Friday, August 15, 2014

5 Pelikulang magtataboy ng mga amiga ng misis mo

Akala mo e perpekto na ang susunod na dalwang oras ng panonood mo ng DVD. Napatulog mo na ang anak mo at nanonood ng Koreanovela ang misis mo sa laptop niya. Nakalatag na sa mesa mo ang lahat ng kailangan mo para makanood ka nang hindi na kinakailangang tumayo: tubig, sitsirya at arinola. At nakaka-dalawampung minuto ka sa pelikula e susulpot nang walang pasabi ang mga amiga ng misis mo. Maaantala ang panonood dahil kelangan mong tumayo at batiin sila. 


At magbihis ng t-shirt.

Ganito ang senaryong ilang beses kong inabutan

"Sige, nood ka lang uli," sasabihin nila sa akin, pero alam kong sira na ang panonood ko sa sandaling ako e nag-pause ng pelikula. At mawawasak nang todo ito sa sandaling sila  e makisakay sa pinapanood kong pelikula sa mga paraang ito:
  • Magsasabi silang napanood na nila ang pelikula at iispoil sa akin ang mga twist o ending. 
  • Makikinood sila at magtatanong dahil semi-interesado sila sa pelikulang kilala nila ang mga bida.
Hindi ka naman makapagpaalam at magkulong sa kwarto dahil ayaw mong magmukang anti-social, wala ka rin namang ibang magawa kundi ang manood ng pelikula, pero merong balakid dahil nakatuon ang mata nila ke Brad Pitt. Pag-iisipan mo kung bakit sya pa kasi ang napili sa Fight Club. Bukod roon, sa sala naka-set up ang mga speakers nyong magaganda dahil mahilig magpavideoke ang misis mo sa mga bisita. 

Hwag mawalan ng pag-asa dahil nakabuo ako ng isang listahan ng mga katangian ng pelikulang tuluyang papawi at papatay sa maliit na alipato ng interes na nasa puso ng mga amigas. Kung isa akong mathematician, iginawa ko na kayo ng equation para rito na merong mga times at divided by, pero dahil hindi, magkasya na laang kayo sa listahang ito:
  1. Hindi dapat kilala ang mga bida. 
  2. Hindi Tagalog/ Inggles ang lenggwahe.
  3. Black & white.
  4. Walang CGI.
  5. Inilabas ang pelikula sa taong nagsisimula sa MCM___. 
Isa laang sa lima ang kailangan nyo para maipagtabuyan ang mga amigang ito, pero mapapansin nyo ring nag-ooverlap ang ilan sa mga ito, kagaya ng kung sobrang luma ng pelikula, wala pa talagang CGI. Pero, pwedeng ang isang foreign movie e isang big budget wu xia movie na si Jet Li ang bida kaya't hindi rin garantisado ito.

Hetong ang ilang rekomendasyon kung bakit kaiinisan ito ng mga amiga ng misis nyo, pero katutuwaan nyo naman. Hanapin nyo ang mga ito sa torrent at i-save sa isang folder na merong pangalang 'Use in Case of Emergency'.

1. The Beastmaster (1982)


Salungat sa unang impresyon ng nakararami, hindi ito screen cap ng Tarzan X.


Bakit itataboy ng mga amiga ng misis nyo ito

Stars: Marc Singer, Tanya Roberts at 'yung kalbong negrong nagsabi ng linyang "You're the wrong man at the wrong place at the wrong time!" ke John McLane sa Die Hard 2 at mga artistang hayop.

Nag-aral umarte ang mga hayop sa eksenang ito kaya't walang pangangailangan sa CGI. 

Bakit nyo magugustuhan ito 

Conan the Barbarian + Tarzan = The Beastmaster. Bukod sa pagnininja, ang isa sa mga nangungunang pangarap ng mga bata noong 80s e ang maging mala-Heman. Sa kwento nito e pinagsama ang dalawang ultimate fantasy ng mga bata: ang maging mandirigma sa mga drowing ni Boris Vallejo at ang mapaligiran ng mga mababangis na hayop at makontrol ang mga ito.

Bakit nag-uubos ng oras ang mga lalaki sa gym kahit hindi naman mga professional athlete, karatista o sundalo? Hindi naman nila gagamitin sa tarbaho ang ganung kalalaking muscles at ang lakas na makakamit nila sa mga workouts na ito, pero sige pa rin sila sa pagbuhat ng mabibigat sa gym na akala mong mangangaso sila't ng makakaing baboy ramo. 

