Friday, March 15, 2013

The Gospel According to the Infidel Jerome #2: Wishing Well


Your wish is my command!

Marami, kung hindi man karamihan, sa mga reliyoso e salamangkero o genie ang turing sa kanilang Dios (o sa kaso ng iba e sa mga santo). Bawat maliliit na bagay e pinagdarasal nila, kahit gaanong kasimple at kaya nilang gawin sa sarili nilang kakayahan: matanggap sa trabaho, pumasa sa isang entrance exam, manalo sa sports, sagutin ng tsik, atbp.

Hindi na ako nagsisimba gaya ng sabi ko. Meron akong nakitang mas magandang alternatibo para masagot at makumpleto ang aking mga pangangailangan nang hindi na kailangang magbihis ng disenteng damit at makisalamuha sa isang konggregasyon na nambobola ng isang Lumikha. Ito ang pinakamadaling alternatibo –isang wishing well.



O aking Wishing Well, wala nang mas lilinis at lalalim pa sa Iyo.
Yun rin naman ang esensya noong pagdarasal e, hihiling kang magkatotoo ang isang gusto mo: makaipon ng pambili ng bahay, mahalin ng isang lalake/ bubae, matanggap sa aplay sa ibang bansa, atbp. Ibang usapan kung magpapasalamat ka. At kung gayon, hindi mo na kailangang magpasalamat sa isang wishing well. Pwede nang sa hangin na laang dahil ang wishing well, gaya ni Batman, e hindi mo na kailangang pasalamatan.

Ang maganda sa isang wishing well e hindi mo na kailangang maglakad nang paluhod sa malamig na semento ng simbahan, makikanta, mag-isip ng iba’t ibang salita para sabihing dakila ang Panginoon, pumunta sa isang bahagi ng lalawigan ng Cavite mag-abuloy at magpadasal sa mga madreng nakapink, mag-alay ng itlog, magbuklat ng mga pahina at maghanap ng berso mula sa isang librong katha raw ng isang dios, bumili ng mga kung anu-anong langis, magrosaryo, makipagsiksikan sa isang kulob na lugar kung saan merong isang dagat ng mga taong merong malalang sakit na ang iba malamang e nakakahawa, makinig sa mga pambubuladas ng mga pari/ pastor/ kung anuman ang tawag sa pinuno o gumising sa isang schedule kung gusto mo pa sanang umidlip.  

Ganito ang paghiling sa isang wishing well: Pumunta ka sa isang wishing well, hilingin ang kagustuhan mo at ilaglag ang barya sa balon. Pagkatapos, maghintay ka ng resulta. Kung wala kang madaraanang wishing well, sa isang balde ng tubig mo na laang gawin ito. Ang maganda pa sa 'pag timba ang ginamit mo e mababawi mo pa ang barya mo. Wishing Pail na nga laang ang tawag, pero iyon rin naman ang esensya noon. Pupwede na ring plastic cup ng naubos mong kape. 

Gaanong kadalas ba matupad ang dasal mo? Kung hindi nagkakatotoo ang mga dasal mo, subukan mo sa isang wishing well at baka doon matupad. Kung may duda ka,  eksperimentuhin mo at bilangin kung saan mas madalas matupad ang hiling mo, sa wishing well o sa dasal. Hula ko e hindi magkakalayo ang resulta ng dalawa kundi man tabla dahil tatlo laang naman ang resulta ng dasal ng lahat.

Anu-ano ba ang senaryo ‘pag ika’y nagdarasal?
  1. Magkatotoo ito.
  2. Walang resultang magaganap at kailangang maghintay. Sa pagkakataong ito dapat kang maghintay dahil hindi pa itinutulot ng Panginoon na masakaganapan ang hiling mo kaya’t patuloy ka dapat magdasal. Pagsubok sa faith mo kumbaga. O kaya naman e akala mo dapat ka pang maghintay pero ang totoo e hindi talaga mangyayari at parang pinaaasa ka laang.
  3. Hindi ito magkatotoo. At pag ganito, paniniwalain mo ang sarili mong me ibang plano sa iyo ang Dios at hindi ito God’s Will na tinatawag kaya hindi ibinibigay.
Pag nilimi-limi mo ang lahat, pumapatak laang ang lahat ng katuparan nito sa God’s Will o kung niloloob ng Panginoon ang kahilingan mo. Kung niloloob at pinaplano na pala ng Dios ito para sa iyo, bakit mo pa hihilingiin? At kung hindi ito kalooban ng Dios, bakit naman niya babaguhin ito para sa iyo? Sino ka para baguhin niya ito? Sa konting pambobola at pagkanta-kanta sa tingin mo magbabago ang kalooban ng Dios? 

At isipin mo kung anong klaseng relasyon ang meroroon ka kung bawat maliliit na bagay e inaasa mo sa iyong tinatawag na Ama.  



No comments:

Post a Comment