Thursday, October 25, 2012

Paano Ipapaliwanag Sa Iyong Anak ang Kwento ng Tangkang Pagpatay ni Abraham sa Anak Nyang si Isaac

Para sa isang llibreng field trip e dinala ko ang anak ko kagabi sa tabing-kalsada kung saan me nagbebenta ng mga domba o tupa. Paborito kasi ng anak ko si Shawn the Sheep. Naglibang-libang kami sa katitingin ng mga tupang bilang na ang mga araw.

Bukas e isasakripisyo ang mga tupang ito para sa isang Islamic feast, ang Eid al-Adha. Ang okasyong ito e ginagawa bilang pag-alaala sa pagpayag ni Ibrahim o Abraham na isakripsiyo ang kanyang anak sa isang boses na tanging sya laang ang nakakarinig. 

Syempre, hindi ko sinabi sa anak kung ano ang sasapitin ng mga paborito nyang cute na hayop. At hindi ko rin ipapaliwanag at hindi ko maisip kung pano ipapaliwanag sa isang limang taong gulang na bata ang karumal-dumal na bagay na sana e gagawin ni Abraham.

At ito ang ikukwento ko sa aking anak sakaling magtanong sya:

Noong unang panahon, merong isang lalaking namuhay at nakilala sa pangalang Abraham. Isang araw, meron syang narinig na tinig na tanging sya laang ang nakarinig. Ayon sa kwento sa isang librong kung tawagin e bibliya, ito raw e ang Dios. Sinabi nitong patayin nya raw ang anak nyang si Isaac, sunugin at ialay sa kanya.

Tandaan mong noong mga panahong iyon e madaling mauto ang mga tao noong araw at madaling mapapaniwala. Kung ngayon nga sa panahon natin e kung anu-anong kalokohan ang pinagpapaniwalaan ng mga tao sa mga broadcast na messages sa Blackberry Messenger at Facebook, ‘yun pa kayang mga taong hindi dumaan sa uri ng edukasyon at teknolohiyang tinatamasa natin sa ngayon? Sa ngayon nga meron pang naniniwalang gawa raw ng Dios ang pagpapabaha para hindi matuloy ang RH Bill.

Ah basta! Pinaniwalaan ng mga tao ito kahit na si Abraham laang ang nagsasabing nagpakita raw sa kanya ang Dios kahit wala namang ibang nakakita. Tandaan mo ring, meron akong pinsan, si Tito Oyi mo na nagsabing nakita nya raw ang Dios at mga kung sinu-sino pa sa ulap sa kalangitan. Mabait syang tao, magmano ka pag nakita mo pag umuwi tayo ng Pinas. Architect na ngayon ‘yun, pero ‘di ko alam kung pinaniniwalaan nya pa rin ang sinasabi nyang nakita raw niya noon.

Yung boses na iyon raw e ang Dios mismo, sabi sa librong tinutukoy ko kanina. Pero mas kapani-paniwalang me naririnig laang syang boses sa ulo nya. Kung sa panahon natin nangyari ito, malamang nakulong na sa mental hospital iyon. At malamang ito rin ang gagamitin ng abugadong kukunin nya sa oras na maisakatuparan niya ang pagkatay na binabalak niya sa sarli niyang dugo’t laman. Ito ang tinatawag na insanity defense.
At hayun, iginapos niya ang anak nya, hindi malinaw kung nanlaban ito o hindi, pero sigurado akong kung ikaw ‘yun e aangal ka sa paraang aangal ka sa tuwing pinapapaligo ka namin ng nanay mo sa umaga. Ngayon, nung mismong ibababa na niya ang punyal na kikitil sa napakaigsing buhay ng anak niya, meron raw sumulpot na anghel na pumigil sa kanya. Me narinig uli syang tinig na nagsasabing isang ‘test of faith’ laang ang lahat. Sa tingin ko kunsensya yun o nanumbalik ang katinuan nya.

Bilang kapalit sa iaalay na bata, meron raw ibinigay na isang ram o tupa ang Dios para iyon na laang ang isakripisyo. Pero sa ‘ting dalwa, tsambahan na laang na merong tupa sa lugar na ‘yun. Hindi naman imposibleng magkaroon ng tupa sa lugar na ‘yun. Ngayon, kung balyena ang sumulpot, medyo kataka-taka nga.

Tandaan mo ‘to: Kung totoong isang diyos ang gumawa nun bilang test of faith, isa syang kupal, anak. Baket? Anong klase ng diyos ang magsasabing patayin mo ang anak mo para ipakita ang pagmamahal at takot mo sa kanya? Bakit kailangang ipakita natin laging takot tayo sa kanya? Bakit hindi na laang pasakitin ang yagbols ni Abraham? Pag nadadale ako sa yagbols, ‘dun ko nararamdamang mahina ako, ako’y isang tao laang, aking anak, at naaalala ko na ang Dios ang mananalo, sakali mang hamunin ko sya ng one-on-one na suntukan.

Alam mo kung ano kapareho nito? Mga masters sa frat sa initiation. Sasabihin nilang tumalon ka sa tulay o kung anumang istupidong ideya. Pag ‘di mo ginawa, sasabihin sa ‘yo e hindi mahalaga ang frat sa ‘yo kaya’t ‘di ka karapat-dapat sa frat nila. Pag ginawa mo naman, sasabihin nilang gamitin mo ang kukote mo’t mag-isip.

Anyway, yan ang dahilan kung bakit karaming tupa ngayong binebenta sa kalsada.

Pahabol: Sabi nga pala ng religion teacher ko noon ang Isaac raw e ibig sabihin e joy kaya’t ang kaligayahan raw ni Abraham ang isasakripisyo nya, hindi ang literal na anak nya.



No comments:

Post a Comment