Isa laang ang sagot: Gusto nilang matupad ang pangarap nilang magmukang mandirigmang hinugot sa mga pahina ng Heavy Metal Magazine kahit wala namang tunay silbi ang laki ng katawan ng mga ito't mas nauubos ang oras nila harapan ng computer sa kani-kanilang cubicle. 

Merong nakatanim na ideya sa kukote ng mga batang lalaki na dapat e mapamunuan niya ang mga hayop. Kahit mismong Biblliya e naiintindiha't sinusuportahan ito noong pinagkaloob ng Dios ke Adan ang pangangalaga sa hayop, mula sa pagbibigay ng pangalan sa mga ito hanggang sa kung alin sa mga ito ang pwedeng kainin at hindi.  

Ikalawang dahilan: Tanya Fucking Roberts. Kung tumulo ang laway nyo sa maiikling eksena niya sa seryeng That's 70's Show, hindi laang ang  bibig nyo ang maglalaway sa ilang taong mas batang version ni Tanya Roberts sa pelikulang ito. 

Gaya ng inaasahan sa mga pelikula ng ganitong genre, tanging utong laang at ang mismong labasan ng anak ang natatakpan ng kanyang damit. Ang galing ng pagkakaganap niya sa kanyang role. At ang role na ito e ang magsilbing taga-paala-ala sa mga lalaking humahanga nang husto sa katawan ni Marc Singer kung sino ang kanilang dapat na iniisip kapag nagpupuslit sila ng lotion sa banyo.  

Bonus: Kita ang boobs ni Tanya Roberts sa eksena niyang naliligo sa ilog! Sa katunayan nga, kapag nag-google ka ng images ng The Beastmaster, ang ilan sa mga unang susulpot e ang nakalawit na hinaharap ni Tanya Roberts. Lahat ng sampung taong gulang na nakapanood nito e humiling sa kanilang mga magulang na magpatule at huwag nang maghintay sa bakasyon ng Grade 6.


Bakit maaaring magustuhan ito ng mga amiga ng misis nyo 

Baka mapapagkamalan nilang isang Hercules na movie ito, pero sa oras na makita nilang tunay na hayop 'yung mga nasa screen at hindi CGI-rendered na mga animation, baka mawalan na sila ng gana.

2. Jesus Christ Superstar (1973)





Bakit itataboy ng mga amiga ng misis nyo ito

Stars: Ted Neeley, Carl Anderson, Barry Dennen, Yvonne Elliman at sangkaterbang artistang pagkapapayat, merong mahahabang buhok at nakabell bottom na hippies.

Walang CGI. Kahit prosthetics man laang para magpakita ng pagpapako ng mga kamay ni Hesus gaya ng sa The Passion of the Christ ni Mel Gibson e wala.   

Bakit nyo magugustuhan ito 

Bagama't malamang e ikangingilo nyo ang makita ang mga katagang 'opera' o 'musical' sa panonoorin nyong pelikula, sigurado akong mahahatak kayo nito sa isang salitang idinagdag sa harapan ng 'opera': ROCK. Isa itong rock opera. Sinong lalaki ang tatanggi sa rakenrol? 




Naiimadyin nyo ba si Hesus na bumibirit ng matataas na nota sa saliw ng musika ng demonyo? Isa sa mga pambatong kanta rito e ang sagutan nila ni Hudas sa Last Supper. Ano ang panama ng mga slow rock at power ballads ng mga hair metal bands sa 'Gethsemane'? Panoorin rito ang clip na ito para malaan nyo ang katunayan ng aking sinasabi. 

At bakit naman panonoorin nyo ito ng kahit hindi Semana Santa? Dahil nga rakenfakenrol. 

Iyun pa nga ang isang maganda rito. Ang mga Kristyano e nanonood laang ng mga ganyang pelikula kapag Mahal na Araw kaya't mas matataboy ang mga amiga ng misis mo kapag pinanood mo ito sa buwan ng Agosto. O kaya sa mismong Pasko gaya ng nakagawian ko nang tradisyon.  
  
Bakit maaaring magustuhan ito ng mga amiga ng misis nyo ito

Kung mga fans ng Jesus Daily ang mga amiga ng misis nyo, malilintikan kayo't baka hindi na umalis sa harap ng screen. Ang sama pa nito e siguradong ipapamuka nila sa iyo kung paanong hindi ito tumutugma sa mga berso sa Bibliya na akala mong ang mismong apat na ebanghelyo e hindi magkakaiba ang paglalahad ng kwentong ito at karakterisasyon ni Hesus. 

