Dear
Spoiler,
Kumusta? Sana e hindi ko naaabala ang panonood mo. Alam kong matindi ang dedikasyon mong mauna sa lahat sa panonood ng mga pelikula at palabas sa TV at sana e hindi ako nakakaistorbo.
Balita
ko napanood mo na raw ang Amazing Spider-Man 2 at pinamamalita mo na raw sa
balana kung sinong karakter ang namatay. Sininulan mo raw ang post mo sa
pamamagitan ng tatlong dramatic na letrang O, M at G. Nasa Facebook status mo raw at
nabasa nila sa kanilang news feed. Hindi ako gaanong nakakapag-online ngayon
kasi at medyo busy sa tarbaho kaya’t hindi ko nabasa. Nabasa ko na laang na
parang pinariringgan ka ng mga FB friends natin at tinatawag kang spoiler.
Sayang at hindi ko nabasa kung sino iyung namatay. Sigurado akong hindi isa sa
mga basurero sa NYC ang sinasabi mo. Hulaan ko, medyo major character, ‘no? Si
Aunt May kaya?
Nung
college tayo, ikaw 'yung nagsabi sa akin kung sino si Keyser Soze, ‘di ba? Kabibili
ko laang ng tiket noon at nakangiti nang nakasalubong mo ako habang nakaakbay
ka sa shota mo. Tandang-tanda ko ang pagkakasabi mo noon. “Ke ganda nyang The Usual Suspects! Mantakin mong ang Keyser
Soze pala e walng iba kungdi si…” Aba’y ako e excited na excited! Isipin mo, papasok ako ng
sinehan at manonood ng isang pelikulang merong malaking twist ending, pero alam ko na kung ano. Ganito rin daw ang ginawa mo noon sa Sixth Sense.
At sabi ng
tatay ko, ‘yung tatay mo rin daw ang nagsabi sa tatay kong anak pala ni Darth Vader
si Luke Skywalker nung nakapila siya sa labas ng Odeon kasama ang ka-date nya. Papalabas
raw ang tatay mo ng sinehan noong nakita niya ang tatay ko’t isinigaw, “Ke
ganda ng palabas! Tatay pala ni Luke Skywalker si Darth Vader!” Isipin mong hindi
na kinailangan ng tatay ko at ng mga limampung taong nakapila na maghintay ng build up at climax sa eksenang iyon kung kelan niya ito ibubunyag dahil nalaman na nila
sa mahusay mong tatay. Yagbols laang ang climax. Ano ang panama ng climax sa delivery
ng tatay mo?
Tatay mo
nga pala rin ang nagsabi sa nanay kong balak syang pakasalan ng tatay ko. Pinayuhan raw ng tatay mo 'yung nanay kong magbihis nang maganda dahil magpopropose ang tatay ko.
Gugulatin sana ng tatay ko yung nanay ko sa kanilang date kung saan pinalagay
niya sa dessert yung singsing. Tuwang-tuwa ang nanay ko dahil pwede raw syang magpraktis sa salamin kung paano magulat sa surpresang proposal ng tatay ko.
Nakow, ang
laking tuwa ko nung isang beses na ako e online at nabasa ko ang post mo
tungkol sa Purple Wedding sa Game of Thrones. Mabuti nama't kita ang litrato ng namatay sa lason. Akala ko kasi e matatakpan ng mga katagang 'spoiler
alert' na nakasulat sa size 6 na italicized na Times New Roman sa ibaba ng close
up ng lalaking inuugatan ang muka at halatang namatay sa lason. Ke saya, hindi ba, ang malamang sa kasal na iyon pala e ganun ang mangyayari? Ganun rin ang
ginawa mo dati sa isang episode nung Season 3, ‘di ba?
Sa totoo
laang, mas gumaganda sa akin ang panonood ng pelikula o episodes sa TV kapag nalalaan
ko sa iyo kung ano ang mangyayari at kung sino sa mga pinapanood kong tauhan
ang mamamatay. Pakiramdam ko e nabasa ko na ang biography ng bawat tauhan at detailed synopsis ng isang episode sa tuwing nagpopost ka sa FB.
Dahil sa iyo e hindi na ako nauuto ng direktor na walang hangarin kundi bigyan ng emosyon ang isang kwento. Hindi ba't nakakairita iyung pinaglalaruan ng isang direketor ang iyong emosyon? Sinong tanga ba ang nanonood na ang layunin e maiyak,
matawa, malungkot, matakot o magimbal? Hindi ba’t ang tanging layunin natin kapag nanonood
e ang malaman ang mga malamig na impormasyon sa kung ano ang mangyayari?
Halimbawa: Episode 2: Namatay si X.
