Friday, June 6, 2014

Kapeste-pesteng Koreanovela

Kung para sa mga Couples for Christ o CFC, si Kristo ang nasa gitna ng kanilang relasyon, sa aming mag-asawa naman e ang mapangsaklaw na impluwensya ng Koreanovela. Hindi mapagkakaila ang pagkasusot ko sa K-Pop at pati na rin sa mga soap opera. Pareho laang naman kasi ang dalawa: Ang isa e grupo ng mga Istariray na kumakanta't sumasayaw para sa mga bubae at ang isa e sumisimangot at umaarte sa mga palabas para sa mga bubae


At minsan ang Koreanovela e tungkol sa mga K-Pop groups.
Isa itong katotohanang aking napagtanto noong ako e umuwi galing sa isang 10 K run kung saan binuwag ko nang dalawang minuto ang luma kong oras. Ito e sa kabila ng ako e mas mabigat dahil nadagdagan ako ng tatlong kilo ng taba kumpara sa mas maayos kong timbang at kundisyon noong Pebrero.

Umuwi akong umaasang sasalubungin ako ng aking mag-ina na parang isang mandirigmang Spartan. Inaasahan kong naghhintay sila sa trangkahan ng bahay: ang misis ko e nakaupo sa pintuan, nakalugay ang buhok na inaanod ng hangin at ang anak ko e naglalaro ng saranggola, parehong naghihintay na umuwi akong nakasuot pa rin ang running shoes. Inaasahan ko ring merong mga nakalahad na brasong magsasalikop sa aking pagal na katawan sa isang mahigpit na yakap at ang mga labing sisiil sa akin ng halik para ibsan ang nararamdamang pagod. At ito e sasaliwan ng pagyakap ng aking anak sa aking bewang, sabay bitaw sa saranggolang lalapag sa lupa nang marahan. Mas maganda rin kung pinapatugtog ng misis ko sa background ang The King Returns na track sa OST ng 300

Ang sumalubong sa akin e isang nakasarang pintong ako mismo ang nagbukas, isang mabilis na kaway mula sa aking misis, sabay balik ng mga mata sa pinapanood na streaming ng kung anumang Koreanovelang iyon. At kung nakikinig ako malamang e mauulinigan ko ang up-tempo beat ng isang K-Pop na kanta.

Noong una e hindi ko pinapansin ang kanyang pagkatuklas muli sa isang lumang hilig. Pero, sa pangyayaring ito, napag-isipan kong kailangan kong pag-aralan ang impluwensya ng lintek na Koreanovelang ito sa aming buhay para malaan ko kung ipapaputol ko na ang subskripsyon namin sa internet. 

Sa Panonood

Sa bawat lalaking nanonood ng Korean soap, lampas kalahati roon ang nanonood dahil at para sa kanilang shota o esposa. Noong isang mahaba-habang bakasyon e napahinuhod nya akong manood ng aking Boys Over Flowers. At dahil ayokong Jergens whitening lotion ang kapiling kong matulog sa gabi, ako e pumayag. At sa bawat lalaking nakapanood na ng Korean soap, alam nyo ang aking pinagdaanang pagdurusa.


Yung nasa gitna ang pinakapaborito ng misis ko 
at paborito kong sapukin.
Bibihira ang lalaking manonood nang sa sarili niyang desisyon, nang dahil gusto nila, ng mga seryeng umiinog ang kwento sa pagpapasaya sa bubae sa pamamagitan ng pagdadala rito sa mga mamahaling lugar, pagbibigay ng mamahaling regalo, pagbibihis ng mamahaling mga damit at pagdadala sa kanila sa mga mamahaling bakasyon. Para sa mga lalaki, ang tanging palabas na nagpapakita kung paano makapagpaligaya ng bubae e sa mga lumang pelikula nina Dick Israel at George Estregan sa Betamax

At narun ang punu't dulo ng lahat: ang Koreanovela e isang mahabang snuggle matapos ng sex. Hindi ko alam ang pakiramdam nyo sa post-sex snuggle, pero isa itong epilogue na hindi na kailangan. Para sa akin, 'pag tapos na ang lahat, sapat na ang isang halik sabay hilik. Kapag ito e mas humaba pa roon, ang pakiramdam ko e isa na itong chore o obligasyon. 

