Tuesday, October 9, 2012

Tribute sa Hagibis at ke Sonny Parsons (o ang Kapestehan ng K-Pop)


Habang nanonood ako ng music video ng isang K-Pop na grupo ng mga lalaki, napakamot ako ng aking kalbong ulo’t napaisip: Ano ang nangyayari sa mundong ito? Kailan pa nagsimulang maging ganitong uri ng mga lalake ang mga gusto ng kababaihan ngayon?
Kahit si Eric Quizon sasabihing bading na bading 'tong mga 'to
Sa metrosexual bullshit malamang nagsimula ito, sa fashion-fashion kung saan nagsimulang magmalaki ang mga lalaking sila e marunong nang mamlantsa, gumamit ng facial wash at hindi ang mismong sabong gamit sa katawan at magpagupit sa parlor, sa imbes na sa barberya.
Ang Ebolusyon ng Pagbagsak ng Lalake

Napag-usapan na rin laang ang plantsa. Ito ang sistema ko sa pamamlantsa nung nagboboard ako nung kolehiyo. Anumang polong gagamitin ko sa susunod na araw e iniipit ko sa gitna ng mga kutson ko (syempre hindi sumasapin o masasapinan ng bold komiks o magasin) at tutulugan sa ibabaw. Kinabukasan plantsado na. Yan ang tunay na pamamlantsa. 

Pero, nagbago ang mundo. Tayong mga balbas-sarado’t mabuhok na mga lalaking nagtanggol sa mga bubae noong panahon ng mga kweba e pinilit nilang magmukang malinis at maging Ken sa kanilang Barbie. Lumipas ang panahon at hindi na kelangan ng mga bubaeng protektahan sila mula sa mga mababangis na hayop at mga away-tribu. Dahil sa walang magawa napagbuntunan nila ng pansin at panahon ang itsura ng mga lalaki at ginawan nila ng paraan para mapino.   

Lintek na mga inggrata, ang gusto yata ngayon e ang mga tipo ng lalaking hahawak sa kamay nila sa ialalim ng buwan, hindi ang itsura ng lalaking kumakain ng k’wan.

At dahil dito, wala akong magagawa kundi manumbalik sa isang panahong ang kinalalaglagan ng mga panty ng mga bubae e ang mga tunay na lalaki, gaya ng pinakamahusay na grupo sa buong Pilipinas, kundi man buong mundo –Ang Hagibis. (Cue music: The Big Gundown ni Ennio Morricone

Hihimay-himayin natin kung gaanong ang kahit isa laang na myembro ng alamat na grupong ito e mas lalaki sa pinagkumpul-kumpol na K-Poppers.
Hagibis at ang kanilang mga bigote
Pangalan ng Banda

Hagibis. Mabilis. Matulin. Listo. Humaharurot. Bumabarurot. Ilan laang ‘yan sa mga katagang maaari mong ikabit sa pangalang Hagibis. Mabilis sa tsiks. Matulin ang pag-iisip. Listo’t hindi tutulig-tulig. Humaharurot sa pagsaklolo pag kailangan mo. Bumabarurot sa kama nang paspas at ubod nang lakas. Hagibis. Kung hindi nga laang magastos sa abugado, pinapalitan ko na ang pangalan ko sa Jerome Hagibis o Hagibis Parsons.

Porma

Mayabang na itim na leather, shades, kadena, boots at bigote. Pano ka magkakamali sa pormang ito? Ilang dekada na ang binilang magmula nang ipauso nila ang pormang ito’t hanggang ngayo’y makikita pa rin ang  ambag nito sa kultura’t fashion, mula action stars hanggang tricycle drivers. 

At di gaya ng mga K-Poppers na minamasdan ang kanilang diet base sa atas ng kanilang teams ng dieticians at gym instructors, ang mga Hagibis e panlalaki ang katawan kahit na ang diet nila e tapsilog, corned beef, pagkain sa karinderya at Ginebra San Miguel. Wala man silang six packs, e hindi problema. Ang kakulangan ng six packs e tinatabunan ng buhok mula sa diddib hanggang puson. O kaya nilalantad laang dahil nagkakaintindihan ang lahat na ganito ang tyan ng mga umiinom ng beer.
Kahit dilaw nagmumukang itim 'pag suot ng isang Hagibis
Hairstyle

Tabal na buhok na hindi pinaparlor, hindi pina-highlights. Kahit anong shampoo ang madampot sa banyo ‘yun ang gamit. Kung wala man, hindi problema. Pag bumisita sa barberya, ang sinasabi laang ‘gaya ng dati’ at naiiintindihan na ng barbero. Hindi kumukunsulta sa mga magasin para magturo ng ito ang gusto kong gupit.

