Monday, June 30, 2014

Soldatenkaffee: Ang Nazi Cafè

Sa totoo laang, sa anim na taon ko sa Bandung, ni minsan e hindi ko narinig sa mga lokal ang tungkol sa Soldatenkaffee, ang cafè na umani ng batikos sa mga Hudyo sa ibang panig ng mundo. Nabasa ko laang ito sa mga kung anu-anong web sites at ako e nanghinayang na hindi man laang ako nakatungtong sa infamous na kainan. Sarado na ito noong aking nabasa. Nung nalaan kong nagbukas na silang muli, natural laang na sinunggaban ko ang pagkakataon. 

Isa sa mga kontrobersyang nakasangkutan ng cafè e ang mga Nazi memorabilia, gaya ng banderang swastikang nakadispley. 


Dalawang ala-ala ang sumasagi sa akin isipian sa swastika.

Ang una e noong late 80s o early 90s, nung panahong nagtatarbaho ang aking ama sa PRPC-ICMC sa Morong, Bataan, sa kampo ng mga Vietnamese refugees na tinuturuan ng Inggles at binibigyan ng programa para makapaghanda sa buhay-Amerika. Ang programang ito e pauso ng mga Kano, pero karamihan ng mga guro at empleyado e Pinoy. Iknwento nya sa akin ito noong nanonood kami ng DVD na Inglourious Basterds.

Ang gamit na sasakyan ng aking ama noon e ang owner-type jeep. Usung-uso noon ang mga nagbebenta ng kurtina para sa mga sasakyang iyon. Sa dinami-dami ng banderang mapipili e ang merong swastika pa ang kanyang binili sa Cavite, dinala sa kampo sa Bataan at doon inihandara sa balana. Gusto kong imadyinin nyo ang eksena: ang tatay kong flamboyant sa pananamit, nakasuot ng Hawaiian polo, shorts na kaki, sombrero, mala-Rey Langit na balbas, bumababa sa kanyang owner na merong bandilang Nazi. 

Para sa mga hindi nakaabot sa panhong ito: owner-type jeep o owner.

Hindi ko alam kung gaanong katagal nyang nagagamit na iyon, bago sya nilapitan ng isang Kano at kinausap nang masinsinan. Hula ko e bago mag-weekend. 

"I'm sorry, Albert, but as a Jew, I have to say that I am offended by your display of that flag." 

Humingi ng paumanhin ang aking ama sa bagay na yaon. Buong katotohanan ito, pero hindi raw nya akalaing offensive iyon. Siyempre, tinanggal niya ang bandilang iyon dahil sa pag-uusap na iyon. 

Ayon sa kanya, matapos raw noon e hindi na bumalik sa dating init ang pagbati o pakikitungo sa kanya ng Kanong Hudyong iyon. Minana ko ang kurtinang iyon noong ako e nasa kolehiyo. Noong panahong iyon, bukod sa grunge at iba pang genre ng rock music, nahilig rin ako sa punk. Isa sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, ang dawalang namamayagpag na simbolo noon e ang anarchy at swastika at ang dating kurtina e inilagay ko sa isang tagdan at ginawang bandila. 

At noong World Youth Day, kasama ang ilang high school at mga katekista mula Catholic school kung saan ako nag-aral, dumalo kami sa Luneta para harapin ang Papa, si Pope John Paul II. Hindi naman required na magdala ng bandera, pero naisip kong magandang ideya ang dalhin ang swastikang nagdulot ng hindi pagkakaintindihan sa aking ama. Pinagkunutan ng noo ito ng katoto kong taga-simbahang nagyaya para kami makadalo noon sa WYD na iyon. Dahil ba Polish ang Pope? O bawal ang punks?

Pero, inamin nyang nung naligaw sya sa dagat ng mga tao noon e ang una nyang hinanap e ang banderang iyon at pinapanalangin nyang winawagayway ko iyon na parang isang tarantado para matunton nya kaming muli.

Sa tingin ko, itong mga ganitong klase ng kaignurantehan sa kasamaan ng Nazi ang nagbunsod sa Nazi-memorabilia collector na may-ari ng cafè na itayo ito. Ayon sa isang interbyu e sinabi nyang panahon ng gera iyon at natural laang na merong mga kasamaang nangyari noong panahong iyon. Depensa nya pa e bukod sa mga Nazi, meron ring ibang WWII stuff roon kaya't hindi ito isang cafè na dapat pagintangan na merong Nazi propaganda. Malamang para sa kanya e katumbas laang ito ng isang Star Wars fan na nagbukas ng isang Darth Vader theme restaurant.

