Saturday, August 3, 2013

Foodography 101: 5 Bagay na Dapat Nyong Malaman sa Pagkuha ng Litrato ng Pagkain Ninyo


Sa mga Facebook 'friends' nyo, hindi maaring mawalan ng mga taong magpopost ng mga kung anu-anong pagkain nila. Hindi ang mga food bloggers ang tinutukoy ko, kundi yung mga taong kumukuha ng larawan ng pagkain nila, ia-upload saFacebook. Bilang 'friend' na makakakita nito e mapapakamot ka ng ulo para intindihin kung ano ang saysay nito. "Bakit sya naglagay ng picture ng tinola?" 

Hindi gaya ng mga food bloggers na naglalayong magreview ng pagkain para malaan mo kung saan magandang kumain o magdala ng date, ang mga foodographers na ito naglalagay laang ng pics ng mga pagkain para sa mga misteryosong dahilang hindi ko pa rin maintindihan. 

At ngayon ko laang natuklasan ang lahat at hayaan nyong ibahagi ko sa inyo. Kasalukuyan tayong nag-eevolve bilang human species. Nag-eevolve ang ating digestive system, gaya ng nasa larawan:  



Kaya pala malimit hindi ako matunawan ng pagkain dahil hindi ko nasusunod nang tama ang proseso ng digestion. At kung kayo e katulad ko rin at gusto nyong sundan ang tamang paraan ng pagkain, makatutulong na sundin nyo ang mga alituntuning ito.

O kung kayo e natutunawan at ang gusto nyo laang e ang makiuso at ngayon ka laang nakadampot ng camera at naka-online, hayaan mong gabayan ko kayo sa mga dapat nyong tandaan bago magpost.

1. Dapat e sarili ninyong pagkain ang ipopost ninyo.

Hindi maiiintindihan ng mga FB-tizens ang isang post ng picture ng pagkain kung hindi ito sa iyo. Hindi pipwedeng litrato ito ng katabi mong ang inorder e iyong mga mahal na pagkain sa menu. Kung ang inorder mo e isang tasa ng mainit na tubig lang para sa iyong Maggi Bouillon Cubes gaya sa isang 80s na patalastas, iyon dapat ang kunan mo ng litrato, hindi ang nasa kabilang mesa.

Kasama na rin rito ang mga nakadisplay na pagkain sa istante, larawan sa internet at larawan ng larawan mismo ng pagkain sa menu. Dapat ang kunan mo e ang mismong ilalaman mo sa sikmura mo.

2. Ang mga pinopost na pics ng pagkain ay dapat bago.

Kung napapatawad ng mga FB-tizens ang mga late post kung meron nakahashtag na late post (o #latepost o #sorrylatepost), ang isang lumang post ng picture ng pagkain e frowned upon. (Pwera na laang kung ang intensyon mo e isang #ThrowbackThursday.) Mapagbibigyan ka nila sa iyong post ng isang bagong luto mong pagkain, ng kakainin mo sa isang restawran o handaan, kung ito e bago mo kainin, pero pagtataasan nila ng kilay ang isang post ng pic ng isang pagkaing tatlong linggo na ang lumipas. Masyado pang maaga para isali ito sa #ThrowbackThursday. Para ka laang nagpapahili pag ganun, pero kapag bagong post, naiiintindihan nilang ‘Uy, kakain ng masarap si Jerboy!’

Ang aking tanghalian

3. Dapat e gandahan ninyo ang presentasyon ng inyong mga larawan.

Dahil nagpopost kayo ng pagkain, dapat gandahan ninyo ang kuha ninyo. Makukuha ito sa anggulo, tamang paggamit ng liwanag at konting retoke, gaya ng Instagram (hindi instant gram, ika nga ng isang matanda kong kaibigan). Maraming mga libreng app para mapagmuka mong pagkain ang mga basurang isinasaksak nyo sa katawan ninyo. Gamitan ng iba't ibang filter para gumanda itsura. Kahit isang pritong itlog, ‘pag kinunan nang mahusay e magmumukang galing otel.

Gaya ng tao, meron ring photogenic na pagkain at merong panget kuhanan ng litrato. Ika nga ng katoto kong si Acton De Ocampo, hindi photogenic ang kare-kare kung wala sa palayok kaya’t hinay-hinay laang sa zoom kung ayaw nyong mapagkamalang naghahanap kayo ng pinakamalapit na branch ng Malabanan.