Bigote. Bukod sa magandang porma’t itsura, e me silbi sa kama: pangromansa, pampaligaya. Hindi gaya ng mga hairstyle ng mga K-Pop na ninakaw nila sa ate nila.

At saka, buhok sa dibdib.

Sabihin nyo sa 'kin mga bubae, kung maglalakad kayo sa eskinita sa isang madilim na gabi, kanino kayo makakaramdam na ligtas, sa isang myembro ng Hagibis o sa isang buong grupo ng K-Pop?

Musika

Rakenrol na me halong swing. Alam ng lahat na rakenrol ang tunay na musika ng mga lalake at swing ang musikang pang-uto sa bubae para maisayaw sa dance floor at maisayaw sa kama. Rakenswing! Rakenswing -ang pinakamahusay na musika sa mundo, higit pa sa pinagsama-samang Beethoven, Slayer at Hans Zimmer. 

Lyrics

Ano ba ang kanta kungdi musikang me mensahe? Ang mensahe ng kanta ang naghihiwalay sa tunay na musika at sa ika nga e background noise. Hwag nyong sabihing hindi naantig ang damdamin ninyo nung tinanong ni Gary V kung natutulog ba ang dyos? O kaya e hindi nabuhayan ng patriotismo sa kantang “Ibon Ma’y May Layang Lumipad” at napasabi sa sariling “Oo nga ‘no, kung ibon nga me layang lumipad, tayo pa kayang mga tao, kamputa, magpalayas tayo ng diktador!”?

Ang aspetong ito e hindi pinabayaan ng Hagibis. Ang mga kanta nila e hitik sa pagpupuri, pagbibigay-pugay, pagkarinyo at pagdiriwang ng kagandahan ng bubae. Kumbaga e parang Song of Solomon. Halimbawa:
  • Legs, legs, legs mo ay nakakatunaw.
  • Ka-ta-wan, ka-ta-wan, i-nga-tan ang in-yong ka-ta-wan.
  • Ang bawat chick ay may bintana sa kanyang mga mata
  • Dito ka sa aking bisisg, ito ang kailangan mo
Kung ayaw mong tanggapin ang salita ko, subukan mong pumasok sa bahay ni Sonny Parsons nang walang paalam at sa kanya makipagtalo. Iyon e kung magagawa mo pang magsalita matapos mong tumingin sa langit at magtanong ng “Bakit?” sa nalalabi mong hininga.

Bukod sa pagiging action star nya sa mga pelikulang gaya ng ‘Masikip na ang Mundo Mo’, matapos ang kanyang Hagibis Days, e action star rin sya sa tunay na buhay. 24-7 action star si Sonny Parsons kumbaga. Pinatunayan nya ito nung me sumubok sa kanyang pagkalalaki sa mismong bahay nya.
Kung hindi pangalan ng baril e pangalan ng probinsya o kumbinasyon nito ang titulo ng mga pelikula ni Sonny Parsons
Anim na myembro ng Ayat-Bahay gang na armado ng patalim at baril ang nanloob sa kanila. Kung bakit ginising pa nila si Sonny Parsons e hindi ko alam. Anlakas ng loob nilang tutukan sya ng Magnum 357. Ang isang Sonny Parsons e mas mabagsik pag sinira mo ang tulog.  

Iginapos nila si Parsons at ang mga kasambahay niya, kasama na ang dalawang anak niyang mga bubae. Tandaang naroroon ang mga anak niya kaya’t hindi muna siya umalma’t pinagtitigok ang mga ulupong. Ayaw nyang matalamsikan ng dugo ang mga anak niya kaya’t hinayaan laang niya maigapos sya ng mga ito.

