Thursday, April 4, 2013

The Gospel According to the Infidel Jerome #4: God Chain Posts Vol. 2


May nakita akong bagong version nitong isang binusisi kong post na merong mga anghel. Hindi ko alam kung tinanggal nila ang anghel sa bagong version na ito bilang reaksyon sa post ko nung nakaraan. Natauhan kaya sila sa kahangalan ng sinulat nila kaya’t tinanggal nila ang anghel?

Sa nauna kong post, ang hinimay ko laang ang e ang isyu ng anghel at iniwan ang tungkol sa sasabihin ko rito. Sa pagkakataong ito, ibabaling ko ang atensyon ko sa Dios o sa ideya ng Dios ng sumulat nito sa pag-asang makita ang kaululan ng ideyang ito.

Ako laang ba ang nakakapansing sa mga ganitong posts e nagmumukang insecure at KSP ang Dios?
Dahil ang ideya nila sa Dios e isang kamag-anak na laging nagtatampo
Hindi pa ba sapat ‘yung inaalala dinadakila siya’t binobola sa misa tuwing Linggo, bible studies, o kung anumang konggregasyon at kailangan niya pang pasukin ang FaceBook? Kailangan niya pa ng ‘like’ at ‘share’ ninyo? Araw-araw kelangang ireassure nyo syang naniniwala kayo sa kanya at laging siyang nasa isip nyo? At sa punto pang anuman ang ginagawa e kelangan nyo talagang itigil at i-share sa mundo? Kungsabagay nagfe-FaceBook laang naman nga, pero kahit na. malay mo merong mas importante kang ginagawa gaya ng nag-a-upload ng larawan ng kape mo.  

Ang mga kaibigan ko sa FaceBook bagama’t hindi ko nakikita nang personal o nakakachat e alam nilang kaibigan ko pa rin sila. Hindi ko sila kailangang sabihan araw-araw o linggu-linggo na ‘Uy, BFF pa rin tayo ha...’ para isipin nilang kaibigan ko pa rin sila.  

At saka bakit ba laging na laang tayong sinusubok?

Pagsubok ba ito saan? Sa ating pananampalataya? Gaano bang kahalaga sa Dios na malamang siya ang dinidiyos natin at hindi si Baal? Ganoon ba kaimportante ang ating pananampalataya at pagsusukli ng pagmamahal natin sa kanya at kailangan niya pa tayong guilt-tripin lagi? At sa oras na tayo e nagfe-FaceBook?

Hitik ang bibliya sa mga kwento kung saan pinadaraan niya ang mga tao sa pagsubok: pagsasakripisyo ni Abrahamng anak niya, ang kwento ni Job, atbp. Tapos, ngayon, tayong mga nag-iinternet laang e susubukin pa? Hindi ba pwedeng pumirma na laang tayo ng kontrata at sabihin sa Dios: "Bagama't hindi kita nila-like sa FB e ikaw pa rin ang kinikilala kong Dios at hindi si Baal, Odin,  Satanas o ang araw."

At kung walang katumbas ang super powers ng Dios, kaya na niyang basahin ang ating saloobin at hindi na niya kailangan pang isailalim tayo sa mga kung anu-anong pagsubok. Dapat daig niya pa si Prof. X na naka-Cerebro scanner. Dapat e alam na niya kung sino ang tapat na nananampalataya, nanlalamig, suwail, walang paki o kaya e exempted dahil nakatira tayo sa isang liblib na lugar na hindi inabutan ng mensahe ng kanyang blockbuster na libro.

Bukod sa insecure at KSP, sa post na ito, lumalabas na isang malaking kupal ang Dios.

Bagama't hindi sinasabing kailangang i-send mo muna ang message at tutulungan ka ng Dios, padaplis namang pinararating sa iyo ang mensaheng ito. Bagama't walang connectors na ginamit na nagsasabing aayos ang lahat pag ibinahagi mo ang post, parang iyon na rin ang gustong tukuyin nun. 
Walang pinagkaiba sa pulis na palalampasin ang violation mo
kung may nakasingit na kwarta sa ilalim ng lisensya mo.
Anong konklusyon ang ating mararating sa ganitong sitwasyon? Alam niyang nahihirapan tayo, pero gusto nya muna tayong lumapit at humingi ng tulong? Sino sa inyo ang maghihintay pang hingan ng tulong bago tulungan ang isang kaibigan? Kasinglaki na ng melon ang tumor sa muka, lalapit ka pa sa Dios para humingi ng tulong? 
Nabanggit na rin ang tumor, ano naman ang problema ng mga taong nagpapasimula at nakiki-like o share ng posts na gaya nitong nasa ibaba? Kung gusto ninyo talagang ipagdasal ang mga ganito e 'di ipagdasal ninyo sa paraang natutunan ninyo o kaya e sa aking paraan -sa isang wishing well.
Baby with tumor: 1 like = 1 prayer, 1 share = a hug from an angel
Meron akong palagay na hindi ang Dios ang KSP, insecure at kupal sa sitwasyong ito, kundi ang mga taong gusto i-broadcast na sila e mababait na tagasunod ng Dios. 

Tandaan ninyong hindi kamay ng Dios ang nagtipa ng mga posts na ito, kundi tao. 

Sa likod ng isang computer niya e merong isang taong nagdesisyong magsulat ng kabulastugang spiritual blackmail na ito dahil alam niyang merong magpapauto o matatakot kaya't magse-share dahil ayaw nilang maparatangang hindi niya pinansin ang Dios at hindi niya like si God. Meron rin namang gusto laang nilang mag-feel good about themselves kaya ginagawa ito. 


Tutal malapit na kong humarap sa Panginoon, makasipsip na. 



No comments:

Post a Comment