Monday, August 25, 2014

Jerboy's Weekly Round Up: Hipon, isa pang Guinness record holder, mga aksidente sa selfie, atbp.

Ang Guinness Record holder sa pinakamaraming piercing na si Rolf Buchholz e hindi pinapasok sa Dubai kelan laang. Akala ko e dahil nasira ang metal detector sa airport sa dami ng hikaw nito. Yun pala e dahil lumalabas na pinagbibintangan itong gumagamit ng karunungang itim. Ewan ko kung saan nila nakuha ang ideyang iyon. Dahil sa dalawang nakausbong na bukol sa noo nya?

Bago kayo manghusga, tanungin nyo ang sarili nyo: 
Meron ba kayong Guinness record?
"Don't judge a book by its cover," 'ika nga nila. Hindi lahat ng lalaki e gustong magmukang Piolo Pascual, merong ibang ang istilo e ang maggayak ng hikaw. Samantalang ang ibang lalaki e nagkakasya na sa pagsusuot ng isang hikaw sa kaliwang tenga para ipakita ang kanilang istilo, pagrerebelde o pagkawalang pakialam sa sabihin ng iba, merong mga taong masyadong nana-90s-an dito kaya't kung saan-saan nagpapalagay sa muka't katawan. 

Itong ating Guinness Record holder e merong 453 na piercings sa kabuuan, 158 noon e sa labi laang nya. Kung nakokontian kayo at iniisip nyong malabong 453 lahat iyang piercings na nakikita nyo sa muka nya, iniimbitahan nya kayong buksan ang zipper ng pantalon nya't bilangin ang 278 na matatagpuan sa bandang kaselanan niya.

Kung ang Alemang ito e hindi makapasok sa Dubai, meron namang komedyanteng hindi na makakatuntong sa Davao. Pinapersona-non-grata ng Davao si Ramon Bautista sa pagtawag niya ng hipon sa mga bubae sa isang show niya sa Davao.

Ito na ngayon ang senyas sa hipon. 
Dahil Buwan ng Wika, nais ko munang dakilain ang nagawang ito ni Ramon Bautista bilang isang malaking ambag sa pagsusulong ng wikang Filipino. Tumanim sa kamalayan ng ngayon ng maraming mapag-Taglish na Pinoy na hindi dati alam ang ibig sabihin ng salitang kantong iyon ang ibig sabihin ng hipon: isang bubaeng merong magandang katawan, pero ibang usapan na ang muka. 

Kung meron mang isang katangian ang mga Pinoy na dapat baguhin ito e ang ating pagkapikon. Noong nagbiro is Justin Beiber sa pagkatalo ni Pacman, gusto itong ipa-persona non grata ni Cong. Carol Jayne Lopez. At ngayon ngang tinawag ni Ramon Bautista na hipon ang mga taga-Davao, ito rin ang hakbang na gusto nilang gawin. 

Ang pinagkaiba laang nito sa persona non grata ni Carol Jayne e galing ito sa isang Duterte. At ang ibig sabihin ng persona non grata sa mga Duterte e kapareho ng 'swimming with the fishes' sa mga Mafia. Para sa hindi mahilig sa The Godfather o mga gangster movies, heto ang isang pagsasalin sa wikang Kabitenyo. 


At para malamang seryoso ka, dapat labas ang dibdib mo.

Siguro e merong dapat ikatampo ang mga nagtampo sa birong iyon, tunay na hipon man sila o hinde. Pero, gusto kong pag-isipan nila ito sa pananaw na ito.


Kalahating puno o kalahating kulang?

Sabihin na nating sinabihan silang hindi nagmamay-ari ng kaaya-ayang pagmumuka, pero hindi ba't papuri ang masabing maganda ang katawan mo? Hindi ba't dapat magpasalamat ang mga swanget na bubaeng naroon dahil sinabihan silang seksi? 

Sa mga hipong ito, walang pumapansin sa kanilang muka. Walang nakakapansin kapag nagbabago sila ng hairstyle at hindi rin umaani ng likes kapag nagpapalit sila ng profile pic sa Facebook. Hindi ba't dapat e matuwa sila't sinabihan silang nagtataglay ng magandang katawan? 

Alam nyo ba kung gaanong kahirap para magpaseksi? Disiplina sa pagkain, sakripisyo sa ehersisyo at sa oras. Ang mga magaganda e sinuwerte laang sa roleta ng kapalaran at nagmula sila sa mga magagandang mga magulang. Meron rin namang nakakadaya sa pamamagitan ng make up, pero ibang paksa na ito at saka ko na laang tatalakayin kapag gusto kong pag-usapan ang mga sinungaling. 

Sa madaling salita, hindi pinaghirapan ng magaganda ang kanilang kagandahan, samantalang ginugulan ng mga hipon ng dedikasyon at paghihirap ang kanilang kaseksihan. Kung meron mang bayani sa larangan ng itsura, iyon e ang mga hipon. 

