhon at Jhenz dela Cruz pala ang sumusuporta sa mga
sinabi ni Pacquiao.
Para sa kanila e walang masama sa
sinabi ni Pacquiao dahil nakasaad ito sa bibiliya at oo nga, walang bading sa
mga hayop. Kontrolin mo ang sarili mo, hwag mong sagutin pa ang kanilang mga
pahayag, tiisin mo ang nangangating pangangailangan mong magwasto ng pananaw o
maling pagkakaintidi ng iba. Bagkus, ikaw dapat ang umintindi dahil…
1. Kahit anong paliwanag ang
gawin mo sa pagkontra sa nakasulat sa Bibliya e hindi tatalab.
Parang balang tatalbog sa dibdib
ni Superman ang kahit anong lohikal mong paliwanag sa mga taong itinuturing na
ang Bibliya ang walang-dudang Salita ng Dios. Para sa mga ito, noong unang
panahon e minabuti ng Maylalang na tumayo sa kanyang kinauupun, sumulyap mula sa mga ulap ng kalangitan para
magdikta ng kanyang pahayag, utos, opinyon at nakakaaliw na mga kwelang kwento.
Ang iba’t ibang ghost writers na taong pinili mismo ng Maykapal, mula sa kanyang
pagdidikta, e isinulat ang lahat ng ito nang walang dagdag, walang bawas. Para
sa mga fans ng book club na ito e literal na salita iyon ng Panginoon at hindi
ito akda ng mga sinaunang taong naghahanap laang ng paliwanag kung bakit merong
mga taong nangingisay na laang basta nang walang dahilan. Para sa mga manunulat na ito
e ang mga taong ito e sinasaniban ng demonyo. Iyon e dahil ang 'sanib ng demonyo' ang pinakamalapit na translation
na naisip nila para sa epilepsy.
|
Pinagpala ang mga bahay-bata na hindi nagbunga at mga uso na hindi nasusuhan. - Luke 23:29 |
Pag sinabi nating literal, ang
ibig sabihin noon e naniniwala sila sa mga kwentong nakasulat sa Bibliya, gaya
ng bangkay na bumubuhay ng bangkay, panot na propetang nagpatawag ng oso para rumesbak sa mga batang nang-asar sa kanyang pagkapanot, ang lipon ng mga
nagsibangunang bangkay noong si Hesus e bumangon raw sa kamatayan at iba pang
kababalaghang karaniwan mong mababasa ating panahon, gaya ng Harry Potter at
mga Marvel at DC comic books e literal na nangyari. Literal o tunay, gaya ng mga natutunan mo sa aklat ng kasaysayan.
Kaya’t inyong intindihing
kinasusuklaman nila ang mga lalaking nagpapaoros dahil nakasaad ito sa
Leviticus 18:22 at 20:13, ang siya rin mismong libro sa Bibliya kung saan nakasaad na bawal
rin ang magpatato (19:28), mangalunya (20:19), magsuot ng polyester (19:19), kumain ng hipon, pusit at
alimasag (11:12). Dahil nakasulat rin ito sa mismong libro kung nakasaad ang batas sa bakla, iniisip mong dapat e parusahan rin ang mga lalabag sa mga pinagbabawal sa mga nakasaaad na bersikulo sa itaas. Huwag ka nang magpumilit dahil mali ka ng intindi sa mga bersikulong ito. Mali ka dahil:
- hindi ka kaanib ng book
club nila kaya't hindi mo naiiintindihan ang konteksto ng panahon noong ito e
isinulat dahil hindi mo napapakinggan ang mga aral ng pastor nila.
- kulang ka sa pananampalataya.
- metaphorical
laang ang lahat ng ito.
Ito ang dapat mong tandaan at intindihin: Ang Bibliya e literal na salita ng Dios. Na minsan e metaphorical, depende kung umaayon sa norm ng panahon kung kelan ito binabasa ng mga fans ng book club na ito. Kung nakakahiya, gaya ng pagpayag sa pang-aalipin (Exodus 21:1), metaphorical. Kapag hindi nakakahiya at magandang pakinggan, literal.
Subukan mong tanungin ang katoto
mo nito. Dapat ba nating isabatas ang parusang kamatayan para sa mga batang
minumura ang kanilang mga magulang dahil nakasaad ito sa Leviticus 20:9?
9 For every one that curseth his father or his mother shall be surely put to death: he hath cursed his father or his mother; his blood shall be upon him. - Leviticus 20:9
Kapag ang sagot nila e OO, isa syang mabuting Kristyanong
sinusunod laang ang nakasaad sa Bibliya. Kapag ang sagot nila e HINDI, ito e dahil metaphorical laang
ang lahat. Kaya't walang maling sagot kundi ikaw ang mali dahil hindi ka naniniwala sa Bibliya.
At dahil naniniwala nga silang ang Bibliya ang literal na salita ng Dios, hindi gagana sa ang ideya ng merong same sex marriage sa kanila dahil ang kanilang kinatatakutan nang todo e ang mapagaya ang Pinas sa Sodom at Gomorrah. Para sa kanila, kapag idinutdot mo ang uten mo sa wetpaks ng bakla, mapopoot ang Dios at manggugunaw sya ng bayan o bansa. Oo, dahil laang isinusuksok sa maling butas ang mga ari.
Bukod sa hindi mo naiiintindihan ang dalawang antas ng pang-unawa sa Bibliya (literal at metaphorical), hindi mo rin nauunawaan na kapag sinabi nilang hayop, ibang uri ng hayop ang pinag-uusapan mo at nila dahil...
