Sunday, January 25, 2015

1 Paraan Para Makaiwas sa Pila sa Airport

Ang flight ko pabalik sa Bandung, Indonesia e 9 na araw matapos akong operaha't tanggalan ng apdo. Matatandaang nakapagbaba ako ng 7-8 kilo dahil sa gallstones diet.

Ang sandamukal na batong nahugot sa aking apdo, tag ng ospital at buhok sa kilikile.

"Tumakas ka ba sa ospital? Bakit suot mo pa ang hospital tag mo?" tanong sa akin ng isang bumisita sa aming tirahan. Ipinaliwanag ko sa kanya at iba pang mga nagtatanong na motibasyon ko sa sarili ko ang makabalik sa dati kong sigla't lakas. Pag nakakabangon na ako sa kama sa sarili ko at nakakalakad na akong parang hindi uugud-ugod na hukluban, saka ko na laang gugupitin ito, bilang simbolong nakawala na ako sa tanikala ng karamdamang gumagapos sa aking pagkilos. 

"E 'di hwag mo na laang tanggalin hanggang sa mismong flight mo para priority lane ka," mungkahi ni Marvin, ang katotong ngayon e kapitbahay ko na rin. 

Aha! Ang Napoles gimik ang ibig nyang sabihin. 
At dun namuo ang ideyang mag-Napoles ako para makaiwas sa peste ng pagpila kahanay ng mga kapwa kong balanang ang tanging kayang gastahin sa tiket ng eroplano e pang-economy. Inialay ng mga buntala sa aking paanan ang ginintuang pagkakataong makaligtas sa mga linyang ito: check in ng bagahe, immigration, atbp. Hindi ko na kelangang mag-antay ng dalawang dekada't kalahati para makipagkaskasan ng gulong sa mga senior citizen - na aminin na natin e hindi naman ganoong kaluno ang mga katawan. Kung mahina sila, e 'di dapat e mag-Bingo na laang sila sa bahay nang hindi napapagod sa pagbibiyahe sa himpapawid. Pupusta ako sa inyong kalahati ng mga naka-wheelchair na senior citizen e kayang tumapos ng 5K na takbo sa loob ng 45 minutos.

Flashback:

Akala mong BJ ang pinamimigay sa pilang ito.
Nasubukan ko itong bisa ng priority lane noong kami e nag-J.Co, pagkatapos ng follow up check up ko sa PGH. Hindi ako sanay pumila sa J.Co dahil hindi ganito sa Bandung, Indonesia. Mas mahaba pa sa pila sa PureGold ang pila sa tindahang ito ng donut. Makalipas ang mga sampung minutong pagtityaga sa pagpila ng misis ko, naisipan kong dumiretso sa priority lane. Sabi sa paskil: for senior citizens, pregnant at disabled. Dahil wala namang senior citizen na walang diabetes o buntis na gustong tumaba at ma-CS o kaya ni isang disabled, bakante ang lane na ito. Paika-ika kong tinahak ang landas sa simula ng pila at umorder sa clerk. 

"Okay, Sir. Meron po ba kayong ID?" tanong ng clerk.

"Hindi ako senior citizen. Bagong opera ako," sagot ko, sabay turo sa mahiwaga kong bracelet, ang tag sa ospital. Pinagbigyan nya naman ako't binentahan ng isang dosena. Hindi ko na kinailangan pang gamitin ang praktisado ko na sanang linyang: Ako e pagbigyan mo na't ilang buwan akong nagtiis at umiwas sa matatamis na pagkain. Ito ang huling matamis na pwede kong kainin dahil tinaningan na ako ng oncologist ko ng dalawang linggo.

Hindi ang aktwal na larawan ng pilang naligtasan ko.
Dumating ang araw ng byahe. Aaminin kong mas namamayani sa akin ang pananabik na magamit ang gimik na ito kesa sa ideyang mamaalam ako sa mga magulang kong makikita ko na laang ulit sa loob ng kalahating taon. Pagbaba ng van e inilabas ko ang aking pang-Famas na muka para magmukang kaawa-awa. Maghihintay ka rin pala sa wheelchair at maraming palang nang-aabuso ng gimik na ito. Matapos ang  kalahating oras ng paghihintay e nakakuha na ng wheelchair ang aking misis. Pag kumuha ka pala nito, me kasama nang taga-tulak. Di ko alam kung sila e mga nurse o orderly na walang makuhang tarbaho sa karaniwang ospital o sadyang mga generic na tarbahador. 