Sinamantala ko ang iilang araw na natitira sa aking bakasyon at kahapon, araw ng Linggo, matapos mamili sa flea market e duon kami nananghalian.


Ang unang nakakuha ng aking atensyon e ang dilim ng paligid. sa tingin ko e hindi inaprubahan ni Hitler na magsindi ng bumbilya sa tanghali, lalo na kung pamilya ng tatlo laang ang kostumer. Siguro naman e hindi sila nagkukuripot, gaya ng mga Hudyo. 

Marami sa mga orihinal na nakadispley na memorabiliang nakita ko sa mga articles na nabasa ko ang hindi na isinama sa bagong lokasyon ng Soldaten Kaffee, kasama na iyung swastika flag. Ayon sa waitress na nakapulang polo-shirt na uniporme ... (buntung-hininga) sa halip na SS uniform, isang linggo pa laang nung sila e nagbukas muli. Soft opening pa lang nila, kumbaga. Sarado pa rin ang palapag sa itaas. 

Noong una, ang pinili naming mesa e iyung malapit sa portrait ni Hitler, pero noong huli e napagpasyahan naming doon sa mala-dungeon/ evil meeting room kami kumain. Trip ko 'yung liwanag na galing sa salaming bubong na nagbibigay ng sinag sa kabuuan ng karimlang bumabalot sa silid. Para itong liwanag sa kweba kung saan tumayo si Ted Neeley, bilang Hesus, nung kinanta nya ang mga linyang "I'm amazed that men like you can be shallow, thick and slow..." sa kanyang mga disipulo sa Jesus Christ Superstar.

Walang problema sa staff dahil kami laang naman ang kostumer noong araw na iyon. 

Parang Dapitan ni Rizal laang.
At ang una kong tanong sa waitress nung iniabot nya sa amin ang menu e "Ada Jews?" o "Do you have Jews?" sa Inggles. May ngiti sa labing sinabi nyang oo, na walang ideya sa aking pagsubok na magpatawa, gamit ang isang pun sa wikang Inggles na hindi sasalin nang maayos sa Bahasa Indonesia. Yahudi kasi ang tawag nila sa mga Hudyo at hindi gaanong maraming nag-iinggles sa kanila. Gusto ko rin sanang umorder ng German beer, pero wala raw sila ngayong buwan ng Ramadan. 

Napagpasyahan kong umorder ng The Big Schultz Burger kesa mga schnitzel o steak dahil nanaig sa akin ang katakawan ko sa burgers. Ang inorder naman ng litratistang naobliga akong pakainin dahil misis ko e Iga Bakarätten. Actually, iga bakar o grilled ribs na isang traditional Indonesian ang inorder nya dahil wala syang paki sa mga pagkaing Aleman. At nagbratwurst naman ang aming anak. At oo, hindi ako umorder ng juice at nagtanong laang. Walang asukal na ice tea ang aking hiniling.

Matapos umorder, naggala ako sa mini-museum ng cafè. Mukang ang kelangan ko e time machine at hindi taxi dahil mukang nawala ang edge ng unang Soldaten Kaffee. Aminin man nila o hindi, malamang e naapektuhan sila sa negative press na natanggap nila noon. Hindi nakauniporme ang mga staff, parang kumonti na ang Nazi memorabilia, at nakakasira ng ambience ang pagpapatugtog ng Wrecking Ball ng anak ni Billy Ray Cyrus.

All-time best sports quote. Runner-up e 'yung ke Ric Flair tungkol sa always cheat stance niya. 
Hindi ko alam kung hindi sila handang ilabas ang kanilang A game noong araw na iyon at nagpepetik-petik sila dahil hindi sila umaasang merong darating ng tanghali sa unang araw ng Ramadan. Ito, o talagang 'nagpapakabait' na sila. Kumbaga e parang inaabangan mong maging kaklase ang sikat at cool na bully noong high school para makatropa ito, pero nung naging kaklase mo na e  nagsimula nang magpakatino dahil senior year nyo na. Siguro e exaggeration ito dahil meron pa rin namang angas at kagat ang mga natitira sa memorabilia. 