3. Death Rides a Horse (1967)


Kung meron mang dapat naging Chuck Norris, iyon e si Lee Van Cleef. Yun e kung wala ring Sonny Parsons.
Bakit itataboy ng mga amiga ng misis nyo ito

Stars: Lee Van Cleef, John Philip Law at sangkabalbal na mga lalaking merong bigote't balbas at mga bubaeng lawit ang kalahati ng boobs. 

Kaiimbento laang ng calculator nung 1967 kaya't wala pa itong CGI. 

Bakit nyo magugustuhan ito 

Kung hindi pa kayo nasolb sa ideya ng mismong pamagat pa laang ng pelikula, iyun e dahil malamang ang paborito mong pelikula e Forrest Gump. Alam nyong tama ang napili nyong pelikula kapag nakita nyong lampas sa kalahati ng cast e merong buhok sa muka't dibdib. 

Sinong lalaki ba ang hindi nanood o nanonood ng mga pelikulang koboy nina Lito Lapid, Jess Lapid, Paquito at Romy Diaz at Max Alvarado? Malamang e nagtataka kayo kung bakit nagkaroon ng mga koboy sa Pilipinas, iyon e dahil sa impluwensya ng spaghetti western sa atin at isa sa mga tampok sa pelikulang ito e Death Rides Horse. Kumbaga e kung nahilig kayo sa Eraserheads, ayos ring mapakiggan ang The Beatles. 

Gaya ng rakenrol, self explanatory na ang koboy. Kung kailangan ko pang ipaliwanag sa inyo ang husay ng koboy, malamang e hindi mas sanay kayong magreverse cowgirl. 

Bakit maaaring magustuhan ito ng mga amiga ng misis nyo 

Kung nagustuhan nila ang Django Unchained at naisip nilang barilan rin itong palabas na ito e baka manood rin sila. Dito ang hindi kilalang mga artista bilang salik na magtataboy sa amiga ng mga misis nyo.    

4. Faster, Pussycat! Kill! Kill! (1965)


Oscar winners para sa kategoryang inimbento para laang sa kanila.


Bakit itataboy ng mga amiga ng misis nyo ito

Stars: Tura Satana, Haji, Lori Williams at kung sinu-sinong mga kaeksenang hindi mo na matatandaan dahil nasasapawa ng mga boobs ng mga pinakabida.  

Black and white. 

Sinong mangangailangan pa ng CGI kung ang pinakatampok na artista e ang tatlong ito? 

Bakit nyo magugustuhan ito 

Boobs! Boobs! Boobs!  

Ito laang ang pelikulang alam kong merong tatlong tandang padamdam (!) at gumagamit ng salitang 'Kill' nang dalawang beses sa pamagat nito.  

Sa totoo laang e hindi ko na matandaan kung ano ang kwento nito. Nalimutan ko ngang black and white ito at ang tanging naalala ko laang e ang tatlong pares ng naglalakihang hinaharap ng mga bida. Hindi ko alam kung tamang tawagin silang bida dahil sila ang mga masasama sa palabas na ito. Isa silang gang na nanggugulpi sa hindi ko na maalalang dahilan. Sa aking diksyunaryo, sinumang nagpapakita ng katawan e hindi ko matatawag na kontrabida, kahit na kumakain sila ng mg sanggol.  

Isa sa mga pagkabigo ko sa buhay e ang magkaanak ng bubae. Pinangalanan ko ang anak kong lalaki sa wrestler na si Kane at meron na akong nakalaang pangalan sana kung sakaling nagkaanak ako ng bubae. Dahil hindi ako nakabubae, hindi ko na malalaan kung papayagan ng Simbahang Katolika na pangalanan ko ang anak ko ng Tura Satana, ang pangalan ng bubaeng gumanap na pinakapinuno ng grupo.   

Hindi laang si Tura Satana ang dapat nyong tutukan ng pansin rito dahil meron ring sariling alindog ang dalawa pang myembro ng gang. Parang Spice Girls, merong kanya-kanyang karakter ang mga ito. Inosente ang blonde at rebelde naman sa pinuno 'yung Chola. Ano ang panama ng cookie-cutter, generic na K-Pop group na Girls' Generation rito?

Bakit maaaring magustuhan ito ng mga amiga ng misis nyo

Baka mapapagkamalang sequel/ prequel ng Too Fast, Too Furious ang pelikulang ito. O kaya lesbians/ bi ang mga amiga ng misis nyo. At kung gayon, depende sa kanilang itsura, e pwede na silang makinood.  