At ito ang pakiramdam ko sa panonood ng K-soaps - isang obligasyong kelangang pagdaanan muna ng lalaki para makasex. At least sa post-sex snuggle, nakatapos ka na. Sa K-soap, depende pa kung nakakaiyak ang episode o hinde. Pasensyahan na laang at mag-isa ka na laang kung ang kinahihiligan ng shota/ waswit mo e Stairway to Heaven, pwera na laang kung mahilig mangsex ng humahagulgol na bubae dahil rapist ka o ang interes mo e nasa mga taga-probinsyang napwersa sa prostitusyon dahil sa kahirapan.  


Handa na ba kayong umiyaaaak?!
Kung ang porn e isang palabas na puro laang sex, ang K-soap naman e puro laang snuggle. Kung ano ang ratio ng plot sa sex scenes sa porn e 'yun rin ang sa plot sa kilig moments sa K-nov. Kung hindi kayo nanonood ng porno - tamaan na ng kidlat ang nagsisinungaling - isipin nyo na laang ang kung gaano karami ang beans sa pork sa pork and beans. 

Ang isang episode ng K-soap e binubuo ng 90% pampakilig, gaya ng pagkain ng sorbetes sa duyan, pagtitig sa mga tala sa langit, pagbibisikleta sa parke at pagsusukob sa ulanan at 10% na actual plot. 

Ano ba ang meron sa soap opera nila at ayaw nila sa sex? Hindi ko hinihiling na merong hardcore double penetration, at inaamin kong manonood na ako kapag nangyari ito, pero bawal rin ba ang halikan? Ewan ko kung maituturing mong halikan ang ginagawa nilang marahang dampi ng nakasarang labi sa isa pang nakasarang labi, pero mas lalagyan ko pa ng malisya ang halik sa noo ng isang lola sa kanyang apo bago matulog. Minsan iniisip ko kung nagsesex ang mga Koreano o puro gawa laang sa isang factory ng punlog ang kanilang populasyon dahil lahat ng relasyon sa kanila e platonic. Mas marami pang nangyayaring sex sa Spartacus sa isang eksenang nakikipag-usap si Batiatus sa misis nya kesa sa lahat ng piangsama-samang seasons ng pinapanood ng misis ko.    
At para hindi mawala ang mga lalaking mambabasa, isinalpak ko itong larawang ito.
Hanga rin ako sa dedikasyon ng mga lalaking nakakapagtiis nang higit sampung minuto sa mga ganitong palabas para laang makaiskor. 

Sa ngayon e hindi na nya ako pinipilit manood ng kanyang mga palabas. Meron na akong katahimikan kahit papano. Pero, sa ibang aspeto ng buhay naman ako naliligalig nito, gaya ng sa...

Pananamit at porma

Gusto akong gastahan ng misis ko sa damit. Di ba't maganda ito? Sino bang mister ang ayaw mabilhan ng bagong damit? Nung panahon ng mga hari't prinsipe, tela o damit ang nireregalo. Di ba't para na rin akong maharlika sa kapag ganitong inaalayan ako ng damit ng misis ko?

Nung nag-mall kami nung isang araw, gusto nya akong ibili ng t-shirt na merong kwelyo't maigsing manggas. Na kulay PEACH. Bihira laang akong mag-all caps sa buong blog ko, pero kelangan kong linawing PEACH ang kulay na gusto nyang ibalot ko sa katawan ko. Hindi man laang pink para Bret Hart, kundi peach. Sinong lalaki ang nagsusuot ng peach? Bukod ke Eric Quizon noong panahon ng Buddy 'en Sol
Kahit si Eric Quizon tatangging isuot ito ngayon.
Pinasukat nya sa akin ito sa fitting room, hindi alintana ng aking pagpapaliwanag na hindi babagay sa 'kin 'yun. Habang nasa loob ako ng fitting room, pinapraktis ko na kung paano ko sasabihin ang linyang "Sabi na sa iyo e." Habang nilalapat ko sa katawan ko ang damit na ganoon ang kulay, iniisip ko kung clockwise o counter-clockwise ang paggulong sa libingan ni Vic Vargas at ang pagkunot ng noo ni Sonny Parsons.  