Umaasa akong amoy gas ang paligid, ala-gas chamber, musika ni Wagner ang pinapatugtog, santambak na larawan ng mga kontrabida sa Inglourious Basterds at mga staff na naka-SS na uniporme. Nadismaya akong hindi ganoon. Mabagal pa ang serbisyo, naturingang kaming tatlo laang ang kostumer noong oras na iyon. Meron ring mga 3-5 na minutong pagitan sa pagdating ng aming mga main orders, isa sa mga ayokong nangyayari dahil maoobligang maghintaya't lalamig ang pagkain o kaya e hindi kayo sabay-sabay kakain. 

"Kanino mo natuklasan ito?" tanong ng aking misis. 

Sinabi kong nabasa ko sa internet. 

"Akala ko e merong Indonesiang bubaeng nagrekomenda sa iyo e," dagdag nya. At tama ang Monty Python, nobody expects The Spanish Inquisition! Kung meron laang silang apple strudel e parang eksena iyon nina Col. Hans Landa at Shoshana ng Inglourious Basterds. Iniligtas ako ng waiter na me dalang iga bakar ng aking misis.

Hwag nyong papalitan ng pangalan ng staff 'yung pangalan ni Hitler sa quote at
baka maobliga kang mag-tip nang malaki.

Sa kabila nitong pagkadismaya, ako naman e nasorpresa sa sarap ng pagkain nila. Malambot ang karne at nagulat akong marami palang side dishes ang bratwurst ng aking spoiled brat. Sa tingin ko e umiikot sa kanyang libingan si Hitler sa laki at bigat ng portion para sa ganoong halaga. Kung buhay laang sya, malamang e pinadala nya ang staff sa Auschwitz.  

At habang kami e kumakain, nagpatugtog sila ng classical music. Hindi man Wagner, at least e parang naiimagine ko ang huling sandali sa buhay ni Hitler sa mundong ibabaw dahil sa igting ng dumadagundong na musika. 

Kung maipupuslit ko laang ang ginamit na platong merong insignia ng resto.

Solb naman at hindi kalakihan ang bill. Alas-7 na ng gabi e busog pa ako. Kasama na ang drinks at appetizers na German potato salad at nachos e P1000 laang sa pera natin ang aming nagastos. Bukod run, e pasado pa ito sa aking misis at gusto nyang bumalik. Maganda raw na lugar para sa isang date. Halatang gaya ko e hindi sya nababagabag ng mga Nazi memorabilia. Pero, maghihintay na muna akong matapos ang Ramadan at gusto kong sa gabi pumunta para mas kumpleto ang karanasan.  

Lumabas kami ng cafè at ako e nagtataka kung ano ang big fuss. Dahil ba sa ilang simbolo ng swastika at kung anu-ano pang Nazi memorabilia e ganoon na agad ang kanilang opinyon sa kainang iyon? 

Siguro nga e iba ang atmosphere noon dati. Maari ring dahil kaming tatlo laang ang naroon. Merong ash tray sa bawat mesa at naiimadyin kong sa gabi e makapal ang usok, madilim, maiingay na nagbabaraha ang mga kostumer na dinadalhan ng mga German beer ng mga naka-SS uniform na staff, ala-eksena sa basement ng pub sa Inglorious Basterds

Solb ang aking dila't sikmura, pero hindi ang aking imahinasyon. Me part two pa ito.


26 comments:

  1. Astig kakaibang restaurant to parang museum na rin. Well, offnded talaga para sa mga hudyo kung dedicated lang kay Hitler ang resto, pero base sa kwento mo e onti lang naman Nazi memorabilia. Nung teenager ako naging punk din ako and isa nga sa symbol ay ang swastika.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Punks! Nung panahong iyon, hindi ko iniisip kung ano ang kuneksyon nun sa punk. Nito laang tumanda na ako nung [pinag-iisipan ito.

      Delete
  2. Ang ibig sabihin kasi ng Punk is People Under New Kingdom so siguro ginamit lang nila ang Swastika ni Hitler bilang simbolo para siguro astig hehe. May kasabihan pa nga nun na No Parents No Rules. Epekto ng pakikinig ng musika ng Sid Vicious na maagang natigok. Nung 80's, napagkamalan pang mga satanista ang mga ipunk dahil sa swastika na yan haha.