Iyon laang naman ang kelangan nating malaan, 'di ba? Wala
naman tayong pakelam sa kung paano sine-set up ang mga eksena: ang akting, lighting, musika, subtext, atbp. Over-rated ang mga bagay na ito. Hindi natin kelangang malaman ito, gayong pipwede namang sabihin mo na laang sa akin kung
sino ang mamatay sa susunod na episode?
Sa totoo
laang, mas mahusay ang mga one-liners mo kesa mga direktor sa TV at pelikula.
Sana sa susunod na Oscars e ma-nominate ka dahil mas mahusay kang
magkwento ng mangyayari kesa sa mga direktor. Mas magaling ang paglalahad mo ng
kwento sa pamamagitan ng paggamit mo ng memes o ‘yung joke na merong tig-isang
linya ng nakakatawang pangungusap o parirala sa itaasa at ibaba ng isang
nakakatawang picture.
Bakit hindi
natin gawin uli iyung ginagawa natin noong high school tayo? Di ba ‘pag umaarkila
kami ng Betamax at kasama ka naming nanonood e lagi kang nagkukwento kung ano ang mangyayari? Hindi pa uso
ang DVD noon, pero naunahan mo na ng ilang taon ang ideya ng director’s commentary
sa features ng DVD nun sa tuwing nanood tayo ng mga slasher films e sinasabi
mo kung saan susulpot si Jason at Freddie at kung alin sa mga teenagers ang hindi mamamatay sa huli?
Di ba’t
patuk na patok ka rin nung high school dahil sa tuwing meron tayong kaklaseng magkukwento
ng joke kapag recess e tinatapos mo para sa kanila ang punchline, gaya nung may nagkukwento ng Death by Booga-booga?
Ako rin e
enjoy na enjoy sa tuwing tayo e magkakasalubong sa opisina at ibinabalita mo sa
akin kung sino ang nanalo sa playoffs dahil tapos mo nang basahin sa internet ang isang article. Di ba't binubusisi mo pa sa akin at kulang na laang e igawa mo ako ng diagram kung bakit nanalo ang isang team. Hindi rin pumipigil sa iyong magpakaeksperto sa paghihimay ng laro kahit na hindi mo napanood. Sapat na iyung ulitin mo laang 'yung nabasa mo sa ESPN.
Alam na alam mo ang pangangailangan ko. Hindi mo na ako tinatanong kung napanood ko na ba ang laro. Hindi mo na ako tinatanong kung interesado ba akong malaan kung sino ang nanalo. Hindi mo na ako tinatanong kung inaabangan ko ang replay sa gabi. Ina-assume mo na laang na mas magandang manood ng replay ng basketball na alam na kung sino ang mananalo. Hindi ba’t ang saya nung Game 6 ng Blazers at Rockets nitong playoffs nung sinabi mong sa 0.9 seconds e titirada ng tres si Lillard para ipanalo ang series?
Alam na alam mo ang pangangailangan ko. Hindi mo na ako tinatanong kung napanood ko na ba ang laro. Hindi mo na ako tinatanong kung interesado ba akong malaan kung sino ang nanalo. Hindi mo na ako tinatanong kung inaabangan ko ang replay sa gabi. Ina-assume mo na laang na mas magandang manood ng replay ng basketball na alam na kung sino ang mananalo.
Para lang ito nung
sinabi mo sa akin kung sino ang mananalo sa WrestleMania 6 sa pagitan nina Hulk Hogan
at Ultimate Warrior. Hindi ba’t mas masarap mag-cheer kapag alam mo na kung
sino ang mananalo?
Aba, teka, napasalamatan
na ba kita nung tinawagan mo ako sa landline at sinabing mananalo si Pacquiao
ke Bradley ng decision? Nasa round 3 pa laang kami sa channel 7 nun dahil sa dami ng
patalastas. Nanood ka malamang sa SM nun. Ako e tuwang-tuwa sa effort mo dahil talagang kahit na naka-off ang
cellphone ko at hindi ako makakatanggap sana ng texts o makakabasa ng tweets o
news feed, e nakagawa ka ng paraan. Mas masarap manood ng 12 rounds ng boxing na alam mo nang walang knock down at sa decision magkakatuos.
Ako e
naiinggit sa iyo. Malamang e sikat na sikat ka sa dumarami mong mga kaibigan.
Bilib na bilib rin siguro sila sa iyo, kung paanong bilib na bilib ka sa sarili
mo sa pagsisiwalat ng mga napanood mo nang palabas. Ilang rebulto na kaya ang
naipatirik nila para sa iyo? May nagpangalan na rin kaya ng kanilang anak nang gaya sa iyo bilang pagbibigay-pugay? Ilang portrait mo na kaya ang mga pinatato ng mga kaibigan mo?