Habang nililimas ng gang ang kanyang pera’t alahas, nilinlang nya ang mga ‘to’t kinausap. “Kelangan nyo nang umalis dito’t darating na ang mga nagroronda,” sabi nya sa mga ‘to. Ang hindi alam ng mga hunghang e unti-unti na pala niyang nakakalas ang pagkakagapos nya. Nung nakakawala sya, sa imbes na telepono ang kunin at tumawag ng pulis, e ang kanyang sandata ang inuna nyang dinampot –ang 45. (See poster above)

Tumalilis ang mga magnanakaw at lumulan ng isang jeepney. Hinabol sila ng isang armadong Sonny Parsons. Pinagbabaril nya ang mga ‘to’t isa sa mga ulupong e nahagip sa ulo’t namatay nang hindi nakakapagkumpisal sa pari. Me isang tinamaan sa tyan. Sadya nya itong pinatakas para me magkwento ng kanyang kalupitan at para wala na uling magtangkang gambalain sya sa kanyang pagtulog, parang ginawa ni Kiddo sa "Kill Bill' nung pinatakas niya 'yung magandang tsik. Nadakip ang sugatan ng mga pulis sa isang ospital na naghahanap ng lason sa medicine cabinet. 
Ang sasapitin mo ke Sonny Parsons 'pag sinira mo ang tulog nya


Ang apat naman e nakatalilis na bahag ang mga buntot. Malamang nakatakas habang naghihikab sya sa antok dahil sa naantalang pagtulog. Pero sa hindi malamang kadahilanan, kundi ang kagustuhang sumikat, bumwelta yung isa noong malamang naubusan na ng bala si Parsons. Akala nya e liyamado sya sa dala nyang jungle knife. Yun ang pangalawang pagkakamali nya, ang una e ang pagpayag sa nanay nyang ipanganak sya. Ang hindi nya alam, kahit na bazooka ang armas nya e no match sya ke Mr Hagibis. Gaya ng mga pelikula ni Parsons, dinisarmahan sya nito at ginamit ang mismong punyal na ito para ipaalala sa kanyang sana e nagkondom na laang ang tatay nya noon.

Reenactment ng nagawa ng mga pulis para makatulong ke Parsons
Dumating ang mga pulis para maglinis ng umaagos na dugo’t bunduk-bundok na pulbura at para manghingi ng autograph sa dating Hagibis. Pinarangalan sya ng mga pulis matapos ang insidenteng ito at ginawaran ng ‘Certificate of Appreciation’ sa kanilang flag ceremony. Sa totoo laang e gusto laang nilang makita si Parsons at makamayan.



Kung meron mang dapat na nausong jokes, yun e hindi dapat Chuck Norris kundi Sonny Parsons. Kahit si Chuck Norris nga e nagsa-Sonny Parsons jokes sa set ng The Expendables 2. 


6 comments:

  1. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  2. Haha tama ka brad iba na talaga ang trip ng mga babae. Hindi kagaya noong panahon ni Sonny Parson. Isama ko na rin si Robin Padilla. Ngayon ang trip ng kababaihan ay mga K-Pop star na mga mukhang lambutitay. Siguro nga kaya nagkaganyan ay pauso ng mga metrosexual. Kaya mahirap na ring malaman kung sino ang tunay na lalaki sa hindi. Kailan kaya matatapos ang pagkahumaling nilang ito. Haisst...

    ReplyDelete
  3. At nabanggit mo na rin laang ang mga Padilla, si Daniel Padilla pa ang namamayagpag ngayon.

    ReplyDelete
  4. Oo nga metro sexual din yang si Daniel Padilla. Kulang na lang ay magmana sa tito nyang si Bb. Gandang Hari hehe. Ginaya ng Masculados 'yang Hagibis ah, kaso parang mga macho dancer lang ang dating haha

    ReplyDelete
  5. Meron nga palang ganun dati, kaso narun si Piolo, di ba? Dieter din yata. Haha!

    ReplyDelete
  6. Hindi ako ganap na fan ng K-Pop, pero kanya-kjanyang panahon na kasi yan e. Kahit ako na may sarili ring isyu ng pagkamuwi sa mga bagay-bagay na nauuso sa kasalukuyan ay wala na ring magagawa.

    Naalala ko nga lang ang balita kay Sonny Parsons. At least dapat ganito ang ipinapalabas nang mas madalas sa sinehan (kung hindi kaay sa telebisyon dahil nga may rated SPG pang nalalaman ang MTRCB). Hindi para turuan ang publiko na maging bayolente sa kapwa; kundi para malaman naman nila ang gagawin sakaling may mapagsamantala sa paligid. Pana'y iyak o drama na lang ginagawa, kala mo naman uunlad ang Pilipinas sa pag-aakto na biktima.

    ReplyDelete