Dios ko, nawa'y dinggin ng Inyong Malambot na Puso ang aking panalangin. Nawa po'y itulot ng Inyong Mahabaging Kalooban na ako'y mabiyayaan ng mahabang buhay. Nawa'y umabot ako sa edad ni Matusalem at maunang lahat ng aking mga kakilala sa pagharap sa Iyo, Panginoon. Upang sa ganoon po e walang mga putang inang pupwesto sa harap ng aking kabaong para merong maipost na picture sa Facebook!
Ano ba ang ethical, selfie o magpalitrato sa namatayan? |
Namatay ka na nga, gagawin pang harapan ng Starbucks ang kabaong mo't doon magkokodakan. Ang iba e seryoso ang muka, ang iba e nakalawit pa ang dila. Di na ako magtataka kung merong magagandahan sa kanilang sariling muka't ika-crop ang picture para gawing profile pic. Babale-walain na kung ang background e kabaong. Tutal 'pag nilakihan nga naman ang picture e magiging isang brown na laang ang background at hindi na halatang ito e isang furniture na galing kina Cenizal.
Lahat na laang ba ng pupuntahan ng mga tao ngayon e dapat kunan ng litrato? Lahat ba dapat idokumento? Bawat aktibidades? Wala na bang ituturing na taboo (hindi 'yung classic na bold na pelikula) o untouchable? Sige, pagbigyan na ang bertdey, binyag, kumpel, kasal, pagkaen, 'unboxing' (rolls eyes, merong araw rin sa akin itong isa pang ito), atbp. Pero, pagkamatay? Hindi ba pwedeng igalang ang isang ito? Ibalato na sa mga kamag-anak man laang.
Kaso minsan, mismong kamag-anak pa e. Nakakita na nga ako ng nagpost ng larawan ng huling sandali ng kamag-anak nila sa ospital e. Ewan ko kung curious laang sila kung lilitaw sa litrato ang kaluluwa ng tao. Baka naghahanap ng patunay na meron tayong kaluluwa?
Dahil wala akong permisong ilagay ang mismong larawan ng nakita kong nalagutan ng hininga sa FB, magtiis kayo sa isang reenactment sa isang pelikula. |
Meron namang ibang paraan para magpost na yumao na ang kanilang kamag-anak sa paraang merong taste, 'yung hindi mahalay. Siguro, larawan ng yumao noong sila e buhay pa? Kung me kakayahang magsulat nang matino, sumulat ka ng anekdotang pupukaw sa damdamin ng mambabasa. Kahit na ang resulta nito e makalakap ng likes. Heto pa pala ang isa: sinabi mo na ngang namatayan ka na, nila-like pa. Like nilang namatay ang isang mahalagang tao sa buhay mo?
Na-riding in tandem ba ang lolo mo? |
Ewan ko kung ako laang ang apektado sa pausong ito ng ibang nagfe-Facebook. Iyon bang mga ganoong uri ng tao e merong permiso sa namatay na pwede nilang gawin iyong magpo-pose sa harap ng kanilang kabaong at magpalitrato? At ii-Instagram pa o FB? Humihingi man laang ba sila ng permiso sa mga kamag-anak ng namatayan, gaya ng asawa o anak nito? Kahanga-hanga ang kapal ng apog ng makakagawa nito.
"Ekskyus mi po, pwede po ba akong magpakodak saglit sa harapan ng inyong asawang kamamatay laang sa isang aksidente? Sori? Hindi ko po maintindihan ang sinasabi nyo sa gitna ng mga hikbi't palahaw nyo dahil sa hindi inaasahang pagpanaw ng inyong asawa. Pwede hong tumahan muna kayo nang saglit nang tayo e magkaintindihan. Papalitrato po. Pwede po? Tenk yu po."
Ang iba e mismong muka pa ng namatay ang ibino-broadcast sa FB nila. |
Kung kelangan nyo ang larawan ko para makadiskwento sa tiket sa eroplano, papayag ako dahil nakakaintindi ako ng kuripot. |
Nililinaw ko na ngayon habang ako e buhay pa: BAWAL PO ANG MAGKODAK SA AKING LAMAY. Oobligahin ko ang sarili kong maging multo't bumalik sa lupa ng mga buhay para bweltahan ang lahat ng magpapalitrato.
Kung hindi man mapagbigyan ang dasal kong ito, gusto kong ipahayag sa lahat na makababasa nitong mas mabuti pang walang pumunta sa lamay ko, kesa magpalamay ako. Ibalot nyo ako sa banig at itapon na laang sa ilog.