Buti na laang merong gulay na sahog ang kare-kare, kundi magmumuka itong huling step sa digestion.


4. Ang pagta-tag ng picture ng isang pagkain sa mga taong hindi kasama sa inyong lakad e maaaring makalikha nghidwaan.

Naenjoy nyo ba masyado ang pagkain nyo? Sobra ba kayong enjoy na sa tingin nyo e pati ang mga hindi kasama sa lakad e dapat tina-tag para ibahagi ang inyong kaligayahan? Minsan, maaring iba ang dating nito sa ita-tag ninyo. Baka mapagkamalang nang-iinggit laang kayo.

5. Nagmumuka kayong engot sa tuwing kukuha kayo ng litrato gamit ang mga i-Pad nyo, pero sulit naman.

Ito ang itsura ng mga kumukuha ng picture gamit ang i-Pad.

Hindi pa ako nakakakita ng taong hindi nagmumukang ulaga sa tuwing magkukuha ng litrato gamit ang mahiwagang salamin, este, i-Pad, lalo na’t mga pagkain ang kukunan. Sa hugis at laki pa laang ng i-Pad e alam nyo nang isinaksak laang ang feature na camera kahit alangan dahil ayaw nilang mapag-iwanan ang kanilang gadget. Sigurado akong nung iniimbento ng Apple ang i-Pad, hindi nila gustong isama ang camera dahil napahirap gamitin nito sa paglilitrato. Nasubukan nyo na bang magkuha ng litrato gamit ang i-Pad? Pero kahit ganito ang kanilang paniniwala, isinama nila ito dahil gusto nilang ipagmalaking lahat e kayang gawin ng isang Apple at alam nilang kahit anong kalokohan, basta’t lalagyan nila ng Apple logo e tatangkilin ng mga Apple users. Syempre, damay na rin dito ang iba pang mala-i-Pad na produktong kamuka nito ang hugis at laki.


At ganito naman ang itsura ninyo pag nang-a-i-Pad kayo ng pagkain nyo.
At nagmumuka rin kayong ulaga pag inilabas nyo ang mamahalin nyong camera na merong malulupet na lens. Alam nyo itsura nyo sa tuwing kukuha kayo ng litrato gamit ang mga fancy-schmancy ninyong cameras? Para kayong taga-press na nag-aabang ng paglabas ng mga sikat na artista sa isang red carpet event, pero sa imbes na taga-press, kayo e kayo; sa imbes na artista, e pagkain; at sa imbes na red carpet event, kayo e nasa isang sulok ng restawran na malapit sa banyo dahil hindi kayo nakapagreserba ng mesa. Ang problema pa sa paggamit ng mamahalin nyong camera e hindi nyo agad ma-upload ang pics nyo at baka ma-late post kayo nang hindi sinasadya.
"C'mon, work with me, baby. Give me fierce."

1 lke = isang sapok sa muka ng kupal na ito.
Good news foodographers! Merong inimbentong camerang kinabitan ng internet para mai-unleash, este, upload sa FB ang inyong foodography!

Para sa mga atat mag-upload at hindi na makakahintay umuwi ng bahay at maglipat ng files.

Pero, tandaang sulit naman ang lahat pagkatapos. Ang produko ng inyong larawan ay panghabambuhay nang maiiwan sa inyong FB para makita ng madla dahil meron kaming pakialam kung ano ang kinakain nyo. Now, you're ready to click and chow!

Related posts: 





10 comments:

  1. Come on. OA ka naman makabanat. Walang sinoman sa buong mundo ang pwedeng magtalaga ng mga bagay na dapat mong gawin kung wala ka namang batas na nilalabag. E ano kung magpost siya ng pritong itlog? Ano'ng pakialam mo? E ano kung mahilig siyang kumuha ng litrato ng pagkain? Ano'ng pakialam mo?

    Itanong mo sa sarili mo, ano nga ba ang pakialam ko? Kung wala, e tumahimik ka. Dahil ikaw ay isang tao lang din. Katulad nila na tao lang din.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Magandang punto ang sinasabi mo: kung walang nilalabag na batas, bakit hindi na laang hayaan? Gaya ng pagbablog ko.

