Monday, May 12, 2014

Mga Palusot sa Hindi mo Pagbati sa Nanay Mo Nung Mother's Day

Sa hindi malamang dahilan, nalimutan mong batiin ang nanay mo noong Mother's Day. Meron kang matinding hangover sa sobrang pag-inom noong Sabado nang gabi, hindi ka nag-online dahil umiiwas ka sa mga spoilers ng playoffs na isang linggo mong tinorrent o kaya naman e talaga laang manhid ang kukote mo sa pag-intindi kung bakit santambak sa mga kaibigan mo ang nagpost ng pictures ng nanay nila sa Facebook kahapon. 



At ngayon e Lunes nang hapon at nahimasmasan ka na sa mga nangyari noong nakaraang weekend at nakatanghod ka sa tarbahong nakatambak dahil nagpapetik-petik ka nung Byernes nang hapon. Pag-log-in mo sa Facebook dahil pauwi ka na ng tarbaho, napansin mo ang isang napakalaking pagkakamali. 

"Nako, nalimutan kong batiin ng Happy Mother's Day si Mudrabelski!"

At ngayon nga e nasa turbo drive ang utak mo at naghahanap ka ng palusot para makabawi sa pagkalimot na ito. Ano ang magandang gawin? Heto't binabasa mo ngayon ang isang article sa isang blog na nagsasabing pwede ka pa palang magpalusot sa pagkakamaling ito. At alam mong nasa kumunoy ka't desperado na dahil binabasa mo ngayon ito sa isang blog site na ang pangalan e Jerboy Must Die!

Pwede pa ba akong makabawi? 

Wala. Walang paraan para makabawi sa kaengutan mo. Anong gagawin mo, magpapadala ka ng santambak ng bulaklak isang araw matapos ang okasyon? Ang bawat talulot nito e magpapaalala laang ng kung anong klaseng anak ka - walang kwenta. Kung makakanakaw ka ng Plutonium sa mga Libyan terrorists at kakilala mo si Doc Brown, baka pwede kang mag-Back to the Future sa kahapon. 

At ang unang sinasabi ng instincts mo e ang magsinungaling na laang. Alin sa mga bulok na linyang ito sa ibaba ang gagamitin mo?
  • Di nyo po ba natanggap ang text ko? 
  • Tinatawagan ko po kayo, kaso wala akong signal.
  • Lintek na FedEx iyan. Hindi ko po talaga kayo binati dahil gusto ko kayong sorpresahin sa isang dosenang roses at isang dosenang boxes of chocolates na pinadala ko sa inyo. Nagtataka nga po ako kung bakit hindi kayo tumatawag sa akin para magpasalamat.
  • Naaksidente po ako't naospital nang isang linggo. Pasalamat nga po kayo't buhay pa ang anak nyo.
Tandaan mong bago ka natutong magsinungaling, namaster na iyan ng nanay mo. Naglulubid ka pa laang ng kasinungalingan e nalathala na ang libro ng nanay mong pinamagatang "Nakakabansot ang Pagkakaroon ng Crush sa High School at Ilan Pang Kasinungalingan". Sa tingin mo ba e makakalusot ka sa nanay mo sa pamamagitan ng pagsisinungaling? Hindi ka laang magiging inggrato, magiging sinungaling ka pa. 

Kung gusto mo talagang makalusot, kelangang saliksikin mo ang kasaysayan ng Mother's Day at humanap ng loophole. Narito ang ilang pwede mong subukan:

1. Pauso laang naman ng mga greeting card companies iyang Mother's Day, bakit ako makikiloko sa commercialized na okasyong iyan? 

Mali. Isang Anna Jarvis ng USA ang nagpauso nitong okasyong ito para bigyang-parangal ang kanyang namayapang ina. Mga isang daang taon na itong pinagdiriwang sa ikalwang Linggo ng Mayo matapos niyang ipauso. 
Note: Hindi ito si Anne Frank.
Walang kinalaman ang mga greeting card companies rito, taliwas sa mga sinasabi lagi ng mga kuripot na ayaw magregalo sa tuwing merong dumaraang okasyon, gaya ng Valentine's Day. 

Hindi nga greeting card companies ang promotor niyan, pero...

2. Kontra si Anna Jarvis sa commercialization ng Mother's Day. 

Tama ka. Sa katunayan e ikinasama ng loob ni Anna Jarvis ang komersyalisasyon ng Mother's Day, ang pagpapadala ng cards at matatamis. Ayon mismo sa kanyang bibig:
"A printed card means nothing except that you are too lazy to write to the woman who has done more for you than anyone in the world. And candy! You take a box to Mother — and then eat most of it yourself. A pretty sentiment. — Anna Jarvis."
See? Meron kang palusot. Kung ang promotor mismo ng Mother's Day e ayaw sa mga ganoong greeting cards at candy, sino ka para hindi makiisa? - Iyon e kung illiterate ka. 

Bagama't sinabi ni Anna Jarvis na ayaw nya ng mga pagpapadala ng greeting cards, ang ibig nyang sabihin e mas malalim na pagtanaw ng pagmamahal ang dapat mong gawin. Sa imbes na magpadala ng greeting card, gumawa ka ng sulat na galing sa puso mo. Sa imbes na magpadala ng candy, ipagluto mo sya ng leche flan. You get the idea. Hindi nya sinasabing kalimutan mo nang ganap ang pagbati man laang sa nanay mo kahit sa text. Huwag mong baluktutin ang kanyang sinabi. 

Pero, teka, hindi ba't Kano itong si Anna Jarvis at walang kinalaman ang pauso niya sa Mother's Day nating mga Pinoy dahil...

3. Officially e hindi dapat Mother's Day nung Linggo, May 12, 2014 Sa Pilipinas.

Dapat e sa unang Lunes ng Disyembre ang Mother's Day, kasabay ng Father's Day, ayon sa Proclamation 266 na pinirmahan ni Erap nung 1988, nung sya pa ang presidente. Ito rin ang date noong panahon ni Macoy, bago ito palitan ni Cory at ginawang ikalawang Linggo ng Mayo. Pwede mong sabihing ang ginugunita mo e 'yung pinakahuling proclamation, yung ke Erap at lahat ng nagdiwang na Pinoy noong Linggo e mga hangal o rebelde. 

At sa mga pangulong nabanggit, sino ang mas paniniwalaan mo at susundin ang proclamation, yung maraming anak sa labas na gaya ni Erap o 'yung isang nagsilang ng isang Kris Aquino? 
Ina man ng Demokrasya sa Asya si Cory, ina pa rin sya ni Kris.
Kris Fucking Aquino. Boom. Solid na ang palusot mo.


2 comments:

  1. Bihirang-bihira akong maka-encounter ng blogpost na Taglish. Magaling-magaling! Nakaka-aliw syang gawin dba? Maliban na lamang talagang sanay ang isang manunulat at bihasa sa sariling wika na puro.
    Siya nga pala, hindi ko nakalimutang batiin ang Mama ko ng Happy Mother's Day. May kasama pa ngang out of town blow out! ☺

    ReplyDelete
    Replies
    1. Mabuti ka pa. Hanggang bati lang ako sa FB.

      Delete