2. Kakaiba ang pagkakaintindi nila sa hayop.
Ito e dahil iba ang konsepto ng hayop sa Bibliya. Walang pinagkaiba sa kung Bikulano ka at ang ibig mong sabihin ng salitang 'ayam' e aso at meron kang kausap na Indonesian na ang 'ayam' e manok. Kaya't kapag sinasabi mong takot ka sa 'ayam', ang iniisip ng kausap mng Indonesian e ikaw ang chicken dahil takot ka sa manok.
Kung
ano man ang intindi mo sa hayop, e iba ang sa kanila. Ang paniki para sa iyo na isang
mammal, e ibon sa Bibliya.
|
Ibon man iyan o mammal e hindi ko kelangan ng bible verse para hwag itong kainin. |
Pag binalikan mo pa sa Genesis e
makikita mong sa simula pa laang e nalilito na sila kung ano nga ba ang hayop.
Ni hindi nga malinaw kung kelan sila nilalang. Bago ang tanong sa manok at itlog, mas
nauna nang tanong kung alin ang naunang nilalang, ang manok ba o ang betlog ni Adan?
Parang lasing lang kasi ang
sumulat ng Genesis. Nung idinidikta ng Dios sa kanyang ghost writer ang kwento
ng paglalang, sinabi nya sa unang kabanatang hayop raw ang una nyang nilalang,
pero sa susunod na kabanata naman e si Adan. Para kang merong kinakausap na
batang nakabasag ng vase at nagbabalu-baluktot ang istorya. Sa tuwing
tatanungin mo e merong bagong version kung paano ito nabasag.
|
Faith ang sagot. |
Sa Genesis pa rin, sa kwento ng
The Fall of Man, e merong nagsasalitang ahas na tumukso ke Ebang kainin ang
ipinagbabawal na prutas. Sa Bible Universe, kakayanin ng ahas na lumikha ng boses na gaya ng sa tao kahit magkaiba ang anatomy ng vocal cord ahas at tao. Bukod run, pati ang isang
asno e nakapagsalita rin para manakot ng isang tao sa isang kwento.
Sa mga susunod na kabanata matapos ng kwento ni Adan at Eba e mababasa
nating napagkasya ang lahat ng mga hayop sa mundo, dalawa ng bawat uri nito sa
isang barkong nilikha ng isang 600 anyos na lalaki at ng mga kamag-anak nito.
Kanilang pinaniniwalaang ang mga herbivore, carnivore, omnivore, at iba pa e
nagawa nilang pagtabi-tabihin nang hindi naglalamunan, nagkakapisatan at
nagkakamatayan.
|
Maning-mani ang Math puzzle na ito ke Noah na nagawang pagsama-samahin ang lahat ng hayop sa mundo sa iisang Arko. |
Sa Bible Universe, pipwedeng magkasundu-sundo muna ang lahat ng hayop, maging ito man e aso, pusa, leon, tigre, polar bear, alakdan at matsing. At handa silang maglakbay mula Middle East papuntang Australia at North Pole at doon manahan matapos ng Baha.
Sa Bible Universe rin e nagawang magparaming muli ng mga ito na ang gamit laang e tigagalawang hayop (na ni isa e walang bakla, take note) sa bawat uri. At dahil dito ang mga giant panda e hindi itinuturing na endangered species dahil hindi mas mababa sa isa (1) ang bilang nito.
Teka,
pati nga pala ang mga dinosaurs e umabot sa panahong ito ni Noah. Pinaniniwalaan ng mga itong ang dinosaurs e
nabuhay nang kasabay ni Eba at Adan at umabot pa ke Noah. Sumakay rin sila sa Ark. O baka naman hindi sila nakasakay kaya sila
na-extinct? Tanungin mo ang pastor ng kaibigan mo
dahil hindi ko rin kayang unawain ito.
Mapapansing ang pang-unawa nila sa nature
ng hayop e iba sa natutunang nature ng hayop sa mga aralin natin sa Science
noong elementarya. Kaya’t inyong intindihing hindi nila alam na ang mga hayop e
meron ring mga homosexual.
Hwag nyo na silang bigyan ng
links ng scholarly articles na nagsasaad nito dahil wala itong binatbat sa
nag-iisang librong pinakamahusay sa lahat at hindi nila babasahin iyan.
Nakakatukso mang padalhan mo sila ng links ng mga lalaking kabayong kumakasta
ng lalaking asno e huwag nyo nang gawin dahil ito rin ang sasabihin nila:
- E ano ngayon kung me mga baklang hayop? Dahil ginagawa ito ng mga hayop, gagayahin na natin?
- Baket, nagpapakasal ba ang mga hayop?
- Ikaw pala ang eksperto ng mga sex ng hayop, mukang marami kang karanasan a.
- E di ikaw, kumasta ka ng hayop.
At kung anu-ano pang malayo sa putukang hirit, samantalang ang sinasabi mo laang naman e mali ang pinagbasehan ng punto ni Manny Pacquiao na hindi marunong makipagtalik sa kapareho nilang kasarian ang mga hayop dahil kahit sa simpleng galugod sa Youtube laang e meron nang magsisilabasang gay dogs, gay horses, horse mating with donkey, atbp.
Sa huli kapag nilimi-limi mo, isang pag-aaksaya laang ng panahon ang makipag-argumento sa mga taong ito dahil hindi mo sila matitinag sa kanilang posisyon. Inaasahan mo bang ang mga taong naniniwala sa Bibliya bilang literal na salita ng Dios e mapapahinuhod sa salita ng isang tao sa FB? Dios! Sino ka kumpara sa kanilang Dios? Neknek mo.