Saturday, February 16, 2013

Chain FB Posts# 2: Nawawalang Matanda


Isa pa sa mga sikat na chain posts sa FB e ang mga nawawalang matanda. Madali lang ring gawin ito, pero kailangang meron kang kakayahang magpatagaktak ng luha at makapagsulat ng diretsong Tagalog. Kung meron pang Maalala Mo Kaya, manood ng ilang episodes nito para matuto ng Tagalog at matuto sa ideya ng drama. Meron siguro nito sa YouTube kung wala na ito sa ere. 
  1. Kung sa paggawa ng taxi scam post e kailangan mong mag-Taglish, dito naman sa nawawalang matanda e dapat limitahan kung hindi man hwag ganap na gumamit ng Inggles dahil mas nakakaantig ng damdamin ang purong Tagalog sa ganitong pagkakataon. Suriin mong muli ang sinulat mo at tingnan kung pipwedeng tanggalin mo na 'yung mga in fairness, because, me, so, and, actually, not knowing, atbp. 
  2. Gumamit ng mga pangalan ng lugar na kilalang-kilala mo para hiindi padaplis-daplis ang ang facts mo.
  3. Dagdagan ng detalye: anong edad nung matanda, bakit sya napadpad doon (pinangakuan ng trabaho, iniwan ng pamilya, naligaw), anong klaseng paghihriap ang dinaranas niya (sumasablay sa kain paminsan-minsan, umaasa sa awa ng mga nagsisimba, naghihintay ng tira-tirang pagkain sa mall –sa mga lugar kung saan mo sya nakita), pero kahit ganito e DAPAT masayahin pa rin sila dahil walang mas nakakaawa kesa sa taong hindi alam na dapat sila e kaawa-awa.
  4. Mag-imbento ng kung ano ang gusto nilang mangyari sa buhay: mahanap ang pamilya, magkaron ng sapat na salapi para makauwi sa malayong probinsya, ipaalam sa mga pamilya niyang buhay pa siya. 
  5. Magdagdag ng larawan ng matanda. Puntahan mo ang katoto kong poetographer na si Gilber Labo sa FaceBook. Meron siyang collection ng mga pictures, kasama na ng matatanda. Umumit ka ng picture dun at burahin mo yung signature niya. Maganda ang koleksyon nya ng photos, pero hindi ko nirerekomenda ito dahil mala-bulkan kung magalit iyon. O kaya para mas madali, manlibre ka ng lugaw sa isang matanda at sabihing bilang kapalit e kukunan mo sya ng litrato. O kaya, gaya sa halimbawang ginamit ko, kumuha ka ng larawan ng matandang Asian, yung kapareho natin ang itsura, gaya ng Indonesian, Malaysian o Cambodian (ang ginamit ko). 
  6. Ienjoy ang post mo dahil walang magdedemanda sa iyo kung sinunod mo ang payo ko sa larawan. Pero humanda ka ke Gilbert Labo kung sa kanya ka kumuha ng picture. 
Heto ang isang halimbawa. Ginamit ko na ito kahapon. 

Dapat pang-matandang palayaw ang gamitin, tipong nagtatapos sa 'ng'

Please share. It takes only a minute of your time to make a difference for the old woman in the photo. She doesn't need financial assistance. She only needs you to share this post. 

Naglalakad ako noon sa gilid ng simbahan ng Quiapo dahilnaghahanap ako ng pamparegla para sa aking girlfriend na tatlong buwan nag hindi dinaratnan. Katatapos ko lang bumili ng diplomang pandentista sa Recto nun at balak ko sanang magpasalamat sa Diyos sa tatlong taon at matrikulang matitipid ko sa isang kaprasong papel. Dun ko nakita si Aling Mareng na namumulot ng tira-tirang siopao na asado (merong tuldok na pula kaya’t alam kong asado, pwera na lang kung bol-bola ang pula at dilaw pala ang asado).

Nilapitan ko siya’t binigyan ng P2.50. Nakipagkwentuhan sya sa akin nang salit. Nalaman kong isa pala siyang nurse dati sa isang bahay-ampunan. Buong-buhay siyang nagtrabaho roon para mag-aruga sa mga nagkakasakit na ulilang bata sa bahay ampunan at pag wala namang may sakit, sya ang naglalaba, nagluluto, namamlantsa at nagtuturo ng Religion sa mga bata.

Noong panahon ng Hapon ay pinrotektahan niya ang mga bata mula sa pagmamalupit ng mga mananakop. “Ipinambayad ko ang mura kong katawan sa mga Sakang kapalit sa kalayaan ng mga bata,” sabi ni Aling Mareng.

Matapos ang pananakop ng mga Hapon, nasubok muli ang katatagan at pagmamalasakit ni Aling Mareng. Nasunog ang bahay-ampunan nung 1962. Sya ang nanguna sa pagsagip sa mga bata. Pabalik-balik nyang pinasan ang mga bata sa kanyang likod sa gitna ng nagliliyab na gusali. Sa kanyang pagsagip ay nasunog ang kanyang mga binti. Hanggang ngayon ay mababakas pa rin ang marka ng apoy at marka ng kanyang walang pagmamaliw na pagmamahal para sa mga batang ulila.
Para maayos muli ang muntik nang matupok na gusali ay ibinenta niya ang kanyang kidney. Ang pinagbentahan nito ay pinampuhunan nya sa negosyo. Nagbenta sya ng prutas sa mga Bumbay na nagpa-five six noong araw. At sa kanila sya nakapangutang ng pampaayos ng gusaling nasunog hanggang sa nabuong muli ang bahay-ampunan mula sa halos pagkatupok nito.

Napawi ang ulap ng paghihirap at napalitan ito ng ngiti ng araw. Yumabong ang bahay-ampunan at naglabas-masok ang mga batang naulila o binasura ng kanilang mga inang hindi handa sa responsibilidad ng isang magulang. Lumipas ang panahon at ilang henerasyon ng mga ulila ang kanyang inabutan, hanggang ang bawat isa sa kanila naampon ng mga magandang pamilya at naging mabuting mamamayan at haligi ng lipunan.

At ngayong siya ay 95 anyos na’t hindi wala na syang sapat lakas para mangalaga ng mga bata at makatulong sa gawaing-bahay, pinalitan na siya ng bahay-ampunan ng isang batam-batang babaeng bagong graduate ng Nursing na pumayag na tumanggap ng sweldong mas mababa sa minimum wage.

Sa ngayon ay naglalakad-lakad sya sa gilid ng Quiapo, umaasang makikitang muli ang mga batang itinuring niyang kanyang sarilnig pamilya. Ang tanging kahilingan nya ay magkaroon sila ng reunion, bawat isang batang ulila, mula sa panahon ni Diosdado Macapagal hanggang ngayon. “Makita ko lang ang bawat isa sa kanila ay pupuwede na akong mamahinga at humarap sa aking Panginoon.”

Paki-like and share po para makita sya ng lahat ng mga ulilang batang inalagaan nya noon at para makapagplano sila ng isang malaknig reunion. Hindi na nya maalala ang lahat ng pangalan ng mga inalagaan niya dati, pero kilala pa rin niya ang mga mukha nila nung bata pa sila, lalo na iyong mga inaalagaan niya nung panahon ng mga Hapon.

I know only 8% of your friends will care enough to share this, but her 'kids' do not even make up 8% of the Filipino FaceBook users' population. Let's help. Thanks!



No comments:

Post a Comment