Naalala ko tuloy noong fiesta sa amin noong ako nag-aaral pa sa kolehiyo. Tanong ng isa sa mga bisitang kong kaklaseng taga-Maynila, "Wala bang maganda rito sa Tanza?" Hindi ko sya pinapersona-non-grata sa literal o Kabitenyo mang kahulugan nito. Yun nga laang, hindi ko laang inilabas ang leche flan at ube matapos ng tanghalian. 

Sa totoo laang naman e hindi importante ang itsura ng tao. Ika nga ng aking ama: 

Honore de Balzac - ang pinakamalapit na makukuha kong maglalarawan 
sa aking amang walang Facebook.

Hindi talaga ito importante. Tanungin nyo ang mga mahilig magselfie. Hindi ba't kabilib-bilib ang mga taong malimit iumang ang muka sa balana at isugal ito sa lihim na pang-aalipusta? Lakasan laang ng loob iyan. 

Gayunpaman, hindi ko naman kinamumuhian ang mga nagseselfie, lalo na't magaganda. Aba'y sino bang ayaw tumingin sa larawan ng isang maganda? 

Ang hindi ko maintindihan e kung bakit ganoon ang pagkakagawa sa mga camera phones. Malamang narinig nyo na ang santambak na aksidente na naganap dahil sa selfie. Merong sinapian raw ng demonyo (walang kinalaman si Rolf Buchholz), merong nahulog sa hagdan ng eskwelahan, merong nahulog sa tuktok ng bundok. 

Nito laang e isang teenager sa Pinas ang nag-ambsiyong maging ambidextrous noong sinubukang mag-selfie habang merong nakatutok na baril sa kanyang baba kanyang sarili. Gusto nyang magselfie, kaso sa imbes na camera phone ang nakalabit nya e, gatilyo ng baril. Buhay pa naman sya, kaya't pwede pa syang mag-take two kung gusto nya. Lagyan nya laang ng wristban ang isang braso niya para maalala niya knug alin ang kanan at kaliwa, parang Erap laang noon.  


Note: Hindi ito selfie. 
Alam nyo bang merong produktong kung tawagin e selfie stick? Ito e isang aparatong ikinakabit sa camera phone para mailayo ito habang nagseselfie. Ang hindi ko maintindihan e kung bakit hindi imbentuhin na laang ng mga camera phone makers ang timer. Pipindutin ang buton, tatakbo sa piling ng mga kaibigan o sa lugar kung saan gustong magselfie at maghintay ng ilang segundo. Ulitin hanggang makuha ang gustong larawan.

Timer at tripod laang ng katapat ng mga walang makuhang waiter na magkukuha ng larawan nila habang kumakain sa restoran o kaibigang kukuha ng litrato ng bagong-work-out-sa-gym nilang katawan.
  
Hindi mo na kelangang iunat ang braso mo.
Isa pang hindi ko maintindihan e ang lalaking itong nagpabunot ng ngipin sa isang albularyo. Ano 'yun, nabalitaan nyang merong nakakanser na kemikal sa ginagamit nyang toothpaste at naisip nyang wala nang mawawala sa kanya kung magtipid sya sa dentista? Nagpabunot itong isang lalaking ito sa isang faith healer at naimpeksyon at naging sanhi ng kanyang pagkamatay. 


Ang natipid sa dentista, nagasta sa kabaong. 
Dami ngayong nagpupuyos sa galit ang mga dibdib dahil sa panggagahasa't pagpaslang sa isang magandang bubae. Lilinawin ko: magandang bubae, hindi hipon. Tingnan mo nga naman, kung maganda ka, kahit hanggang kamatayan meron kang fans. Marami rin namang nareyp at napatay, pero hindi ikinasumpa nang ganito - dahil hindi maganda. 

Hindi ko sinasabing wala silang pakelam sa mga namatay na hindi maganda o hindi rin dapat tayong masuklam sa pagpatay nitong isang bubaeng maganda. Dapat ikagalit natin ito talaga. Ang sinasabi ko laang e hindi ganoon ang antas ng interes kapag hindi maganda ang biktima, 'no?  

Sa tuwing merooong lumalabas na karumal-dumal na krimen, ang bukambibig lagi ng mga tao sa FaceBook e ibalik ang parusang kamatayan, o 'ika nga ng isang nakita kong nabahaging larawan sa FB e 'little injection'. Ilan sa mga pambatong makikita nyong hirit:

  • Bitayin na iyan!
  • Dapat riyan pinuputulan ng ari!
  • ___________ (insert form of torture na akala nila e nakakatawa, gaya ng hiwain ng blade nang isang libong beses at patakan ng kalamansi) 

Ayos rin iyan. Pwera na laang na mataong ikaw ang mapagbintangan at ikaw ang maakusahan, gaya ni Hubert Webb. Hindi ba't napawalang-sala 'yun, matapos ang ilang taon nya sa piitan. At matapos ring magkaroon ng career ng isang look-alike niyang si Hubes sa Channel 5. 