      Delete
    2. Katulad ng punto mo: kung wala akong nilalabag na batas, ano'ng pakialam mo kung magcomment ako sa puro kabobohang artikulo mo?

      Delete
    3. Katulad ng punto mo: Anong masama kung sumagot sa comment mo kung wala naman akong nilalabag na batas? Nakikita mo kung paanong dun iikot lahat ito sa 'walabg nilalabag na batas' at ideya ng 'walang pakilaman' na pinapamuka mo? Sa katunayang nababasa mo ang comment mo rito at hindi ko binubura, ibig sabihin nun binibigyan kita ng layang isulat ang gusto mo.

      Delete
    4. Bago ka kasi manghusga ng kapuwa, lagi mo'ng iisipin, ito ba ay nakakatulong o nakakasira ng kapuwa ko?

      Doon pa lang sa tanong na 'yan, baka magdalawang-isip ka na kung magpo-post ka pa ba ng mga kabobohang tulad nito.

      Ngayon, kung gusto mo naman na i-ignore ang suggestion ko, aba'y ikaw na! Ikaw na ang pinakamatinong tao sa mundo na hindi nakakagawa ng pagkakamali at hindi nakakagawa ng mga bagay na tulad ng naka-post dito.

      Delete
  2. Para sa isang taong tinawag akong tanga ng ilang ulit, papangaralan mo ako tungkol sa panghuhusga? Kung hindi rin kaipokrituhan iyon, e dapat mag-imbento tayo ng bagong salita. Pag meron akong pagkakamali, pinagtatawanan ko rin ang sarili ko – gaya ng sinulat ko sa mga peklat ko.

    Butthurt ka namang masyado... Hehe. Ito ba e dahil Dhan ang palayaw (nickname) mo at nagkukuha ka ng litrato bago kumain kaya bumubula ang bibig mo sa galit?

    Easy… Baka atakihin ka sa puso. Isang kiliti laang ito para sa mga merong ganitong ugali sa Facebook. Kung wala kang nakikitang masama sa pagkuha ng litrato bago kumain, e 'di, kalimutan mong sinasabi rito at magpatuloy ka sa gawi mo. Masaya ka namang gawin 'yon, 'di ba, bakit ka papaapekto? Kung nasasaktan o nahihiya ka at nakikita mong parang walang saysay o nabababawan ka, e 'di itigil mo. Simple. Move on.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Heto ang tanong ko rin sa iyo: Kung talagang simple lang ang sagot sa mga tanong, bakit di mo rin pinigilan ang sarili mo na punahin ang mga tao sa gusto nilang gawin? Kung gusto nilang magpicture-picture ng itlog e bakit di ka tumahimik ang mag-move on?

      Butthurt ka rin?

      Delete
  3. For the record: Akin yung itlog. Yung larawang iyon e kasunod ng "Kakain ng masarap si Jerboy." Then, photo with caption: "Aking tanghalian". Kung isa sa pinagmumulan ng pagkalito rito ang ideyang nililibak ko ang mga kapus-palad na itlog laangh ang kinakain, e hindi iyon ang intensyon.

    Yung mga nagkukuha ng litrato ng kanilang pagkain e patuloy pa ring nagkukuha ng litrato. Kapag meron akong kaibigang gustong gawin iyon, hinahayaan ko lang. Ang ginawa ko lang naman e iprisinta sa madla ang opinyon ko sa isang sumusulpot na habit na ito. In the end, kanya-kanya lang ng gawi. Nagkukuha pa rin ng litrato ang mga kaibigan ko sa tuwing kakain kami sa labas - kahit na nahihiya ako - at ako naman e nagkasya na laang sa pagsasabi nito sa aking blog. Di ba't patas lang lahat?

    ReplyDelete
  4. Jerboy, okay, may point ka. Sige tatanggapin ko.

    Pero, hindi lang maganda para sa akin itong caption mo sa isang image , "1 lke = isang sapok sa muka ng kupal na ito." You've crossed the line here.

    But anyway, sabi mo nga, opinyon mo lang. So ano magagawa ko?

    ReplyDelete
  5. Salamat. At least, magkaiba tayo sa opinyon sa bagay na ito e nagkakaintindihan tayo. Sa tingin ko baka blogger ka rin. Feel free to drop your link on any post here if you feel it is related to yours.

    ReplyDelete