5. Even Dwarves Started Small (1970)




Bakit itataboy ng mga amiga ng misis nyo ito

Stars: Santambak na unanong Germans na walang nakakakilala. Kahit 'yung direktor ang tawag niya sa mga artista niya sa kanilang shooting e Midget #1, Midget #2, etc.

Wikang Aleman. 

Black and white. 

Walang CGI.  

Bakit nyo magugustuhan ito 

Hindi ko makita kung ano ang ikasisiya nyo sa pelikulang ito kung saan unano lahat ng tauhan. Uulitin ko: Mga unano lahat ang mapapanood nyo. Unano! Kung bakit unano e ewan ko. 

Baka merong appeal sa inyo 'yung tag team match dati ng mga unano ni Max Buwaya laban sa mga unano ni Turko Turero. Kung gayon, hindi ko kayo huhusgahan. 

Kung kayo e mahilig mag-Youtube ng mga tinotoryur na hayop, baka makatuwaan nyo ito dahil meron ritong ipinakong unggoy sa krus at mga kanibal na manok na kumakain ng kapwa manok na patay. 

Ilan sa mga pambatong eksena rito e 'yung merong dalwang unanong gustong magsex, pero dahil sa sobrang liit nung isang unano e hindi nya magawang umakyat ng kama kung saan naghihintay 'yung bubaeng unano. Dapat nyong mapanood ito.
    
Bakit maaaring magustuhan ito ng mga amiga ng misis nyo

Baka mga fans sila nina Mahal at Mura at gusto nila 'yung My Little Bosings. At kung ganito ang mga uri ng amiga meron ang mga kaibigan nyo, hwag na kayong umasang aalis sila sa piling mo dahil kahit blankong screen e manonood ang mga iyan. 


19 comments:

  1. Kakaibang mga pelikula, ngayon ko lang ito natunghayan.
    Parang gusto kong panuorin yung The Beastmaster lols :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ireserba mo kapag merong mga asungot. Hehe.

      Delete
  2. Mukhang ito yung mga mas rare pa sa mga antigong ipinapalabas sa mga tulad ng Turner Classic Movies (TCM) at ultimo ang Cinemax at MGM channel. Pero parang gusto ko yung panglima. Mas okay siya kung ikukumpara sa mga laban nila El Torrito at Hornswoggle.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Haha! Me naalala tuloy akong pop culture reference dahil sa sinabi mo.

      Delete
  3. You make my Sunday afternoon an amazing one...I asked myself while reading, :Bakit ba ako nagbabasa ng ganito?" Kasi para itataboy ang mga amiga ng misis ko, habang ako'y nagbabasa ng ganito.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Minsan kailangan natin ng 'me' time. Hehe.

      Delete
  4. bihira na ang mga blog na gumagamit ng salitang tagalog dito sa manila. ang galing naman. naaliw naman ako sa mga pelikula na to although di ko na naabutan to. pinaganak ako ay 1984 na :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat! Buwan ng Wika ngayon kaya't lalong tangkilikin.

      Delete
  5. Pwede #6:
    Beware of
    THE BLOB!

    Ipinalabas sa SAS, through the initiative of our beloved Miss Hernandez ;)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Oo nga pala't pinalabas sa atin dati 'yun. Mantakin mong sa likod ng kanyang mahigpit na maskara e merong nagkukubling pagka-geek na pagkatao.

      Delete
  6. Hindi ko alam to ha! Ang dami mong alam sa mga ganyan! Nakakatuwa! :)

    ReplyDelete
  7. Ako po ay lubhang nahirapan sa pagbasa ng post na ito sapagkat ako'y nasanay sa pagbasa at pagsulat sa wikang banyaga. ganun pa man, maraming salamat sa pagbahagi ng mga kakaibang palabas na makaluma.

    ReplyDelete
    Replies
    1. This comment has been removed by the author.

      Delete
    2. Araw naman ni MLQ ngayon kaya't nawa'y yakapin mo ang pagbabasa muna ng Filipino. Hehe.

      Delete
  8. Very useful ang tips mo. I like the way you wrote it very entertaining, full of humor. Let us know how it goes! :)

    ReplyDelete
  9. i cant help it but laugh on how you deliver your words. nakakatuwa at nakakatawa. haha Nice review! :)

    ReplyDelete
  10. Hahaha. Ang galing naman. Saan mo nahanap tong mga to?

    ReplyDelete
    Replies
    1. Mga pelikula sa hard drive ko. Natukalasan ko sa Quiapo 'yung iba nung uso pa ang pirated DVDs doon. Pero, 'yung The Beastmaster e napanood ko sa TV noong bata pa ako.

      Delete