Maibabalik pa ba ng 'Wow, mali. Sori po, tao laang.' ang buhay ng taong nailibing na kung mapapatunayang mali pala ang husga ng hukuman? Si Hubert Webb ngang anak ng sendor at alamat sa PBA, e nagkaganun tayo pa kayang mga karani-Juang tao laang? 

Para sa akin, kung meron mang dapat ibalik, ito e hindi little lethal injection, kundi massacre/ rape movies (!). 



Panahon na para lumabas ng lungga ng mag-asawang Caparas at gumawa ng pelikula sa kanilang Golden Lion Films. Bukod run, kelangan natin ng bagong dahilan para kamuhian si Kris Aquino. 

Gusto ko sanang tapusin ang round up sa isang magandang balita, kaso walang taxi driver na nagsauli ng naiwang pera o alahas nitong linggong ito. 


14 comments:

  1. Pikon talaga ang mga Pinoy. Pero hindi rin naman talaga nakakatuwa ang ginawa ni Ramon Bautista na parang na-generalize nya na hipon ang kababaihan sa Davao. Eh, marami rin namang mukhang yummy run hehe. Napa-react tuloy ang mga Duterte na may pagka-maton. Tama ka bro, mas binibigyan talaga ng pansin kapag magaganda ang na-rape. Pero kung hindi naman tisay o pang-modelo ang tipo ay walang pumapansin. Siguro nga panahon na para gumawa uli ng massacre films ang mag-asawang Caparas tutal puro krimen kabi-kabila sa Pilipinas LOL

    ReplyDelete
    Replies
    1. Mabilis namang gumawa ng pelikula ang mag-asawang Caparas. Sana sinunggaban na nila ang pagkakataon habang napopoot pa ang netizens. Mamaya mo, iba na ang kinaiinisan nila.

      Delete
  2. Kung minsan masarap rin magbasa ng mga ganito, kung wala kang ginagawa, pero kung mayroon, on my part, di ko na pinapansin. Go on with my own life, not for them. They wanted it that way, then, hayaan mo na sila. Trip nila 'yun.

    ReplyDelete
  3. Natawa naman ako sa Huling pangungusap. Marami naman magagandang nangyayari sa Pinas, kaya lang ang mga istasyon ay puro sa mga taxi driver na nagsauli ng wallet ang focus. Mabenta kasi.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Naiba naman 'yung huling nabasa ko nung mga isang buwan na ang nakakaraan. Hindi naman taxi driver, kundi construction worker. Kahit papano, naiba.

      Delete
  4. Natutuwa ako sa mga round up mo, madami akong natututunan, bagaman di ko naman ito magamit sa trabaho. Grabe talaga na naging persona non grata si RB dahil lang sa isang komento. I think it went too far.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat! Kapag hindi ka abala sa tarbaho, bumisita ka laang rito't magpalaipas-oras.

      Delete
  5. This is something that Filipinos should learn. Huwag maging pikon. Learn to assess the situation, it is a stand up comedy, if you don't like them then don't watch them or don't invite them over.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Ika nga ni Slickmaster (meron rin syang sinulat tungkol rito), kung si Vice ganda kaya ang nagsabi nun, ganun rin kaya ang pagtanggap nila? Mas maraming nakakapikong biro ang mga komedyanteng nagpeperform ng live sa bar at sa mga kauri nito.

      Delete
  6. Mainit ang usapang hipon ngayon dahil na sa nagawa ni Ramon Bautista. Ngunit nasa ugali na talaga ng Pilipino ang magbigay ng side comments, manghusga, mapikon. MAgsasalita agad ng hindi muna iniisip ang sasabihin. Basta't makapagbigay ng comment gaya ng iba ok na sila. Kahet kamalasan sa sarili ihuhusga sa iba.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Kalakas mang-asar ng Pinoy, pero kabilis ring mapikon.

      Delete
  7. Hindi lang pikon ang Pinoy in general. Mabababaw pa kamo. Yung iba, MEMA din. ME MAsabi lang. Naalala ko lang ang sinulat ko na maraming nagreact nang negatibo't nagbitaw ng AD HOMINEM na argumento para ipagtakpan ang mga kabobohan nila.

    Though sa mga nakalipas na araw, I think parehong peace na si Mayor Rodrigo Duterte at Ramon Bautista. Which is dapat lang. Ewan ko na lang kay Paolo.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Pinatawad na ni Mayor Duterte si Ramon Bautista matapos nitong humingi ng tawad. Me bago akong natutunang salita sa iyo - MEMA. Hehe.

      Delete
  8. Naaliw ako at pansamantala kong nalimutan ang mga problema sa pagbabasa nito. 3R lang naman ang kailangan upang makaiwas sa paninita---Respect for oneself, Respect for others and Responsibility for your own actions.

    ReplyDelete