"Oo nga, hindi bagay sa iyo. Dapat magpatubo ka ng buhok,' ang sabi sa akin ng aking misis.

Engganyong-engganyo sya sa K-nov sa puntong gusto niya akong manamit na parang isang K-Popstar at kumain ng...

K-food

Sinong ayaw sa misis na nagluluto, lalo na kung nag-eeksperimento? Hindi ba masayang hindi adobo na naman ang ulam? Dahil sa K-soaps, napuno ang kabinet namin ng mga instant noodles na Koreano at napalitan ang lokal na mas mura sana ng walong ulit kesa K-noodles. 

Nagyu-youtube at nag-a-Arirang channel sya para makahanap ng palabas na magtuturo sa kanya kung paano magluto ng K-noods. Aba e masarap naman. Maanghang nga laang dahil 85% ng ingredients e maanghang na paste. Walang problema sa pagpasok sa bibig ng ganitong pagkain dahil kaya namang burahin ng kape iyon. Ang problema e sa paglabas dahil maanghang sa bahaging iyon ng katawan ng tao kung saan nagaganap ang wakas ng digestion. 

Ang pakiramdaam ko sa buong transaksyon namin
 ng misis ko sa peach shirt at K-food.
Kasinghaba na rin ng pagtitiis ni Batiatus sa paghihintay ng ulan ang paghihintay ko ng wakas ng K-soap madness na ito ng misis ko. Kelan kaya mangyayari ang pagkakataong masasabi ko ang linyang "Finally, the gods remove cock in ass!"?    


23 comments:

  1. Mukhang malallim na nga ang impluwensiya n Korean kay Misis. Pero mas gusto ko sila kaysa Teleserye ng Pnoy. Minsan na rin akong nahumaling sa Jewel in the Palace kasi irformative plus yung pinoy mentality na kawawa naman ang bida. Sana nga matigil na ang Korean Fever Hehe pati si Eriq Quizon nahuhukay tuloy ang pananamit.. Lolz

    ReplyDelete
    Replies
    1. At leas kanina e Korean pork barbecue ang niyu-youtube nya kanina.
      Actually, nanood rin ako nung Jewel in the Palace dati. A... Pinoy soap opera... San magsisimulang magreklamo?

      Delete
  2. Nakakapanood din ako ng Korean Novela at aaminin ko unique ang mga kuwento nila gaya siguro pumatok sa mga Pinoy. Nakakasuya na rin kasi ang mga soup operang Pinoy kung hindi heavy drama, fantaserye naman tapos ngayon kaliwaan naman haha. Aba matindi nga ang epekto ng Koreanovela, di lang sa musika, palabas at pagkain. Aba marami ring gustong matutong magsalita ng Korean hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Yan ang isa sa mga dahilan rin actually e. Nagsawa na rin sa mga soap opera natin, kaya't naghahanap ng bagong kwento, bagong timpla.

      Delete
  3. Pansin ko lang sa mga koreanovela (mahilig kasi dito ang Tita, Hipag, Nanay at Kaptid kong babae), laging kinakawawa o mukhang kawawa ang mga babae. Tapos self-righteous ang mga lalaki. Weird, kasi ang mga Pinay ay kilala sa pakikipaglaban para sa gender-equlity. Tapos hilig nila ang mga ganyang palabas. :P

    ReplyDelete
    Replies
    1. Iyan ang isa sa mga pinagtataka ko rin. Kapag mga lalaki sa Korean soaps, pwede mag-aasta nang ganung kakupal, pero kapag ako e hindi pwede sa misis ko. Iba yata ang rules kapag kalbo at walang K-pop hairstyle.

