Friday, November 2, 2012

Pagpapasimuno ng Palakpakan


Alam ninyo kung ano ang isang masarap gawin? Magpasimuno ng palakpak. Lagi itong nangyayari. Hindi naman sabay-sabay na nagtitinginan ang mga tao at bumibilang ng ‘one.. two.. three’ bago pumalakpak. Merong nangunguna nito. Minsan lumingun-lingon ka, baka isang kalbong me balbas ang nagpasimula sa grupong kinalalagyan mo. Maliban na laang kung bahagi ka ng isang live audience ng isang noon-time show walang maghuhudyat sa inyong magsimula ng palakpakan. Merong isang taong me lakas ng loob na magsisimula nito. 

Ano nga ba ang ibig sabihin ng pagpalakpak? Ayon sa wikipedia, ito ay isang expression of approval at isang non-verbal mass approval. At ito ang dahilan sa isang high na natatanggap ko sa tuwing ako ang nagpapasimuno ng palakpakan. Dahil ibig sabihin nito, ako ang nagpasimuno ng isang mass approval sa isang sinabi o ginawa ng isang tao. Kumbaga, ikaw ang unang naka-appreciate ng kanyang sinabi o ginawa. Para na ring ikaw ang unang nakatuklas ng isang cool na obscure na rock album na ngayon e pinagpipiyestahan ng mga kaibigan mo.

Una ko itong ginawa sa isang mass baptism nung fiesta ilang taon na ang nakakaraan. At ang mga tao e napapagaya talaga ‘pag me pumapalakpak. Human nature ito. 

Sa isang gathering o event e laging merong ganitong pagkakataon para magpakita ng pagsang-ayon o paghanga sa pamamagitan ng palakpak: pagkatapos ng isang opening remark sa isang event, sa isang valedictory address, sa isang talumpati ng kandidato sa eleksyon, sa isang sayaw ng mga preschool na anak ninyo o ang paghahalikan ng mga ikinakasal. Marami pang pagkakataong nagsisipalakpakan ang mga madla. Ipapaputol ko ang braso ko kung ni isang bes e hindi kayo napapalakpak dahil lahat e nagpapalakpakan.  
Sa susunod na mapapunta kayo sa isang handaan, conference, seminar o anumang pagtitipon, subukan ninyong magpasimuno ng palakpak, gaya ng ginagawa ko. Kalimutan na ninyo ang mga araw na kayo'y isang bulag na tagasunod sa isang masigabong palakpakan. Maging pasimuno ng masigabong palakpakan!  

Tips sa Pagpapasimuno ng Palakpakan:

Unahan laang iyan. Makinig at magmasid sa nangyayari. Mahuhulaan mo kung kelan ito mangyayari. Ito ang mga sitwasyong sigurado kang makukuha mo ang madla na sumang-ayon sa iyo’t makipalakpak dahil ito ang mga karaniwang hinahangaan at kinatutuwaan ng madlang pipol. Halimbawa: 
  • Sa isang valedictory address na Inggles, sa oras na mag-Tagalog ang valedictorian, karaniwan e isa iyong biro o isang napakahalagang mensahe 
  • Sa isang talumpati ng kandidato, sa oras na banggitin niya ang kalaban o ang administrasyon
  • Sa isang konggregasyon ng mga reliyoso, 'pag nagsabi na ng "Amen" ang pastor o lumalakas na ang boses nya 
  • Anumang sasabihin ng boss mo sa inyong meeting
Pag nakita mo ang mga sitwasyong ito, pumalakpak ka kagad bago maunahan ng iba. Dapat me pulso ko sa nangyayari at mahirap mang gawin, dapat nakikinig at nagmamasid ka sa nangyayari sa imbes na ikaw e nakatanghod sa iyong mobile device.


Lalo na't pag bagut na bagot ka nang tawagin ang kamag-anak mo, masarap magpasimuno ng palakpak.
Dapat merong yagbols ang palakpak mo. Ang isang half-assed na palakpak o nahihiyang palakpak e hindi makakakuha ng simpatya sa iba. Dapat malakas ang iyong palakpak. Kung kelangan mong pagpraktisan ‘to sa libre mong oras (at alam kong meron kang libreng oras dahil nag-aaksaya ka ng panahon sa blog ko), mas makabubuti. 

Pero, dapat tama ang timpla mo. Kapag napasobra naman ang lakas e baka magmukang over ecited ka’t mapalingon sila sa ‘yo’t mapaisip na parang me sira sa madla. Tamang timpla ang susi. Pag nakuha mo na ang tamang lakas ng palakpak mo, ang dapat mong pagtuunan ng pansin e ang ritmo ng palakpak mo. 

Ang pinakamagandang halibawa nito e ‘yung ke jaime Fabregas sa Kamagong nung pinalakpakan niya si JC Bonnin sa kanyang pag-eensayo ng arnis, sabay anunsyo ng, “Su-per-yor! Su-per-yor!” Pero, hwag muna kayong babangka ng “Su-per-yor! Su-per-yor!” kung beginner level pa laang kayo at mahirap pangatawanan ang ganyang klase ng pag-epal.
"Kelangang puno ng conviction ang palakpak mo. Kung hindi, hwag ka nang umepal." -Jaime Fabregas sa set ng 'Kamagong'
Kapag nagawa na ninyo ito nang ilang beses, mga lima-sampung beses, sundan ninyo ang mga yapak ko sa tinatawag kong Extreme Clapping Experience. Mas malakas ang high, mas mataas ang rush, mas malupet ka ‘pag ito ang iyong nagawa. Ang pumalakpak sa mga hindi inaasahang sandali ng isang event. Yung mga inilahad kong sitwasyon kanina e mangyayari kahit hindi ka magpasimuno. Kaya't parang hindi ka rin pasimuno nun. Para magawa ninyo ito, simulan ninyo sa basic-situation clap. Ilalagay nito sa mood ang madla para pumalakpak sa mga susunod na pagpalakpak ninyo. At kapag nasa palad na ninyo ang madla, susunod ang mga siliw sa susunod mong palakpak, kahit na wala namang kwenta ang sinabi ng speaker. 


At kapag namaster na ninyo ito, gawin ninyo ang kasalukuyang pinagdadalubhasaan ko: magpasimuno ng standing ovation. Simulan nyo ito sa tinatawag sa Hollywood na slow clap. Ito 'yung mga pinakamataas na uri ng pagpalakpak at pagpapakita ng paghanga sa isang matapang at makapanindig-balahibong sandali sa isang pelikula, na kalimitang inilalaan sa pagtatagumpay sa gitna ng matinding paghihirap, gaya nung nanalo si Rocky sa Russia sa Rocky IV. Pag nagawa nyo ito, papalakpak pati pwet ko. 


3 comments:

  1. Maganda 'tong obserbasyon mo tungkol sa palakpak hehe. Ako naman, minsan napipilitan lang pumalapak kawawa naman kasi ang speaker kapag wala man lang pumalakpak sa kanya. Ibig sabihin ay walang naka-appreciate habang nagsasalita siya.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Lalo na kapag nagpatawa ang speaker at walang kumakagat. Nakow!

      Delete
  2. Ang korni kasi minsan ng patawa nila hehe

    ReplyDelete