Tuesday, March 5, 2013

Ang kapalit ng isang lumang payong at P25


Nung isang hapong nag-iisa ako sa bahay at nagtatarbaho, merong kumatok sa pinto. Hindi ko namalayan ang walang paalam na pagpasok sa gate ng hindi inaasahang panauhin dahil sa dumadagundong na Ramstein sa background. Iniawang ko ang pinto’t sinilip kung sino ang pangahas. Isang matandang bubae! Pinanindigan ako ng balahibo sa batok. Mga 95 anyos na malamang ‘yun, nakasuot ng jacket at palda. Isinara ko ang pinto at nagpunta sa kwarto para dumukot ng tumataginting na 2000 rupiah (sampung piso sa perang Pinoy) at nagsuot ng sandong puti.

Binuksan ko ang pinto at ang unang tanong sa akin ng matandang bubae e, “Anong reliyon mo, anak?” Ito ang ibubungad na tanong sa akin sa isang makulimlim na hapon habang ako e nag-iisa? Anong klaseng kaululan ng mundo ito? Anog reliyon ko? 

“Muslim ka ba? Kristyano? Ano man ang reliyon mo, iisa lang ang ating Panginoon. Saksi ang Panginoong nagsasabi ako ng totoo...” Nagpaalam sya kung maari raw kaming umupo at ipagpapatuloy niya ang kanyang pagkukwento. Hinayaan ko syang umupo sa bangkong kawayan sa aming veranda, samantalang minabuti kong manatiling nakatayo. Tangna, baka kung ano pang bulong o sumpa ang ibigay sa akin nitong kumag na ‘to.

Inilahad niya sa aking ooperahan raw siya ng tumor kinabukasan. Sinabi niya kung saan siya nakatira, ano ang pangalan ng ospital kung saan sya ooperahan at kung anu-ano pang detalyeng hindi ko naintindihan. Wala siguro syang ideyang ang hinihingian niya ng tulong e isang banyaga’t hindi Indonesian. Hindi niya sinabi sa akin kung nasan ang pamilya nya. 

At para maniwala ako e ipapakita nya sana sa akin kung nasan ang tumor nya, pero pinigilan ko sya’t ayokong mawalan ng kakayahang tirikan ng uten habambuhay. Aba’y maglililis pa sana ng palda ang putang ‘na. Sinabi iya sa aking kailangan nya ng malaking halaga ng pera.

“Ipagdarasal ko po kayo na sana e maging matagumpay ang operasyon nyo,” sabi ko. Hindi naman siya nanghihingi ng pera kaya’t ano sasabihin ko? Iaalok ko ba sa kanya ang buong buwang suweldo ko para sa isang kwento? Ano ba dapat kong gawin? WWJD? Papasukin ko ba sya sa loob ng bahay? At para ano, magkape? Panonoorin ko ba sya ng tv at sasabihing, “Palabas po ngayon ‘yung Eat Bulaga Indonesia. Gusto nyo po ba?”

Sa huli e napagpasyahan kong magpaalam saglit at kumuha ng 5000 rupiah. Iniabot ko ang salapi sa matanda. “Pasensya na po kayo’t nasa misis ko ang pitaka namin.” Inalok ko rin sya ng tinapay. Maigagawa ko sya ng sandwich kahit mawalan na ko ng hapunan, pero ayaw raw niya. At lumuha ang langit sa aking kagalantehan. 

“Meron ba kyong payong?” tanong niya sa akin, habang nakatitig sa payong ng misis ko. Nakupow, paborito ng misis ko iyon. Malaki kasi, kasya kaming tatlo ng anak ko kung magsusukob. Makulay pa at nagagamit niya iyong panturo sa anak namin ng mga pangalan ng kulay. Pero, anong gagawin ko? Pasusugurin ko ang “ooperahan sa tumor” na matanda sa ulan? Hintayin ang ganap na pagtigil ng ambon? At ano ang gagawin namin habang nag-aantay? Anong pag-uusapan namin? Ang presyo ng langis dito na sa totoo laang e hindi ko alam? Ibinigay ko na rin sa kanya’t sa isang banda naman e medyo may sira na rin ‘yung payong, kahit na pwede pang ayusin.

Pero, bago siya tuluyang lumisan, sinabi kong, “Tamang-duda po kasi ang misis ko kaya’t kailangan ko ng picture nyo. Pwede ho bang mag-pose kayo nang saglit kasama ang payong? Hindi kasi maniniwala sa aking pinamigay ko lang ‘yun. Sasabihin sa ‘kin nun  baka naiwan ko laang sa isang angkot.” At pumayag naman sya at heto ang kapalit ng payong at Rp 5000 –isang photo na pupuwede ko nang gamitin kahit kelan para sa mga kwentong pangnawawalang matanda. 

Ang matandang dumalaw, at sa pagkakataong ito, hindi ito imbento



No comments:

Post a Comment