      Delete
  4. Nakakatawa yung article mo! Share ko sa friends ko na mahilig sa koreanovela :)

    ReplyDelete
  5. Naramdaman ko ang lalim ng pinaghugutan mo habang binabasa ko ang iyong artikulo. Pero tulad ng misis mo, mahilig din ako sa mga koreanovela dahil medyo kakaiba ang kwento nya kesa sa mga nakasanayan na Pilipino teleserye na masyadong matagal at halos alam mo na ng ending.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha! May hinahatak ka rin bang manood? Kaso sa ngayon e mas namamayani ang kanyang hilig sa panonood, kahit wala ako e ayos laang.

      Delete
  6. Una sa lahat, nawindang po ako sa lalim ng tagalog mo. Hindi ko na kasi masyadong nakasanayan magtagalog lalo na sa paggawa ng blog. Pangalawa, isa po akong die hard fan ng mga Korean artist at korean dramas. Simula highchool palang po ako e adik na koo sa KPOP WAVE. Nasubukan koo na din pong magpunta sa mga concerts nila lalo na sa concert ng BIGBANG. Kaya po siguro nakakaadikan ng mga tao especially girls ang kdrama dahil sa storyline. Medyo tricky at madrama po kasi talaga. Puro romance at pinapakita dito yung fantasy kadalasan ng mga babae. Like prince stories. Dahilan din po siguro ng paglaganap ng KPOP sa buong mundo lalo na sa mga kabataan. Ako nga po nagaral pang magsulat at magsalita ng kanilang language sa sobrang kaadikan. hehe

    ReplyDelete
  7. Natawa lang talaga ako sa lalim ng bitterness mo sa Korean novelas. lalo na sa peach na shirt. Hahaha, sumisimpatya ako syo 'bro! Siguro magugulat ka na ako hindi nanonood ng Korean soaps, hindi dahil ayoko talaga ksai minsan sumisilip din ako, hindi ko lang talaga nakahiligan. Mas mahilig pa din ako sa English TV series. I-enjoy mo na lang ang hilig ni misis :D.

    ReplyDelete
    Replies
    1. "Mahiya ka nga sa balat mo" ang unang pumasok sa isip ko sa peach shirt. Siguro kung tisoy ako e pupwede. Hehe.

      Delete
  8. Hahaha! Hindi ako maka-relate sa misis mo kasi hindi ako nanonood ng koreanovela. Pero bilib din ako sayo coz at least sinusubukan mo din ang gusto nya. :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Transaksyon yung panoniod na iyun. Hehe.

      Delete
  9. HAHAHAHA I cried laughing! Your humor never fail me to admire your posts. lol

    ReplyDelete
  10. If there's one thing na kahit hindi mahilig sa sex ang Koreanovela, maybe it's because that's what the culture dictates them. On the brighter side, mas okay na rin kahit papaano yun kesa namans a mga palabas dito na unang sampung minuto pa lang umeere ang pilot ay nagmemake love na sila, tapos ang serye na naglalarawan na tila pareho silang nakaros na ay bilang magsesegue either sa panibagong eksena o sa commercial gap. LOL

    ReplyDelete
    Replies
    1. May sex scenes na rin pala sa Pinas? Akala ko nasa panahon pa rin tayo ng nagpa-pan ang camera sa kurtinang sumasayaw sa hangin sa tuwing merong love scenes. Matagal na akong hindi nakakapanood ng Pinoy TV. Taking your word for it dahil alam kong ang opinyon mo sa mga Pinoy soaps sa blog mo. Hehe.

      Delete
  11. Madaming nahuhumaling sa Koreanovela. Hindi ako kasi mahilig ng TV, pero noong may time pa ako manood...pelikula lang ang pinapanood ko, nde ung mga TV series.

    ReplyDelete
  12. Hindi ako nanonood ng Koreanovela eh. Pero astig ang post mo. Napaka-candid. ;)

    ReplyDelete
  13. My sis would love your post. Mahilig kasi sya sa Koreanovela. Ang cute ng post! May hugot? Lol! :)

    ReplyDelete