Sa season ender nga pala ng isang
inaabangan kong series e inaanyayahan kitang magkwento sa akin sa bahay. Ipagpapa-softdrinks pa kita. Kung gusto mo, uupa na rin ako ng prosti para merong magpapalabas ng init mo sa katawan habang nagkukwento ka sa akin. Kahit ano, basta't komportable ka at hindi mahahadlangan ang paglabas ng spoilers sa bibig mo. Idol na idol ka naming lahat kasi at dapat kang ituring na parang prinsipe.
Nga pala,
merong ikakasal sa tropa natin at imbitado ka. Maganda ang venue ng reception. Merong balcony. Umarkila kami ng mga musikerong tutugtog doon habang kumakain ka sa ibaba. Magsuot ka raw ng pula dahil iyon ang theme ng wedding. Hwag kang
mawawala. Hihintayin ka namin dun. Hwag ka na rin daw mag-abalang magdala ng regalo.
Nagmamahal,
Ayos 'tong post mo. Sinisira nga ng ganitong klase ng tao ang excitement mo. Aalamin mo pa lang eh inuunahan ka na ng kuwento. Daig pa ang reporter at broadcaster sa bilis magbalita. Kung puwede nga lang sungalngalin ang bibig ay gagawin mo na. Kahit saan may spoiler, karamihan sa kanila ay mga nananadya. Para bang nagmamalaki sila at sila ang unang nakaalam ng isang bagay kumpara sa iyo.
ReplyDeleteBakit nga ba parang ikabibida ang unang makaalam? Tsk.
DeleteMerong nagspoil sa misis ko (at narinig ko) ng Game 4. Ang nakakaasar pa e hindi naman marunong magbasketbol o mahilig man lang iyon. Hindi ko sinasabing dahil sa sexual preference nya iyon, pero kung ako nakakaalam ng resulta ng Ms Universe, hindi ko iipoil sa kanya yun. Tsk.
ReplyDeleteI unfollow "spoilers" on my FB account para di ko sila makita sa newsfeed ko.
ReplyDelete^Same same. I also unfollow people who post spoilers a lot. As much as possible, I don't read forums or FB posts pag may bagong movie or TV series na palabas. Hehe.
ReplyDeleteNaalala ko tuloy ang pamangkin ko na nasa elementarya. Spoiler din sya dahil kapag napanood na nya ang palabas ay ikinwe-kwento na nya ang mangyayari. Pinagsabihan ko sya na wag nya na uli gagawin iyon sapagkat baka may mainis sa kanyang mga tao. Nagpapasalamat naman ako at nakinig sya.
ReplyDeletePwedeng ampunin mo na bilang pamangkin ang ilang kakilala ko? Hehe.
DeleteAhahaha! Kaya minsan nakakainis din buksan ang newsfeed ng facebook o kaya twitter. Kasi marami ang gustong i-broadcast sa mundo na napanood na nila ang isang sine o palabas sa telebisyon. Ayos yung invitation sa dulo ng post. Hehehe!
ReplyDeleteWell dapat maglagay na muna ng Spoiler alert before the post if di mapigilan, para scroll down ka kalang. but then, di mo nga din mapigilang mabasa....
ReplyDeleteNapakaparanoid ko ngayon. Hindi uso ang basketbol dito sa Indonesia kaya't mas madaling umiwas sa spoilers ng NBA. Madali ring umiwas sa spoilers online. Hindi ako nagbabasa ng newsfeed at na-unfollow ko na yung mga nanspoil ng unang games sa first round ng playoffs. Umalis na rin 'yung kasamahan ko sa trabahong Pinoy na kalaro ko sa basketbol na nang-i-ispoil sa akin nung isang taon. Yung mga natitirang katrabaho kong basketball fans e nagkakaalaman kaming ayaw namin ng spoilers. Sa GoT naman, hindi na ako nag-oonline gaano 'pag Lunes ng hapon hanggang sa mapanood ko na sa gabi. Hehe. Ang bad trip e movies dahil kahit kanino nanggagaling.
ReplyDeleteSpoiler Alert! hahaha..tama ka jan, napakaraming spoilers sa social media with matching memes pa.tsk tsk.. nawawala na excitement dahil pinangungunahan na agad nila, mas mabilis pa sa alas-4 kung mag-broadcast..hehe.. mahirap din namang iwasan kc pag scroll down mo sa newsfeed, may mababasa ka parin.haha.
ReplyDeleteLalo na yung meron ngang nakasulat na spoiler alert, pero kitang-kita mo na yung picture. Naglagay pa ng spoiler alert.
Deletehahahaha.. grabe kakatawa ito.. napakaraming spoliers parang hello, pede bang manuod ka nlng muna? pero wag ka yun pa yung madalas mag comment or magshare nung movie hehehhe
ReplyDeleteMga akala mo pang Roger Ebert. Hehe.
DeleteI hide the post of some spoilers on my news feed.
ReplyDelete