    ReplyDelete
    Replies
    1. It's all about rebellion. Yun rin nasa isip ko, para astig, pero hindi ibig sabihin e mga neo-nazis sila. Bukod sa punks, mga metalheads rin syempre ang mga napagkamalang mga Satanista. Naalala ko tuloy 'yung pagpipinta ng krus sa mga pinto noon. Pangontra raw 'yun sa mga Satanista. Hehe.

      Delete
  3. I guess, meron pa din mga taong hindi kumportable talaga pag nakakakita ng kahit anong bagay na related sa mga Nazis. Isa na siguro ako dun. Haha! Pero ha, at least masarap ang pagkain nila at ang dami kang side dishes nung bratwurst.

    ReplyDelete
  4. May owner type jeep kami dati. Mukang masarap ang pagkain. Aabangan ko ang part 2.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Parang konti na laang ang nakikita kong owner ngayon, kahit na sa Cavite mismo, isa sa mga lugar na maraming owner noon.

      Delete
  5. May owner-type jeep din kami dati. Ahahaha!
    Di rin ako masyadong kumportable sa mga bagay na related sa Nazi. Mukhang masarap ang paagkain at 1000 lang ang inabot. Take out na lang siguro ako sa kanila. :)

    ReplyDelete
  6. Sayang hindi ka nakapunta bago sya magsara dati. Mas marami ka siguro maisusulat at maibabahaging kakaibang larawan ng kainan na iyan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Umaasa akong mas maganda iyon matapos ang Ramadan. Malamang e mas maraming kostumer, lalo na't ibabalik nila ang beer. Sana makatyempo ako ng mga nagkocosplay.

      Delete
  7. It's nice how you post in tagalog!

    ReplyDelete
  8. This is interesting. What do you call that symbol again? Swastika? Saya!

    ReplyDelete
  9. Wait. Astig ito sa pinaka-astig. I mean, I hate Hitler but the concept of Nazi's put into Resto turned into patang museum awesome! I will visit this resto soon! :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. Pag nagbalak ka, sabihan mo ako para knug libre ako e matulungan kitang mag-tour dito.

      Delete
  10. parang masarap naman talaga ang food. Pero medyo kakaiba and magkaka label nga talaga pag ganyan ang theme ng isang resto. Pero if you will take the theme na parang museum na parang nakaka pag educate ng history, sa palagay ko ok naman ang konsepto.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Isang magandang punto iyan. Kung magagamit para makapagturo tungkol sa nakaraan, makakatulong ito sa negative press nila noon.

      Delete
  11. Grabe natawa ako sa caption na: "kng maipupuslit ko lang".. natatandaan ko tuloy yung unang time na pumuslit ako hehehe.. anyway, masarap naman ang food at mukhang mag eenjoy mga kids kasi muhang museo eh.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Nakarinig na ako ng maraming kwento sa mga kaibigan ko at napanood sa tv kung gaanong kadaling magpuslit ng gamit. Sa napanood ko noon sa TV Patrol, pati TV sa isang motel naitakas e. Ako laang ang walang lakas ng loob magtakas. Siguro, iniisip ko 'yung gas chambe. Hehe.

      Delete
  12. Maybe, magbabago ang tingin ng mga naoffend sa panahon ngayon pag triny nila tong resto-museum na 'to. Well, unless hahayaan nilang manaig ang alaala ng nakaraan sa kanila. And come to think na pag sinabing "Nazio" ka ngayon, madalas ay sa grammatika ito naidudugtong (i.e. "Grammar Nazi"

    ReplyDelete
  13. sounds cool! Parang ang sarap kumain sa ganyang lugar lalo na kung napaka-historic ng theme niya. Nasa iyo pa ba yung flag na bigay ng dad mo? #justcurious :D

    ReplyDelete
    Replies
    1. Nawala noong World Youth Day na iyon. Dahil siksikan sa bus na maghahatid sa amin papuntang tinutuluyan namin eskwelahan, kami e sa bandang pintuan ng bus umupo. Habang nagkukwentuhan, nahulog nang hindi ko namamalayan. Akala nung kasama kong nakakita e itinapon ko na. Sayang e.

      Delete