Friday, August 31, 2012

Spinach Syndrome


Naaalala nyo ba yung panahong binibisita kayo ng DENR o kung anumang sangay ng gobyerno ‘yun sa inyong eskwelahan? Binisita kami noon nung ako e mga grade 4 yata. Tigil ang klase namin noon noon at merong lalakeng nagsalita tungkol sa kahalagahan ng mga gulay at sustansyang makukuha nila run. Binentahan nila kami ng mga butong dapat itatanim namin sa ‘ming bakuran. Nagsibilihan kaming lahat ng mga kaklase ko. At ang binili ko syempre e walang iba kundi spinach.



Di ko alam noon kung saan ‘yun sa lyrics ng ‘Bahay Kubo’, pero ‘yun ang gulay na nagbibigay ng lakas ke Popeye. At sa mura kong isipan, iniisip kong mapapalakas ako nun. Hindi naman sa mala-cartoons na magpapalit-anyo, pero umaasa akong lalaki ang mga braso ko noon.

Ang problema e ang pagtatanim. Sinong 10 years old ang magtyatyagang magbungkal ng lupa, magsilid ng mga buto sa hukay at tabunan ito? Kung pupwede nga laang na tumubo ito sa bulsa ng bag, malamang meron na akong hardin ng spinach.

At makikita ko na laang uli ang mga binhing ito makalipas ang ilang buwan, kapag pinaghahanap ko na ang mga test papers o homework sa aking bag.

Noong 1998, nung ako e katatapos laang ng kotrata sa isang trabaho at isa nang full-grown adult, nagpunta kami ng mga kaibigan ko sa Baguio. Isa sa mga binisita naming lugar e ‘yung nagbebenta ng mga binhi. Hulaan nyo kung ano ang binili ko. Tama, spinach. Hindi na ko syempre naniniwalang magiging ala-Popeye ako noon, pero sa isip-isip ko:

“Ito na ang pagkakataon para itama ko ang hindi ko natapos na misyon noon –ang magtanim ng spinach. Wala akong trabaho at wala akong ginagawa. Nasa akin ang lahat ng oras at kayang-kaya kong tapusin ‘to sa loob ng limang minuto,” pangako ko sa sarili ko, hawak-hawak ang maliit na plastic bag ng mga buto ng spinach sa harap ng araw.

At sa awa ng dyos, ngayon e 2012 na, wala akong ideya kung saan ko napabayaan ang mga binhi. Ito rin ang dahilan kung bakit ‘di ko natapos ang ginagawa  kong pelikula (na nashoot na ang opening scene), ideya sa nobela at komiks. Kung merong ningas-cogon, ako naman e merong tinatawag na Spinach Syndrome.  Walang ningas, natutulog laang sa bulsa ng imahinasyon o nababon na lamang sa limot.   


No comments:

Post a Comment