Thursday, May 29, 2014

Ang Himalang Paggaling ni Lance Raymundo

Sino kaya pinaglololoko nitong Lance Raymundong ito? Matapos maibate ang barbell sa kanyang pagmumuka na naging dahilan ng pagkabasag nito, e heto't nagpapralala syang narinig nya si Hesus na nakipag-usap sa kanya sa Inggles - dahil alam ni Hesus na hindi sya marunong mag-Aramaic. Ngayon, kung bakit hindi Tagalog, e ewan. Alam sigurado ni Hesus kung sa aling lenggwahe mas mahusay ang lalaking nabagsakan ng ilang kilong bakal sa muka. 

Sabi ni Lance Raymundo, pinagdudahan nya ang boses, na inihahambing nya sa boses sa Big Brother, nung sinabi nitong pagagalingin raw sya.  
"This is exactly what the voice said, in English, sabi niya sa akin: 'You're only going to suffer for six days, but on the seventh day, I'm bringing you back, because I have a mission for you. I want you to continue what you're doing,'"
Inisip nyang e baka sya e naghahalusinasyon laang. "Good job at ginagamit mong kukote mo" ang sana'y aking sasabihin, pero lumilitaw na meron syang gustong ibenta sa madla. Sinabi raw nitong  tinig na itong makikita raw nya ang sagot 'pag bumangon sya sa pagkakahiga sa kama ng ospital at umupo - na sya namang kanyang ginawa. Nakita nya ang masalimuot na sagot sa gusot ng kumot. Sya e namangha nang todo at ginising nya ang kanyang ina para Kodakan ang lukot na pinaniniwalaan niyang si Hesus. 

Gusto kong imadyin-in ang pag-uusap nila tungkol dito:

Matapos matuklasan ang sagot ng tinig na kanyang narinig, nalaglag ang kanyang panga't napabulalas sa kanyang namalas na kagila-gilalas. 

Lance: Mama, si Hesus nagpakita sa akin sa kumot!

Mama: (Pupungas-pungas) Sigurado ka ba? (Sa sarili niya) Baka nagsariling sikap na naman ito at kung anong imahe ang nabuo sa pumulandit nyang...

Lance: Sigurado po ako. Tingnan nyo o. At pareho silang nanikluhod at binigyan ng ibig sabihin ang random na lukot sa kumot.

Ito ang larawang iyon.

Muka ni Hesus. Kung nabagsakan rin ng barbell ang pisnge.
Ang ereheng Lance Raymundo, ibinibigay ang credit sa kanyang himala ke Hesus, samantalang malinaw sa mga taga-Tanzang si Tata Osteng o Saint Augustine ang me gawa nito. Itutok ang mga mata at puso sa imahe sa loob ng parihaba at makikita nyo ang aking sinasabi. Aba e dapat magnobena sya sa Tanza, Cavite at magkonsert bilang pagtanaw ng utang na loob! 


Kulang ka sa pananampalataya kapag hindi mo nakita ang sinasaabi ko.
Bukod rito e nakita nya rin raw si Mother Ignacia sa kumot na iyon. Katabi raw ito ni Hesus. Ikinunekta nila ang pagpapakitang ito sa nakabinbing paghihirang ke Ignacia sa pagkasanta. Malamang raw e ito na ang huling himalang hinihintay para tuluyan nang gawing santa ito. Aba'y ang buong aksidente sa gym pala ni Lance Raymundo e bahagi ng Divine Plan ng Dios para gawing isang santa ang pinapausong personahe ng ABS CBN. Na ito e kagagawan ng kakulangan sa pokus o talagang minamalas laang e hindi na mahalaga. 

Tandaang ang nanay niyang deboto ni Ignacia e sa isang institusyong nakapangalan ke Ignacia tumutulong o nagvovolunteer work. Ewan ko, pero para sa akin e isa itong propaganda ng isang panatikong ishinu-shoe horn ang pangyayaring ito para manumbalik sa kasikatan ni Ignacia. 

Sa lahat ng mga bubaeng naka-abito, bakit si Ignacia ang pumasok sa kanilang kukote? Bakit hindi isa sa mga madre sa pelikulang The Devil o kaya e ibang santang madre? Talagang si Ignacia ha?

Heto ang larawang kanyang pinagbibida. Tulungan nyo akong makita at maintindihan kung ano ang ibig nyang sabihin. 



Kasi para sa akin, ibibigay ko ang credit nitong himalang ito sa isang mala-unggoy na hayop. 


Kung hindi man ito unggoy e isa itong balbong Yoda.
Hindi ko pa rin maintindihan ang pagkamangha ng mga tao sa kasalukuyang panahon sa mga tsambahang pagkabuo ng imaheng pilit na ikinakabit ke Hesus, gaya ng sa Jesus Daily - iyun e kung hindi nireretoke ang mga larawan. Akala mo pa rin tayong mga caveman nito kapag ganito pa rin pag-iisip natin. Bakit hindi na laang lumitaw ang isang kamay at magsulat sa pader, gaya ng kwento sa Bibliya? Mas malupet at mahirap ipaliwanag iyon kesa sa sa paghahanap ng  mga Waldo at Larry Alcala sa random na gamit. 

Isa pa, bakit nya pinasasalamatan ang mga pinagmulan raw ng 'himalang' ito? Nasan ang mga ito para umi-spot sa kanya nung binubuhat nya yung 95 pounds (hindi kilo ha, pounds laang) na barbell? Hindi ba't mas himala iyong matapos mabitawan ng gym rat na ka-spot ni Lance e lumutang na laang ito sa ere para hindi lumagapak sa kanyang pagmumuka? 

Sa mga pa-press release nyang ito, sa isa laang ang sigurado at wala itong kinalaman sa himala. Ito e tungkol sa balak nyang gamitin ang panget na pangyayaring ito sa pag-akyat ng kanyang career. Ang misyon niyang itong sinasabi niya sa quote sa itaas e ang gumawa ng Christian album. Abangan nyo't mag-aala-Jojo Acuin ako sa sinasabi kong ito.  

Photos courtesy of Lance Raymundo na kinuha ko sa abs-cbn. Kung interesado rin kayong basahin ang orihinal na balita, e heto.


2 comments:

  1. Naku di rin ako naniniwala sa mga images na nabubuo sa kung saan-saan. Dati sa mga puno at pader tapos ngayon naman ay sa kumot daw. Para sa akin, kahit saan naman makakakita ka ng images gawa ng anino, lumot o kung anuman. Pero sa kabilang banda, isa ngang himala ang nangyari sa kanya kasi puwede nang mabasag ang mukha o bungo niya. Di rin kasi nag-iingat an gym instructor niya. Napuna mo pa na si Mother Ignacia ang tinawagan niya, malay natin baka maging santa na nang dahil sa kanya, hehe

    ReplyDelete
    Replies
    1. Alam mo ba kung anong exercise yun? Hula ko e bench press. Hindi sa payabangan, pero sa laki ng katawan nyang yun, nagpapa-spot pa sya sa 80 pounds (ayon sa balita) o 90 pounds (ayon sa kanya)

      Delete