Ang mga nakawheelchair pala e hindi daraanan sa metal detector. Naturalmente, dahil merong bakal ang wheelchair. Hindi ko alam kung paano isisingit ang isang Magneto at Prof X na joke at tinatamad akong mag-isip. Tapos, diniretso ako ng taga-tulak ko sa check in ng bagahe. Merong pila, pero maigsi. Merong ilan akong namataang mga taga-senior citizens' club. Pinagtaasan ako ng kilay ng isang gurang na bubae. "Bagong opera po ako, salamat," bulong ko sa sarili ko. 

Matapos iproseso ang aming bagahe, pinapunta ako ng nakangiting clerk na bubaeng chubby pero pwede na rin dahil meron namang pwet sa PALMed. 

"Anong ibig sabihin nun? Magpapacheck up ako sa doktor? Di ba sila naniniwala sa akin? Meron akong hospital tag. Kung gusto ng Doubting Thomas na iyon, isaksak niya sa aking tagiliran ang kanyang daliri kung 'di sya naniniwalaang bago akong opera," hinaing ko sa misis ko. Ipinaliwanag nya sa aking kelangang makita ng doktor kung ako e nagkukunwa laang kaya nagwheelchair.


"Arte? Anong klaseng tao ang magpapakababa't magpapanggap na magwheelchair para laang makaligtas sa pagpila? Anong klase ng tao ang gagawing isang malaking kalokohan at gagawing walang kabuluhan ang sistema ng priority lane?"

"Yung mga hindi nagtatanggal ng hospital tag kahit na magmuka silang takas sa ospital," sagot ng misis ko. Nakinabang rin naman sya sa J.Co, pero parang meron akong nalalasahang pagkontra sa misis kong wala nang ginawa noong bakasyon kundi sumunod sa mga utos kong abutin ang ganito, kunin ang ganun. 

Mahaba-haba ang aming nilakbay para makarating sa PALMed. Lumabas kami ng airport, pumasok sa ilang gusali, napadaan kami sa kantina ng mga empleyado, nakita namin sa lapag ang mga naglalakihang eroplano. Kung matataong mapapagpasyahang ako e nag-iinarte laang at hindi ko kelangan ng wheelchair e isang kalbaryo ang maglakad pabalik, bagong opera man o hindi. Kinabahan rin ako dahil ano ang gagawin ko kung ideklara akong 'unfit to travel'? 

Pagpasok sa loob ng PALMed, nakita ko ang bubaeng doktor. Hindi ko alam kung doktor talaga dahil wala syang stethoscope at hindi rin sya nakaputing lab coat. Tinanong nya ako kung bakit ako nakawheelchair. Binalanse ko ang aking akting sa malakas at hindi nangangailangan ng wheelchair at ratay sa banig ng karamdaman. Ang resulta e hindi pa malakas nang sapat para tumindig sa sariling paa at maglakad nang mahaba. Lumalabas na hindi na mahalaga kung mala-Boyet de Leon o mala-Rey PJ Abellana ang akting ko dahil sa TV naman nakatutok ang atensyon ng 'doktor'. Meron yata syang nakilalang kaibigang nadaaanan ng kamera sa pagpapalabas ng Papal visit. Tiningnan nya laang ang medical bill ko at pinalakad, este pinagulong na nya akong muli. Bnigyan nya ako ng go signal form kahit hindi nya tinitingnan man laang ang aking temperatura. 

Magmula noon e naging maalwan ang lahat. Pagdaan ko sa linya ng mga karaniwang taong nagche-check in ng kanilang bagahe e tinanong ko ang taga-tulak ko, "Bakit kanina e maigsi laang ang pila naten?" 

"Ser, priority lane po tayo kanina dahil naka-wheelchair po tayo." Sinamahan nya ako hanggang sa makalampas ng huling security check. Binalikan nya rin ako para isakay noong boarding na. Habang nilalakad ko ang daan papunta sa aking upuan sa 8A, iniisip ko kung ano ang ipapaopera ko sa bakasyon ko sa huling linggo ng June.


2 comments:

  1. Welcome back bro Jerboy. Ngayon alam mo na kung paano maging prioridad sa Pinas. hahaha!

    ReplyDelete